Sunday, October 20, 2013

Asahi Chapter 03

Masaya ako ng mga oras na iyon.

Umaga. Maaga akong nakasakay ng jeepney papuntang eskuwelahan. Ang saya-saya ko talaga kasi hindi na naman ako mahuhuli sa pagpasok. Pero, kapag nakikita ko yung lugar kung saan kami nagkita, naaalala ko siya. Ilang araw ko na siyang hindi nakikita. Kamusta na kaya siya? Naaalala niya rin kaya ako? Sana, magkita kami ulit. dahil gusto ko siyang makita tulad noong una. Gusto ko nang magpakilala sa kanya.

Nasa likuran ako ng jeepney kung saan ninananmnam ko ang lamig ng hangin ng umaga at ang pagsikat ng araw. Ang gaganda ng mga tanawin na nadadaanan namin kaya mas lalong gumagaan ang pakiramdam ko. Kitang-kita ko ang magandang sikat ng araw. Sa tuwing nakikita ko ang magandang pagsikat ng araw ay naaalala ko siya.

Hindi ko alam kung bakit pagbaba ng mga elementary student sa jeepney na sinasakyan ko e bigla ko siyang nakita. Nakatayo siya sa may gilid ng daan, at nakatingin sa akin. Halos hindi ko maipaliwanag yung saya na nararamdaman kong makita ko siyang muli.

Ngumiti ako sa kanya. At--ngumiti rin siya sa akin na siyang nagpagaan ng loob ko. Sa mga pagkakataong iyon, bigla akong nanlamig tulad noong una ko siyang makita. Hinding-hindi ko ito makakalimutan: ang pinakaunang pagkakataong pagsukli niya sa akin ng kanyang mga matamis na ngiti.

Umandar na noon ang jeepney na sinasakyan ko saka siya unti-unting nawala sa aking paningin. Nanibago ako sa lugar na dinadaanan ng jeepney na sinasakyan ko kaya naman huli na nang nalaman ko na lumagpas na pala ako ng eskuwelahang papasukan. Akala ko ba naman, hindi na ako mahuhuling pumasok sa eskuwelahan ngayon pero sumakit nang todo ang loob ko nang malaman kong... panaginip lang pala ang lahat.

Nagising ako sa higaan ko. Pawis na pawis. Masaya ako na may halong pagkadismaya. Masaya dahil napanaginipan ko siyang ngumiti sa akin, at hindi totoong nahuli na naman ako sa klase at dismaya nang magising ako sa katotohanang panaginip lang pala ang lahat. Tinanong ko ang sarili kung napanaginipan niya rin kaya ako o hindi. Malamang oo dahil napanaginipan ko siya. Sana...

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^