Thursday, October 17, 2013

Asahi Chapter 02

Wala akong ibang inisip kundi siya.

Sa buong maghapon na naroon ako sa klase, siya ang iniisip ko. Hindi ko siya makalimutan. Ang maganda niyang mata, matangos niyang ilong, makinis niyang pisngi, at ang namumula niyang labi na parang hindi pa nakakaranas ng masarap na halik: lahat ng ito ay umiikot sa isip ko. Oo, alam kong pisikal na nasa eskuwelahan ako noon pero wala naman ang utak ko roon. Siguradong hindi ko na mapapatawad ang sarili ko kung bakit ako nagkakaganito.

Sa buong maghapon sa eskuwelahan, pinagtitinginan ako ng mga tao na aksidente kong nababangga, mga maling kuwarto na bigla ko na lang napapasok ng basta, at pagtunganga sa bus na nalalagpasan ng pag-uwi sa bahay. Ang hirap pala ng ganito. Tulad ko, na nagkakagusto at nahuhulog ang loob sa isang taong hindi ko naman kilala.

Hindi ako makakain ng hapunan dahil sa kanya, hindi ako makagawa ng assignment ko dahil sa kanya, hindi ako mapakali sa iisang lugar sa bahay dahil sa kanya, at lalung-lalo na sa gabi na hindi ako makatulog ng dahil sa kanya. Wala na akong ibang ginawa kundi isipin siya.

Gusto kong malaman kung paano siya nabubuhay sa pang-araw-araw, ano kaya ang ginagawa niya sa ngayon, sino ba ang iniisip niya, iniisip niya rin ba ako, hindi rin ba siya mapakali tulad ng nararanasan ko sa ngayon, lahat ng ito'y iniisip ko dahil sa kanya. Ano kaya ang pangalan niya? Ilang taon na kaya siya? Naranasan na kaya niyang magmahal? At--nakatikim na ba siya ng matamis na halik?... wala akong kasiguraduhan sa kanya at lahat ng iyon ay gusto kong malaman. At sa mga oras na iyon nalaman ko, mahal ko na pala siya.

Hinawakan ko ang dibdib kong tumitibok ng sobrang lakas na halos hindi ko mapahinto. Bakit kaya ganito ang pakiramdam ng taong gustong magmahal? Talaga bang ganito o sadyang nag-iisip lang ako ng mga kun anu-ano. Naglalaro na ang isip ko na hindi ko na kayang kotrolin. Hindi ko mapigilang magtanong nang magtanong. Tumitibok rin ba ang puso niya tulad ng mga nararamdaman ko sa ngayon?

Ibinaba ko ang ulo ko sa malambot kong unan sa ibabaw ng aking higaan. Iniisip ko na para akong nakahiga sa ibabaw ng malambot na ulap kasama siya. Iniisip ko pa rin siya at wala akong masabi tungkol sa kanya. Tulog na kaya siya sa ngayon? Inisip ko na sana, mamayang gabi ay mapanaginipan namin ang isa't isa. Sana, magkita kami kahit sa panaginip lang. Kinuha ko ang isang malaking unan at niyakap ito ng pagkahigpit-higpit. Iniisip na siya ang kayakap ar kasama ko sa gabing malamig hanggang sa makatulog ako ng hindi ko namamalayan. Sana tulog na rin siya ngayon tulad ko...

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^