Friday, June 8, 2012

Sa Sabaw ng Dinuguan

Sa Sabaw ng Dinuguan
Copyright 2012 by Jay Calicdan

Para kay Jonathan, at sa mga taong tinuruan ako kung paano maging masama, magalit, maging brutal, sira ulo, at matapang, habang mag-isa kong tinatawid ang intersection sa tapat ng Camp Aquino. We rock, YEAH! ^_^

... ang dugo ay buhay...

Bing
Isa lang akong ordinaryong palengkero sa aming barangay. Nagtatrabaho ako mula Sabado hanggang Linggo, madaling araw at hanggang gabi sa amo kong nagtitinda ng mga karne at gulay na walang ibang ginawa sa akin kundi ang apihin at pahirapan ako. Gusto ko na sanang umalis sa kanya pero kailangan ko talaga ng pera para ipangtustos ko sa mga pangangailangan ko, unang-una na sa pag-aaral.

Isa naman akong mag-aaral sa pampublikong eskuwelahan malapit sa amin. At dahil hindi lahat ng pera na naiipon ko ay sumasapat, hindi ako nakakabili ng gamit tulad ng sapatos, medyas, pantalon, polo, at gamit pang-eskuwela. Kahit ganito lang ang buhay ko bilang mag-aaral, pinipilit ko na lang pagtiyagahan ang tira-tirang panulat at papel ng mga kaklase ko dahilan para sitahin ako ng guro ko at palabasin ng klase. Isabay pa rito ang pagsundan pa ng tingin ng mga kaklaseng pigil ang tawanan at bulungan.

Ang mga magulang ko? Hindi pa naman ako ulila eh. May mga pagkakataon lang talaga na madalas, ramdam kong wala akong pamilyang kahit minsan lang e mapansin ako. Pero ayoko rin namang pinapansin nila ako dahil dito kadalasan nagsisimula ang mga bagay kung saan tinuturingan ako bilang iba, at hindi pamilya. Kahit hindi nila sabihin sa akin ng diretsahan, ramdam ko iyon dahil sinasabi na nila iyon ng kanilang mga kinikilos.

Kaibigan? Hindi ko alam kung kaibigan ang turing sa akin ng ilan. Kung totoo silang mga kaibigan, hindi sila tutulad ng pang-aasta sa akin ng mga magulang at kaklase ko. Kailangan ko na rin palang sabihin na hindi sila ang kaibigan ko na sinasaktan ako mula damdamin at katawan. At yung iba naman, wala na akong pakialam sa kanila dahil kinalimutan ko na sila tulad ng paglimot nila sa akin. Pantay na!

Pero kahit ganito ang buhay ko bilang 'kaaway at talunan ng buong mundo' e masaya pa rin naman ako. Bakit? Kasi mayroon akong kaibigan. Siya si Bantay, isang aso na kahit kailan ay hindi ako itinuring 'hayop' tulad ng pang-aasta sa akin ng iba na mas hayop pa sa hayop. Masaya ako dahil sa tuwing nalulungkot ako, nariyan lang siya sa tabi ko at kahit kailan, hindi ako iiwanan di tulad ng pag-iwan sa akin ng buong mundo.

At kahit ganito lang ang lagay ko ng mga sandaling ito, naniniwala ako't umaasa, na sa bandang huli, magkakalaglagan din ang lahat...

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^