Monday, December 30, 2013

Mikan

Tag-init.

Basta na na lang akong tumayo sa isang waiting shed. Mag-isa. Tanghaling tapat. Mainit. Walang tao sa paligid at para itong 'ghost town' dahil walang makitang iba kahit lumingon pa ng kaliwa't kanan. Maganda ang panahon ngayon dahil lahat sabik na makapagpahinga ng isang linggong bakasyon ngayong semester break. Di na ako sumama sa iba kong mga kaibigan papunta sa dagat na malapit sa syudad.

Maganda pa rin ang panahon lalo na ngayong hapon. Malamig ang hangin kahit tirik ang nagliliyab na araw. Maririnig pa rin ang masasayang huni ng mga ibon at higit sa lahat, tahimik.

Nagpalakad-lakad ako sa daanan. Halos isa o dalawang sasakyan lang ang dumadaan. Buti pa ang mga sasakyan, alam nila kung saan sila pupunta pero ako, hindi ko malaman kung saan ako dadalihin ng mga paa kong walang masabi kung saan ako pupunta at hindi alam kung kailan hihinto. Nakakabingi ang katahimikan. Pero mas nakakabingi ang mga bagay na tumatakbo sa isip ko habang nag-iisa't walang kasama.

Nagtataka ako kung bakit sa itinagal ng panahon, ngayon ko lang nararanasan ang ganito. Ngayon ko lang napansin ang bagay na ito na wala namang ibang tao ang puwedeng mapagsabihan. At sa mga sandaling iyon, nabalutan ang puso ko ng isang kaba.

Nahuhulog ang puso ko sa isang tao.

Bigla akong huminto sa isang tabi. Sa tabi kung saan tanaw ko mula roon ang gate ng high school namin. Natatanaw ko ito ng halos isang daang metrong layo mula sa akin na nakabukas.

Itinungo iyon ng aking mga nag-uunahang paa sa hindi malamang dahilan hanggang sa mabilis akong nakapasok sa loob ng school ground. Walang tao. Malinis ang paligid dahil walang palakad-lakad na estudyante tulad ng school days. At walang guwardya na rumuronda't nagbabantay. Basta na lang akong nagpalakad-lakad at hindi alam kung saan papunta.

Walang tao sa bawat klase na madadaanan ko. Walang mga teacher na nasa faculty. Tahimik ang buong gusali mula una hanggang pang-limang palapag. At tanging hangin lang ng hapon na iyon ang maririnig sa mga nagkikiskisang dahon at sanga ng mga punong luntian ang mga dahon. Doon ko lang nalaman, napakapayapa pala ng mundo kapag walang tao. Walang awayan, walang sakitan at sigawan, pero nagiging malungkot lang ito tuwing walang naghahalakhakan.

Oo. Sa mga sandaling iyon, masaya ako. Pero malungkot din dahil walang ibang tao na mapagkukuhanan ng kasiyahan. Kasiyahan... na may pag-ibig sa isa't isa na naghahari sa bawat tao.

Nilakad ko ang kahabaan ng corridor kung saan ako laging tumatakbo tuwing umaga habang naghahabol ng oras ng klase. Madulas ang sahig dahil maalaga ito sa sebong gaas, ayon na rin sa janitor kung tawagin niya ito, at napakakintab na halos makita ko ang sariling imahe.

Sumilip ako sa bintana kung saan kitang-kita ko ang loob ng klase namin. Napakatahimik.

Muli akong nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa nakita ko na lang ang sarili na nasa loob na pala, at nakatingin sa nakabukas na bintana habang nakatingin sa kabilang gusali--ang malaking library ng school namin. Doon ko na naisipang maglakad muli at bumaba para pumunta roon.

Tahimik sa loob ng library. Eksakto, solo ko lang ang buong lugar para makapagbasa dahil walang ibang tao na mag-iingay. Halos mag-iisang malaking gusali ang laki ng library na iyon kaya nahirapan pa ako maghanap ng librong gusto kong makita. At hanggang sa makarating ako sa dulo ng mga bookshelves kung saan naroon ang libro na hinahanap ko.

Walang tao. Dahan-dahan kong hinanap iyon hanggang sa makita ko itong nasa gitna at hindi ko halos maabot. Kinuha ko ang hagdan na maliit na may taas na hanggang sa tuhod ko saka ko hinawakan ang libro ngunit napahinto ako nang may isa pang kamay ang gustong kumuha nito. Nagulat ako. Akala ko ako lang ang taong naroon ngunit mayroon pa palang iba na hindi ko nga lang nakita. Hindi ko siya kaagad napansin dahil sobrang liwanag ng sinag ng araw na tumatama sa mukha ko pero unti-unti rin itong umaaninag sa mga mata ko.

"I-ikaw?..." ito ang mga salitang lumabas sa bibig ko. Tahimik noon. Malalanghap doon ang mabangong pulps ng mga libro. Pero sa mga sandaling iyon, naamoy ko ang mabango niyang katawan na malapit sa tabi ko.

Oo, siya. Siya ang dahilan kung bakit hindi ko maintindihan ang sarili ngayon na siyang gumugulo sa isip ko noong simula pa lang.

"Bakit... may problema ba?" ibinaba niya ang kamay niya sa hahawakang libro saka tumingin sa akin.

"P-pasensya na. O sige, k-kunin mo na yung libro..." nauutal kong sagot. Hindi ko namalayang nabanggit ko na pala ang pangalan niya.

Tahimik siyang nakatingin sa akin. "Bakit kilala mo ako?" sabi niya sa mababang boses. Napakagandang pakinggan. "Sino ka?"

Sandali akong natigilan. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi ko malaman kung bakit ako nagkakaganito. Dahil ba nariyan na siya sa tabi ko?

Ibinali ko ang paningin ko sa mga magaganda niyang mata. At oo aaminin ko. Kilala ko siya. Matangkad, maputi, maganda ng buhok, at guwapo. Parati ko siyang sinusundan kahit saan at lagi kong inaaalam ang lahat sa kanya. Pero hindi niya ako kilala. Samakatuwid, gusto ko siya pero hindi niya alam.

May gusto ako sa kanya. Isang bagay na hindi ko maaaring ipaalam sa iba lalung-lalo na sa kanya. Hindi ko alam kung bakit ganito yung pakiramdam ko sa isang tao na hindi ko naman kilala. Nabighani lang ako sa anyo niya at sa napakabuti nitong pakikitungo.

Sa tuwing nakikita ko siya, laging isinisigaw ng puso ko na gusto ko siya. Laging isinisigaw ng isip ko ang 'mahal kita' sa tuwing nakikita ko siya.

Mahal kita... mahal kita... mahal kita...

"Mahal kita..." basta na lang kumawala sa bibig ko ang mahina ngunit malinaw na salitang nagpahinto sa kanya. Hindi ko alam na nabanggit ko na pala ang isang bagay na hindi niya dapat malaman. Ang gusto ko lang naman ay itago ito sa puso't damdamin ko pero kumawala na.

"Anong sinabi mo?" tanong niya sa mahinang boses. "Mahal mo ako?" dugtong niya.

Sandali akong nalito, kinabahan, at nagulat dahil sa mga salitang di ko naitago sa puso ko. Hindi ko na talaga alam kung ano na ang nangyayari sa akin...

"Ano... ang ibig kong sabihin... ah, ano--"

Basta na lang akong tumigil sa pagsasalita nang bigla niyang hinawakan ang madulas kong buhok sa ulo. Sa paghawak niya nito ay napuwing ako sa mahabang bangs na malapit sa mata ko na siyang dahilan ng pagpikit ko. Wala akong makita at nawalan pa ng balanse dahil sa kaba at taranta. Hindi ko alam kung ano ang gagawin niya sa akin.

"Malalaglag ako..." takot kong sinabi sa kanya. Dumulas ang sapatos ko sa hagdan saka nalaglag pero nakita ko na lang ang sarili na buhat-buhat niya. Bagay na siyang nagpalaki ng mata ko sa pagkabigla. Bakit niya 'to ginawa sa akin?

S-sinalo niya ako... h-hindi niya ako pinabayaang malaglag...

Sa mga sandaling iyon at dahil sa bigat ko, natumba siya habang binibitbit niya ako. Pareho kaming natumba sa sahig: nakahiga siya, at nasa ibabaw niya ako. Ramdam ko nang buo ang nilalaman ng kanyang katawan habang mahigpit na nakayakap sa kanya.

Humiling ako na sana, hindi ito panaginip... Hindi ito panaginip na kusang sumasang-ayon at humihigpit rin ang pagyakap ng mga kamay niya sa akin.

Nakaramdam ako ng panlalamig... parang noong unang pagkakataon ko siyang nakita.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^