Friday, June 8, 2012

Sa Sabaw ng Dinuguan 01

May isang lalaki na gustong magkaroon ng anak na babae. At dahil hindi sila makabuo ng kanyang asawa ng anak, nagpatingin ito sa isang doktor upang alamin kung mayroon itong problema sa kanyang pagkalalaki.

Naghintay siya ng matagal na oras hanggang sa lumabas ang doktor mula sa laboratoryo dala ang papel na resulta ng kanyang pagpapacheck-up. Lumalabas na mayroon itong oligoasthenoteratozoospermia o kakulangan sa purong semilya na kanyang inilalabas tuwing nagkikipagtalik ayon sa pagpapaliwanag ng doktor. Dagdag pa nito, malamang ang problemang ito ay matagal nang nasa kanya o kaya naman ay sa simula pa nang siya'y magbinata.

Problema sa mga kalalakihan ang magkaroon ng ganitong kaso ng sakit. Pero may isa pang mas malaking problema: mayroon na siyang anim na taong gulang na anak na lalaki. Isang bagay na hindi niya ipinaalam noong una sa doktor, na huli na nitong nalaman.

Gusto pa sanang tulungan ng doktor ang lalaki upang magsagawa muli ng panibagong test ngunit agad itong umalis habang paulit-ulit na sumisigaw sa kanyang isip na hindi sa kanya ang anak niyang lalaki. Iniisip niyang siya ay baog at niloko siya ng kanyang asawa, at hindi nanggaling sa kanya ang kinikilala nitong anak.

Makalipas ang linggo, nabalitaan na lang ng doktor sa isang pahayagan na pinatay ng naging pasyente niya ang kanyang asawa, anak, at ang kanyang sarili dahil sa maling akala at nakamamatay na galit. At dahil dito, binagabag siya ng kanyang kunsensya hanggang sa mawala ito sa tamang kaisipan na siyang dahilan ng kanyang kamatayan di kalaunan...

Bing
Nananahimik si Bing sa harap ng buong klase. Lahat ng kaklase ay nakatingin sa kanya, habang patuloy ang panenermon sa kanya ng guro niyang walang ibang ginawa kundi pahiyain siya. Malamang, nasita na naman siya sa gamit niyang sirang sapatos. Panay kasi ang pagkuha ng ate niyang maluho sa itinatago nitong pera kaya hindi na siya nakakabili ng sapatos.

"Ayoko nang makita ka pa bukas na walang bagong sapatos, naiintindihan mo ba, Bing?!"

Tumango ito saka nagkaroon ng bulungan. Bulungan, na alam niyang siya ang paksa. Alam niya ang sinasabi ng mga kaklase sa kanya na nagsisinungaling ito at hindi itinutupad ang mga ipinapangako. Tulad ng lagi niyang nararanasan.

Mula sa harapan ng klase ay naglakad siya habang nakayuko papunta sa kanyang upuan. Hatak niya ang tingin ng mga kaklase saka bumalik ang pansin sa galit na gurong patuloy na nagsasalita.

"Bakit kasi hindi mo pa sabihin yung totoo na wala kang pambili?" bulong ng katabi nito.

Hindi na siya nagsalita.

"Masama na naman yung tingin mo? Wala akong sinabing mali ha," saka ito nakinig sa nagbubungangang guro.

Sa kabilang dulo naman ng upuan ay naroon ang isang kaklase na si Patut. Pinandilatan niya ng mata si Bing saka ipinakita ang saradong kamao na gustong isapak rito matapos magbanggaan ang kanilang paningin.

Muling yumuko si Bing sa isa pang pagkakataon. Nasa ibabaw ng kanyang lamesa ang saradong kamao na gusto niyang ibagsak rito dahil sa galit. Masama ang loob niya ng mga sandaling iyon kaya hinayaan na lang niyang dumaloy ang luha sa kanyang mga mata at hindi na nakinig. Ang malinaw sa isip niya ngayon ay gusto na niyang umalis. Gusto niyang mawala o matunaw. Ayaw na niyang makita pa ang mga kaklaseng patago siyang tinitignan sa likuran at tinatawanan kung saan siya nakaupo. Ayaw na niya. Suko na.

Sisigaw na sana siya para suwayin ang ilang kaklase nang tumayo siya at maunahan ito ng tunog ng malakas na bell ng buong eskuwelahan. Napahinto siya. Mabilisan na nag-ayos ng mga gamit ang lahat ng kaklase pero si Bing, tahimik lang na muling umupo sa kanyang lugar. Hinayaan niyang unti-unting lumabas ang ibang kaklase.

Sa harapan nito makikita ang guro nitong masama ang tingin sa kanya kaya napuna na naman niya ito nang mahalatang namamaga ang mata nitong namumula at mayroong tira-tirang luha, "Walang magagawa 'yang pag-iyak mo kung hindi ka pa uuwi sa iyo," saka kinuha ang libro, bag, at lumabas ng klase.

Hindi siya nakinig. Tahimik na ang buong klase.

"ANO BA?!" Nagulat siya sa malakas na pagpalo ng palad sa pinto ng galit na guro. "GUSTO MO BANG IKULONG KA RITO?! LABAS!!!"

Nataranta siya. Agad niyang pinag-aayos ang gamit nito saka lumabas ng kuwarto na luhaan, at halos masubsob sa mga nababanggang upuan sa sobrang kaba. Gusto niyang magwala. Kanina pa, pero wala siyang karapatang gawin ang bagay na iyon dahil alam niyang pagagalitan lang siya nito.

- - - - -

"Saan ka pupunta?"

Ito ang narinig ni Bing paglabas niya sa gate ng buong eskuwelahan. Walang imik itong lumingon sa kanyang likuran, sa isang waiting shed, kung saan nakita niyang naroon ang isang kaklase. Magpapatuloy na sana siya sa paglalakad nang harangan siya ng dalawa pang kaklase na masama ang tingin sa kanya.

Mula sa waiting shed, lumapit ang kanyang kaklase at binugahan nito ng usok ng sigarilyo sa mukha. "Sa palengke?... Doon kila Manang Fely?"

Si Patut.

Katahimikan.

"Alam mo naman siguro kung bakit tayo nandito di ba? Ibigay mo na."

"W-wala akong maibibigay sa inyo--"

"Heto na naman ba tayo? Tangina mo, nakakagago ka na," maangas nitong sinabi saka niya tinanguan ang dalawa nitong kasama. "Sige, simulan niyo na."

Mula sa kanyang kaliwa ay kinuha nito ang bag at kinapkapan ng ano mang mga bagay na maaari nilang makuha. Ang isa naman ay kinapkapan ang bawat sulok ng katawan ni Bing. Hindi rin pinalampas pati ang kanyang panloob.

Biglang hahalakhak nang malakas ang isa, "Pre, butas yung brief!"

Sabog sila ng tawanan. Pero hindi si Bing na naroong nakatayo at muling dumaloy ang luha sa sama ng loob. Wala siyang kalaban-laban sa tatlong kaklaseng ginagawa siyang laruan pero sandaling nahinto ang tawanang ito nang magsalita ang isa.

"Patutsy, wala ngang dala! Walang laman yung bag!"

"Tangina mo! Huwag mo akong tawaging Patutsy! Anong akala mo sa akin, bakla?!"

Nadismaya sila.

Nakitaan ng panggigigil si Bing mula sa kanyang mga kamao.

"Kayong dalawa," nagbuga siya ng usok ng sigarilyo matapos humithit. "Alam niyo na kung ano ang gagawin..."

Walang anu-ano'y agad tumakbo si Bing pero agad din siyang nahuli sa isang kanto kung saan hindi na sila nakikita pa ng ibang estudyante. Hinawakan ng dalawa ang magkabila niyang kamay saka ipinadapa sa lupa. At nang dumating si Patut, agad nitong binatak ang buhok ni Bing saka muling binugahan ng usok sa mukha.

"Tarantado kang anak puta ka, bakit ka tatakbo, HA?!"

Pumapalag si Bing at nagbabakasakaling makatakas ito sa tatlong hinayupak na kaklase pero hindi niya magawa. Wala siyang laban dahil tatlo ito at nag-iisa lamang siya. At dahil hindi mapatahimik ni Patut sa pagsisigaw ni Bing ay paulit-ulit niyang inuumpog sa lupa ang mukha nito hanggang magdugo ang nguso. Hindi na nagawang sumigaw pa ni Bing nang idarag sa pisngi niya ang nakasinding sigarilyo hanggang mawalan ng apoy.

"Bing, huwag tayong maggaguhan. Alam mo kung ano ang hinihingi namin sa iyo kaya aabangan ka namin ulit bukas sa gate kapag wala kang maibibigay," sabi ni Patut saka nito ibinalibag ang katawan ni Bing sa lupa dahilan para mamilipit ito sa sakit. Dito na siya iniwang mag-isa hanggang sa magdilim ang paligid sa papalubog na araw ng hapon.

(Sorry, the content of this part was removed by the author.)

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^