Friday, November 29, 2013

Pustiso ni Betsy

"Kuwento ng teacher namin noong Grade 5, yung kapatid niyang babae, pagkatapos daw niyang magbunot ng buhok sa kili-kili, inutusan daw niya yung kapatid niyang bumili ng TAWAS dahil naubos na daw yung deodorant niya. Pero huli na nang malaman niyang KLOROX pala yung nailagay sa kili-kili niya!"

Tawanan.

Teka sandali, parang may mali...

"AHAHAHA!!!... OO NGA!!!... AHAHAHA!!!"

Ito na nga yun, akala ko mali. Maraming tao noon sa loob ng CR. At hindi ko ngayon alam kung paano magsisismula. Hindi ko alam kung ano yung tinatawanan namin pero ito ang mga boses na naaalala ko nang minsang mag-CR kami ni Betsy nang bigla siyang nanahimik saka ako nakarinig ng pagbagsak ng isang bagay sa tubig at di na ulit nagsalita. Naisip ko noon na baka tumatae lang siya pero wala naman akong naaamoy nang kinatagalan. Naisip ko baka ma-offend ko siya kaya nakakahiya. Ewan ko kung bakit ganoon, basta ko na lang iyon napansin nang kaming dalawa na lang pala sa loob ng buong CR habang umiihi. Alam ko, dahil may tatlong cubicle lang ang CR at magkatabi lang kami sa pangalawa at pangatlo.

"Jevalyn, may problema ako..."

Ito yung narinig kong mga salita matapos kong itaas ang garter ng panty ko saka siya nagsalita na may bahid ng pagkakaba tapos may halong pag-aalala. Siguro, tama nga yung hinala ko nang makita ko yung tissue sa pader saka ko ibinigay sa kanya na inabot naman niya mula sa ilalim. Tama nga... wala nga siyang tissue sa kabilang cubicle. Alam kong nagpupunas siya ng pinakainiingat-ingatang puri sa kaselanan ng parte ng kanyang pagkababae pagkatapos umihi o dumumi. Alam ko, dahil ginagawa ko iyon. Pero sa tono ng kanyang pananalita, ewan ko. Hindi ko naman alam kung bakit ganoon. Kaya naghintay na lang ako ng ilang pagkakataon para marinig siya ulit.

"Yung pustiso ko, nalaglag..."

Sa mga sandaling iyon, hindi ako kaagad nakapagsalita. Sa katunayan, maganda si Betsy. Pero hindi ko rin lubos na maisip na sa ganda niyang iyon, meron siyang pustiso. Naisip ko tuloy na baka nagbibiro lang siya pero ang tagal niyang nananahimik. Seryoso yung boses niya na hindi ko puwedeng itawa kaya naman yung pakiramdam ko, para akong sinasakal sa pagpigil ng tawa. Muntik pa akong makahikbi!

"Edi pulutin mo na," sabi ko na lang para walang ibig sabihin. Baka kasi pag-isipan niya ako ng masama sakaling hindi ako sumagot sa kanya.

"Hindi ko kaya..."

Tutal, babae naman ako kaya pinuntahan ko na siya sa loob ng cubicle kung nasaan siya saka siya biglang nagtakip ng bibig habang nakaupo sa inidoro. Nakita kong nakababa yung panty niyang dilaw hanggang sa tuhod saka siya nagsalita pero hindi ko naman maintindihan dahil nakatakip yung bibig niya. Ayaw niyang ipakita sa akin kung anong itsura niyang hindi kumpleto yung ngipin.

"Anong sinasabi mo?" tanong ko sa kanya pero di ko na kayang pigilan yung tawa kong sasabog na sa pagpigil. Tinignan ko yung itsura niyang hindi ko malaman kung iiyak o tatawa.

"Yung pustiso ko, nalaglag!" saka siya napangiti na nagpahalakhak sa akin ng todo nang makita ko siyang bungal. Grabe yung pagkabungal niyang parang mangkukulam, manananggal, aswang... basta bungal na nakakatawa. Ang ganda niyang maging bungal, walang ngipin sa harapan. Siguro mga bandang itaas. Samakatuwid, isa siyang magandang bruha na akmang-akma para sa mga peryahan ng mga katatawanan.

"Nasaan na at pupulutin ko para sa iyo," nakangiti kong sinabi sa kanya, pampagaan ng loob kasi humihikbi na siya na iiyak na ano mang oras.

"Hindi puwede," sabi niya. "Hindi mo kaya," dagdag pa niya.

"Nasaan ba kasi?" tanong ko kasi litong-lito na yung itsura niyang nakatingin sa akin. Itinaas niya yung panty niya matapos punasan ang kanyang pagkababae, saka tumayo sa tapat ng inidoro matapos isara yung zipper ng kanyang maong at humarap sa akin nang hindi pa ipina-flush yung inidoro.

"Jevalyn, ayun yung pustiso ko," sabi niya habang nagsasalita siyang nakangiti at litaw ang kabuuan ng bibig niyang kitang-kita ang kabungalan. Ayoko naman sanang magsalita ng ganito dahil kaibigan ko siya at ayoko nang mag-isip ng kung anu-ano pa. Gusto ko pa sanang pigilan ang sarili pero matinding pagkabigla na ang nakita sa mukha ko nang ituro ng mga mata ko ang kinalalagyan ng pustiso niya.

"Yung pustiso ko, tumalsik sa loob ng inidoro saka nalalag paloob!"

Pagtingin ko, nasa loob nga yung pustiso niya. Di namin alam kung tatawa kami o ewan. Kita ko yung dilaw na produktong nakaipon ng kalahati at kitang-kita naman sa ilalim nito yung lima o mahigit pa na hiwa-hiwalay na ngipin na pumupormang maliit na pustiso. At isang buong pustiso talaga yung nakalubog sa mga naghalo niyang likido. Kumpirmado, pustiso nga talaga! At may kasama pa talagang 'bula' ng kanyang laway na pumapaikot sa ilalim.

"Teka," bigla siyang nagsalita at tumingin sa akin saka hinawakan yung balikat ko para pigilang lumapit sa dugyot at nakakasukang inidoro. Maski ako, hindi ko rin alam kung ano ang gagawin kung kukunin ko yung pustiso niya sa ilalim ng nagsamang dilaw niyang produkto o hindi. Pero ayoko pa rin! Nakakadiri! Salamat naman at napigilan din niya ako sa paglapit. Pero… sino namang dugyot na tao ang kukuha noon? Kahit huwag na!

"Eh, pagtatawanan ka nila," sabi ko pero tinignan niya ako ng parang nangungusap. Parang may ibig sabihin yung porma ng pagtingin niya sa akin at saka ako napatahimik. Parang may mali sa nasabi ko at huli na nang mapagtanto ko. Para bang sinabi ko sa kanya na kailangan mong kunin at gamitin ulit yang pustiso mo para di ka pagtawanan! Lagot ako! Pero sa mga sandaling iyon, may kinuha na siya sa loob ng bag niya. At hindi ko alam kung ano iyon… ayos na sana pero parang naramdaman kong gumuho yung mundo ko nang marinig ko yung mga salitang lumabas sa kanyang bibig na nagpasigaw sa akin sa loob ng CR.

"Ako na lang ang kukuha!"

Wala. Noong mga araw na iyon, pormal ko nang isinuko ang lahat. Siya na mismo ang kumuha ng pustiso niya sa loob ng dugyot na inidoro suot ang isang transparent na plastik… at ginamit muli.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^