Wednesday, October 23, 2013

Asahi Chapter 04

Makulimlim na umaga.

Wala akong makitang sinag ng araw sa mga oras na iyon. Hindi ko tuloy malaman kung madamot ang mga nakaharang na ulap sa langit o sadyang madamot lang ang araw na magbigay ng luwanag sa kalupaan sa oras ng umaga. Sa tingin ko, hindi ko maggustuhan ang mga susunod na mangyayari. Sana huwag matuloy ang iniisip ko: ang iniisip kong... umulan! Pero sa ngayon, wala na akong pakialam kahit umulan pa ngayon dahil dala ko naman yung payong kong maliit na kulay blue na kasalukuyang nasa loob ng bag ko. Blue kasi paborito ko ang kulay na ito. Ayos na ito at wala nang problema.

Malakas ang pakiramdam ko na makakapasok na ako ng eskuwelahan nang maaga tulad ng inaasahan ko dahil maaga pa. Tinignan ko yung oras sa relo kong nasa loob ng bag, ala seis pa ng umaga, isang oras pa para mag-alas siete ng umaga. Marami nang dumadaan na jeepney sa umaga na ito. Kaya lang tulad ng mga nakasanayan, palagi itong puno at wala man lang bakante para makasakay ako. Ayos lang ito dahil wala pa namang alas siete.

Umihip ang malamig na hangin na nanggaling sa silangan kung saan makikita ang ilang liwanag ng araw sa likod ng makakapal na ulap. At naaalala ko ang lamig ng panahong nakilala ko siya noong una. Ang mga mata niyang magaganda, matangos na ilong, makinis niyang pisngi, at mapula niyang labi. Sana naman, makita ko siya muli ngayong umaga.

Malapit nang mag alas seis y media ng umaga, wala pa akong nasasakyan sa parehong dahilan na wala pa rin siya. Siguro nandoon na siya sa eskuwelahan nila. At ako na lang talaga ang narito ngayon na nag-iisa't walang kasama. Tanggap ko na ang lahat na ganito na lang ako ngayong umaga.

Nakatingin ako sa malayo kung saan dumadaan ang mga sasakyan sa pakurbadang daan. Alam kong nasa malayo pa lang, wala na akong pag-asang makasakay dahil alam kong marami itong sakay kaya naisip ko nang umpisahanng maglakad habang mahaba pa ang oras. Nakatingin ako sa sasakyang paparating noon ngunit nang makalagpas ito sa pakurbadang daanan, kinabahan na naman ako sa nakita ko. Nakita ko na naman siya, mag-isang naglalakad papunta sa kinatatayuan ko!

Hindi ako makatingin sa kanya nang diretso. At tulad rin noong una, parang walang pagbabago na nangyari sa kanya. Ganoon pa rin siya. Ang itsura niyang mayroong magandang mata, matangos na ilong, makinis na pisngi at mapula niyang labi: lahat sa kanya ay walang nababago... maliban sa nararamdaman ko sa kanya na hindi niya pa nalalaman. Sa ngayon, hanggang pangarap muna ako dahil alam kong hindi magiging kami kung sakali. Oo. Hindi magiging kami dahil sa itsura ko, sa katayuan ng buhay ko, lalo na sa kilos kong hindi niya siguro magugustuhan. Natatakot akong magtapat sa kanya ng tunay kong nararamdaman para sa kanya. Ganoon rin kaya siya tulad ng nararamdaman ko sa ngayon? Sana...

Ayos na sana ang araw kong nakita ko siya ngunit biglang nagalit ang panahon sa akin at nagawa niyang magbuhos ng kaunting ambon na unti-unting lumakas hanggang sa naging isang malakas na ulan. Buti na lang mayroon akong dalang payong ngunit nakita ko siyang walang dalang payong. Tinignan ko siya. Ginagamit niya ang kanyang maliit na bag na ipinatong sa kanyang ulo para hindi mabasa. Ayaw ko siyang payungan dahil baka insultuhin ako ng mga taong dumadaan doon ngunit nakita ko na ang sarili ko na katabi ko na siya sa iisang payong. Magkatabi. Magkapayong sa iisang payong. Sa ilang segundong nagdaaan, hindi ko malaman kung ako ang lumapit sa kanya o siya pero ang importante sa ngayon ay nakatabi ko siya.

Nabigla siya sa akin. Napatingin, hindi makagalaw. Tumingin ako sa kanya hanggang sa magpantay ang aming mga mata sa isa't isa. Ibinaba niya ang maliit niyang bag mula sa kanyang ulo saka ngumiti bilang pasasalamat. At doon ko na lang pala nalaman na ako pala ang nagpasilong sa aking payong. Wala na. Natalo niya ako. Ako pala ang bumigay, hindi siya. At binabati ko ang sarili ko dahil doon.

Tumingin ako sa maganda niyang mga mata. Ang matangos niyang ilong, ang makinis niyang pisngi, at ang mapula niyang labi. Napakagaang tinitignan. Bumaba ang paningin ko sa kanyang leeg hanggang sa kanyang kamay. Muli ko na namang nakita ang oras sa kanyang relo: alas siete na ngunit hindi ako puwedeng umalis doon dahil wala siyang masisislungan. At sa isa pang bagay na hindi ko na namalayang nakahawak na pala ako sa kanyang braso. Napabitaw ako sa kanya at ngumiti siyang muli na nagpatibok ng puso ko sa kanya na parang tumatalbog. Ang saya ko talaga noon na halos hindi ko maipaliwanag.

Yun din ang oras na mayroong dumaan na mabilis na motor at aksidente niyang nasagasaan ang tubig at putik na naipon sa gitna ng daan na gawa ng malakas na ulan. Wala akong nagawa kundi mapapikit na lang at hinayaang kong matalsikan at mabasa ang sarili. Pagkabuklat ko ng mga mata ay nakita ko siyang nakayakap sa akin, saka nakita ang likuran nitong putikan. Prinotektahan niya ako mula sa putik!

Nakita ko siya: nakayakap sa akin habang nakayuko at nakapikit. Nakapatong ang ulo niya sa ulo ko upang gawing panangga. Tulad noong una, nakayakap pa rin siya sa akin. Halong tuwa at awa ang naramdaman ko para sa kanya noong mga oras na iyon.

Unti-unti niyang binuklat ang kanyang mga mata saka tumingin sa akin. Nagpantay na naman ang aming pag-tingin at dahil sa tuwa, sinuklian ko siya ng isang mas mahigpit na yakap bilang isang pasasalamat. Kusang nangalaglag ang mga hawak kong libro at payong habang yakap-yakap ko siya nang mahigpit. Unti-unti kaming nababasa ng ulan, gayon din ang unti-unting pag-angat ng kanyang kamay sa aking likuran bilang pag-tugon niya sa aking pag-yakap. Halos hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong saya sa kanya.

Nakaramdam na naman ako noon ng lamig, tulad noong una. Saka ko na lang nakita ang uni-unting pagsikat ng araw sa silangan dahilan upang mas makita ko pa nang malinawan ang maamo niyang mukha.

Hinding-hindi ko 'to makakalimutan kahit kailan. Ang magandang pagsikat ng araw kasama siya...

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^