Saturday, June 8, 2013

Huling Sundalong Hapon

Huling Sundalong Hapon
Copyright 2013 by Jay Calicdan

Para kay Lakietitz, sa Team Whoo (kilala niyo na kung sino-sino kayo), kay kuya Mizukoshi Kaito na siyang inabala ko (habang nagkaklase sila) para magbigay sa akin ng Japanese Lesson, at kay Patrick John para gawin ito.

... nasaan ang dyaryo ko?...

Jonathan
Dear diary.

Alas siyete na iyon ng gabi nang makita ko ang oras sa relo habang nagsusulat ng lecture sa classroom. Gabi na pala, at halos hindi ko na namalayang mauubos ko na pala yung isang notebook sa dami ng lecture na hindi naman magagamit, gayon din ang oras dahil sa walang katapusang pagsusulat na ginagawa namin habang tahimik ang lahat sa klase. Walang anu-ano'y nagmadali na akong lumabas ng klase na hindi na nagpaalam pa saka sila napatingin sa akin.

"Uwian na!" sabi ko, saka lang nila napagtanto. Kailangan ko na talagang umuwi ng bahay dahil sa isa pang trabaho na kailangan ko pang tapusin sa loob ng magdamagan--ang pagsusulat!

Oo, pagsusulat. Walang kamatayang pagsusulat. Kailangan ko pa kasing tapusin ang isa pang kuwento para ipasa sa Literary Competition. Deadline na kasi bukas yung submission kaya hahabol ako. Humahabol ako kasi kailangan i-sumite ko ito ng sulat-kamay pero may isang problema: namamaga na itong mga daliri ko sa paghawak ng natigas na panulat. Hindi rin naman kasi tatanggapin yung mga computerized o minanikilya kaya naiinis ako. Kaya kung nagsasalita lang itong kamay ko, sigurado, mumurahin na ako nito o kaya e bubugbugin na ako sa sobrang pagod. Halos hindi na ako makapaghawak ng gamit dahilan ng panginginig pa nito sa sakit. Pero alang-alang sa gustong makamtan, gagawin ko. Pipilitin ko at siguradong hindi na ako mapapatawad nito.

Halos masubsob ako sa lupa nang tumakbo ako nang mabilis pagkababa ng jeepney saka tinahak ang malubak na daan papauwi sa amin. Kailangan ko nang magmadali kasi mahaba-haba pa yung sisusulat ko nakailangang tapusin sa lalong madaling panahon. Medyo malayo-layo pa yung uuwian ko at hindi maaaring lakarin na aaksayahin lang ng tatlongpung minuto at labing limang minuto naman kung tatakbuhin nang hindi hihinto. Kailangang mabilis... na siyang ginawa ko na walang pahinga. Kaya kong magpakamatay alang-alang sa sining ng pagsusulat.

Medyo nakakalahati ko na ang layo ng daan pauwi ng bahay nang mapatid ako sa malaking bato at madapa, saka naihampas nang malakas ang noo sa matulis na bato. Sa sobrang lakas ng pagkakapalo nito, nakita ko na lang ang sarili na nakadapa sa maalikabok at mabatong daan. Hindi ako kaagad nakatayo sa sobrang sakit at hirap akong tumayo. Sa pagpalo, parang naramdaman ko pa ang pagbiyak ng bungo ko pero hindi naman ganoon ka-grabe.

Nasa ganoon akong lagay nang makaramdam ako ng kakaibang bagay na siyang nag-approach sa akin. Kinabahan ko sa mga sandaling pumalo nang malakas ang ulo ko sa bato habang kumakabog ang dibdib ko na parang tinatambol nang sobrang lakas. Hindi ko alam kung dahilan lang ito ng pagkapagod o nagsasabi ng kakaibang kaba itong katawan ko. May awra kasi na napakalakas, tapos nakakatakot pero hindi ko alam kung ano iyon. Maliwanag na parang may isang bagay sa akin na siyang nagpataas ng balahibo ko hanggang anit.

Nakadapa pa rin ako sa lupa nang unti-unti kong itaas ang ulo. At--natakot nang malamang nakahawak pala ako sa isang paa na nakatayo sa harapan ko. Mayroon itong suot na sapatos na kung tawagin ay combat na karaniwang sinusuot ng mga sundalo. Pero, kakaibang combat ang nahawakan ko na nangungumbinsi sa akin na hindi ito pagmamay-ari ng sundalong Pilipino. Paano naman kasi, meron itong matalim na kutsilyo na nakalagay sa gilid nito na siyang di sinasadyang nahawakan ko kasabay ng pagdugo ng palad ko. Masakit at alam ko. Alam ko dahil sundalo ang tatay ko, at alam ko ang itsura at korte ng combat niya kumpara sa nahahawakan ko ng mga sandaling ito.

Nakakapit ang kaliwa at duguan kong kamay sa mga paa niya na nagpadagdag ng takot ko. Napakalaki! Dito na itong nag-umpisang dumugo nang tuloy-tuloy dahil sa nahawakang kutsilyo. Ramdam ko ang sobrang sakit at lalim ng natamo nito sa matalim na blade. At nang sundan ko pa ang pagtingin nito pataas, naaninag ko, may armalite na tumutok sa akin. Itinutok ng kung sino man siya ang malaki nitong armalite saka inilabas ang malaki nitong kutsilyo na nakakabit sa dulo nito na sabik na sabik na isaksak sa akin. Nakita ko, isa siyang malaking tao, nakatingin sa akin, nakatapat pa rin sa mukha ko ang kutsilyo at parang may gustong sabihin sa akin...

"私の新聞はどこ?!"

Madilim, pero mabilis ding nakapag-adjust ang paningin ko. Nanlaki ang mga mata ko ng mga oras na iyon na halos hindi makapaniwala. Nanggigigil siya, marahil sa galit. Hindi ko alam kung sisigaw ako o ano kasi kilala ko siya at nakita ko na siya, hanggang sa...

(P.S. Teka lang, saka ko na muna ito itutuloy. May bisita yata ako ngayon. Hinahanap yata ako. Isa pa, pagod na rin akong magsulat. Itutuloy ko na lang mamaya kapag may oras ako. Ikukwento ko na lang dito mamaya kung sino siya. Sigurado, importante ito kaya じゃ、またあとだね。)

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^