Monday, October 14, 2013

Asahi Chapter 01

Mag-isa lang ako noong umagang iyon.

Nasa tabi ako ng isang malaking puno kung saan naghihintay ako ng masasakyan papuntang eskuwelahan. Karamihan kasi ng mga estudyante sa aming lugar, dito naghihintay ng masasakyan. Naiinip na ako sa kakahintay, isa pa nag-aalala na rin dahil baka mahuli ako sa klase at hindi na naman papasukin ng guwardya sa gate. Nagdadalawang-isip na nga ako noon kung mag-lalakad ako o hindi. Tutal medyo malapit-lapit na rin naman yung eskuwelahan sa amin pero mapapagod ako kung maglalakad ako hanggang sa eskuwelahan dahil sa mga librong bitbit ko.

Halos maglalabing limang minuto na akong nag-hihintay ng masasakyan sa tabi ng isang puno ilang hakbang lang ang layo mula sa akin. Lahat ng mga sasakyang dumadaan ay puno ng mga estudyante at kung titignan sila isa-isa, wala talagang pag-asang sumakay kahit sumabit lang sa likuran o sa ibabaw ng jeepney. Lahat walang matinong bakante. Lahat nagmimistulang sardinas sa sobrang sikip at siksik. Doon ko lang talaga tinanggap na wala na akong pag-asang makasakay at makarating sa eskuwelahan ng mas maaga.

Sa kalagitnaan ng paghihintay ko ng masasakyan ay may isang di kilalang estudyante ang dumating at sumandal sa puno kung saan ako naghihintay. Siguro mga ilang hakbang lang ang distansya namin sa isa't isa. Isa rin siyang estudyante tulad ko na naghihintay rin ng masasakyan. Nandoon lang siya. Nakatulala at nakatingin sa kawalan. Parang may iniisip siya. Tanong ko tuloy sa isip ko, may malaking problema ba siya ngayon? O sadyang tahimik lang na hindi mahilig dumaldal tulad ko. Malamang ganon na nga iyon.

Naisip ko na magtanong ng oras sa kanya kahit na alam ko ang oras. Parang ang sarap niyang kausap habang siya'y nag-iisa. Wala kaming ibang kasama kundi kami lang dalawa. Pakiramdam ko, para kaming  nasa isang isla ng kawalan kung saan kaming dalawa lang ang mag-kasama.

Nakatingin lang ako sa kanya. Tahimik. Tanging tibok lang ng puso ko ang naririnig ko sa mga sandaling iyon na parang tinatambol ng sobrang lakas. Siguro, dala lang ito ng pagkamangha, o kaya naman, paghanga mismo sa kanya. Nakita ko siya, may bahid ng simpatya ang inosente nitong mukha. Hindi ko masyadong makita ng buo ang kanyang mukha dahil nakatingin siya sa asul na kalangitan at, marahil, nag-iisip ng malalim. Sa mga sandaling iyon, tumayo siya mula sa pagkakasandal niya sa katawan ng puno at... tumingin sa akin. Agad kong iniwas ang tingin ko sa kanya at nag-aabang kuno ng masasakyan kahit na alam naming dalawa na wala nang dadaang sasakyan sa kinalalagyan naming dalawa. Kinabahan ako kasi nahuli niya akong nakatingin sa kanya. Sa mga oras na iyon, hindi ko alam kung ano na yung gagawin ko.

Tinignan ko siya ulit. Seryoso yung mukha niyang nakatingin sa akin saka napalitan ng ngiti sa di malamang dahilan. Ngumiti siya sa akin, at umiwas rin ng tingin pagkatapos... hindi ang aking paningin. Hindi maalis ang paningin ko sa kanya. Ang bayolenteng pagtibok ng malakas ng puso ko ay mas lalo pang bumilis na parang hindi ko na mapapahinto. Sa parehong dahilan na hindi ko maipaliwanag kung bakit ako nagkakaganito. Pakiramdam ko, ang gaan ng pakiramdam ko sa kanya.

Tinignan ko ang kanyang itsura. Napakamisteryoso niya. Ang maganda niyang mata, matangos na ilong, makinis na pisngi, at... mapula niyang labi na parang hindi pa nakakaranas ng masarap na halik, ay naging dahilan kung bakit hindi ko siya tinatantanan ng tingin. Parang gusto ng mga paa ko na lumapit sa harapan niya at idikit ko ang labi ko sa mapula niyang labi. Ramdam ko sa mga sandaling iyon na parang nanginginig ang mga tuhod ko, gayon din sa paa ko na parang umuusog paabante. Paabante kung saan ang direksyon nito ay papunta sa kanya. Hindi ko mapigilan ang paa ko sa paggalaw hanggang sa nag-distansya na ito ng isang beses. Isang beses, na katumbas ng isang hakbang. At sa mga sandaling iyon, nakita niya akong nakatingin sa kanya. Kinabahan ako ng todo sa kanya. Hindi alam kung ano ang gagawin, hindi alam kung alin ang uunahin, hanggang sa mabitawan ko yung dala-dala kong libro sa sobrang taranta na hindi niya alam kung bakit pero nang dahil lang sa kanya.

Wala akong intensyong magpapansin sa kanya nang mga oras na iyon at bigla siyang lumapit sa akin para tulungan akong pulutin ang mga nalaglag kong libro. Wala akong masabi sa kanya ng mga oras na iyon at tinulungan niya lang ako sa pagpulot. Inabot niya sa akin yung mga nalaglag kong libro hanggang sa magpantay ang tingin namin sa isa't isa nang hindi sinasadya. Ngayon, nakahinto kaming dalawa, at inabot niya sa akin ang mga libro ko na kanya namang pinulot para sa akin. At sa hindi na namang sinasadya, nahawakan ko yung kamay niya pagkaabot nito sa akin. Ang lamig ng kamay niya na parang may hawak akong isang yelo. Ang lambot, at napakakinis na halos ayaw ko nang bitawan. Iniisip ko na sana sa mga oras na iyon, tumigil ang ikot ng mundo kahit isang oras lang na kasama ko siya. Ang mukha niyang napakaganang tinitignan ay nagbigay sa akin ng mas matinding pagtibok ko ng dibdib. Parang nahulog na ang loob ko sa kanya na halos hindi ko makayanan kung mawala. At sa mga oras na iyon, isa lang ang nasa isip ko... ayaw ko na siyang pakawalan... At sa mga sandaling iyon, bigla akong nanlamig.

Patuloy lang ang paglibot ng tingin ko sa kanyang mukha, pababa hanggang sa kanyang mga paa. Hindi ko alam kung bakit, bigla na lang naligaw ang paningin ko sa kamay niya at makita ang oras sa suot nitong relo. Nagulat ako, nakita ko ang oras, mahuhuli na ako ng klase! Bigla kong binitawan ang malambot niyang kamay saka tumakbo para makapunta sa eskuwelahan ng maaga. Wala na akong pakialam sa bitbit kong libro na sobrang bigat. Habang lumalayo ako sa kanya, tumingin ako sa likuran kung saan pinapanood niya lang akong lumalayo sa kanya hanggang sa mawala ako sa kanyang paningin. Ayoko pa sana siyang iwanan ngunit mas importante ang oras ko sa eskuwelahan kaysa sa kanya.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^