Wednesday, October 23, 2013

Asahi Chapter 04

Makulimlim na umaga.

Wala akong makitang sinag ng araw sa mga oras na iyon. Hindi ko tuloy malaman kung madamot ang mga nakaharang na ulap sa langit o sadyang madamot lang ang araw na magbigay ng luwanag sa kalupaan sa oras ng umaga. Sa tingin ko, hindi ko maggustuhan ang mga susunod na mangyayari. Sana huwag matuloy ang iniisip ko: ang iniisip kong... umulan! Pero sa ngayon, wala na akong pakialam kahit umulan pa ngayon dahil dala ko naman yung payong kong maliit na kulay blue na kasalukuyang nasa loob ng bag ko. Blue kasi paborito ko ang kulay na ito. Ayos na ito at wala nang problema.

Malakas ang pakiramdam ko na makakapasok na ako ng eskuwelahan nang maaga tulad ng inaasahan ko dahil maaga pa. Tinignan ko yung oras sa relo kong nasa loob ng bag, ala seis pa ng umaga, isang oras pa para mag-alas siete ng umaga. Marami nang dumadaan na jeepney sa umaga na ito. Kaya lang tulad ng mga nakasanayan, palagi itong puno at wala man lang bakante para makasakay ako. Ayos lang ito dahil wala pa namang alas siete.

Umihip ang malamig na hangin na nanggaling sa silangan kung saan makikita ang ilang liwanag ng araw sa likod ng makakapal na ulap. At naaalala ko ang lamig ng panahong nakilala ko siya noong una. Ang mga mata niyang magaganda, matangos na ilong, makinis niyang pisngi, at mapula niyang labi. Sana naman, makita ko siya muli ngayong umaga.

Malapit nang mag alas seis y media ng umaga, wala pa akong nasasakyan sa parehong dahilan na wala pa rin siya. Siguro nandoon na siya sa eskuwelahan nila. At ako na lang talaga ang narito ngayon na nag-iisa't walang kasama. Tanggap ko na ang lahat na ganito na lang ako ngayong umaga.

Nakatingin ako sa malayo kung saan dumadaan ang mga sasakyan sa pakurbadang daan. Alam kong nasa malayo pa lang, wala na akong pag-asang makasakay dahil alam kong marami itong sakay kaya naisip ko nang umpisahanng maglakad habang mahaba pa ang oras. Nakatingin ako sa sasakyang paparating noon ngunit nang makalagpas ito sa pakurbadang daanan, kinabahan na naman ako sa nakita ko. Nakita ko na naman siya, mag-isang naglalakad papunta sa kinatatayuan ko!

Hindi ako makatingin sa kanya nang diretso. At tulad rin noong una, parang walang pagbabago na nangyari sa kanya. Ganoon pa rin siya. Ang itsura niyang mayroong magandang mata, matangos na ilong, makinis na pisngi at mapula niyang labi: lahat sa kanya ay walang nababago... maliban sa nararamdaman ko sa kanya na hindi niya pa nalalaman. Sa ngayon, hanggang pangarap muna ako dahil alam kong hindi magiging kami kung sakali. Oo. Hindi magiging kami dahil sa itsura ko, sa katayuan ng buhay ko, lalo na sa kilos kong hindi niya siguro magugustuhan. Natatakot akong magtapat sa kanya ng tunay kong nararamdaman para sa kanya. Ganoon rin kaya siya tulad ng nararamdaman ko sa ngayon? Sana...

Ayos na sana ang araw kong nakita ko siya ngunit biglang nagalit ang panahon sa akin at nagawa niyang magbuhos ng kaunting ambon na unti-unting lumakas hanggang sa naging isang malakas na ulan. Buti na lang mayroon akong dalang payong ngunit nakita ko siyang walang dalang payong. Tinignan ko siya. Ginagamit niya ang kanyang maliit na bag na ipinatong sa kanyang ulo para hindi mabasa. Ayaw ko siyang payungan dahil baka insultuhin ako ng mga taong dumadaan doon ngunit nakita ko na ang sarili ko na katabi ko na siya sa iisang payong. Magkatabi. Magkapayong sa iisang payong. Sa ilang segundong nagdaaan, hindi ko malaman kung ako ang lumapit sa kanya o siya pero ang importante sa ngayon ay nakatabi ko siya.

Nabigla siya sa akin. Napatingin, hindi makagalaw. Tumingin ako sa kanya hanggang sa magpantay ang aming mga mata sa isa't isa. Ibinaba niya ang maliit niyang bag mula sa kanyang ulo saka ngumiti bilang pasasalamat. At doon ko na lang pala nalaman na ako pala ang nagpasilong sa aking payong. Wala na. Natalo niya ako. Ako pala ang bumigay, hindi siya. At binabati ko ang sarili ko dahil doon.

Tumingin ako sa maganda niyang mga mata. Ang matangos niyang ilong, ang makinis niyang pisngi, at ang mapula niyang labi. Napakagaang tinitignan. Bumaba ang paningin ko sa kanyang leeg hanggang sa kanyang kamay. Muli ko na namang nakita ang oras sa kanyang relo: alas siete na ngunit hindi ako puwedeng umalis doon dahil wala siyang masisislungan. At sa isa pang bagay na hindi ko na namalayang nakahawak na pala ako sa kanyang braso. Napabitaw ako sa kanya at ngumiti siyang muli na nagpatibok ng puso ko sa kanya na parang tumatalbog. Ang saya ko talaga noon na halos hindi ko maipaliwanag.

Yun din ang oras na mayroong dumaan na mabilis na motor at aksidente niyang nasagasaan ang tubig at putik na naipon sa gitna ng daan na gawa ng malakas na ulan. Wala akong nagawa kundi mapapikit na lang at hinayaang kong matalsikan at mabasa ang sarili. Pagkabuklat ko ng mga mata ay nakita ko siyang nakayakap sa akin, saka nakita ang likuran nitong putikan. Prinotektahan niya ako mula sa putik!

Nakita ko siya: nakayakap sa akin habang nakayuko at nakapikit. Nakapatong ang ulo niya sa ulo ko upang gawing panangga. Tulad noong una, nakayakap pa rin siya sa akin. Halong tuwa at awa ang naramdaman ko para sa kanya noong mga oras na iyon.

Unti-unti niyang binuklat ang kanyang mga mata saka tumingin sa akin. Nagpantay na naman ang aming pag-tingin at dahil sa tuwa, sinuklian ko siya ng isang mas mahigpit na yakap bilang isang pasasalamat. Kusang nangalaglag ang mga hawak kong libro at payong habang yakap-yakap ko siya nang mahigpit. Unti-unti kaming nababasa ng ulan, gayon din ang unti-unting pag-angat ng kanyang kamay sa aking likuran bilang pag-tugon niya sa aking pag-yakap. Halos hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong saya sa kanya.

Nakaramdam na naman ako noon ng lamig, tulad noong una. Saka ko na lang nakita ang uni-unting pagsikat ng araw sa silangan dahilan upang mas makita ko pa nang malinawan ang maamo niyang mukha.

Hinding-hindi ko 'to makakalimutan kahit kailan. Ang magandang pagsikat ng araw kasama siya...

Sunday, October 20, 2013

Asahi Chapter 03

Masaya ako ng mga oras na iyon.

Umaga. Maaga akong nakasakay ng jeepney papuntang eskuwelahan. Ang saya-saya ko talaga kasi hindi na naman ako mahuhuli sa pagpasok. Pero, kapag nakikita ko yung lugar kung saan kami nagkita, naaalala ko siya. Ilang araw ko na siyang hindi nakikita. Kamusta na kaya siya? Naaalala niya rin kaya ako? Sana, magkita kami ulit. dahil gusto ko siyang makita tulad noong una. Gusto ko nang magpakilala sa kanya.

Nasa likuran ako ng jeepney kung saan ninananmnam ko ang lamig ng hangin ng umaga at ang pagsikat ng araw. Ang gaganda ng mga tanawin na nadadaanan namin kaya mas lalong gumagaan ang pakiramdam ko. Kitang-kita ko ang magandang sikat ng araw. Sa tuwing nakikita ko ang magandang pagsikat ng araw ay naaalala ko siya.

Hindi ko alam kung bakit pagbaba ng mga elementary student sa jeepney na sinasakyan ko e bigla ko siyang nakita. Nakatayo siya sa may gilid ng daan, at nakatingin sa akin. Halos hindi ko maipaliwanag yung saya na nararamdaman kong makita ko siyang muli.

Ngumiti ako sa kanya. At--ngumiti rin siya sa akin na siyang nagpagaan ng loob ko. Sa mga pagkakataong iyon, bigla akong nanlamig tulad noong una ko siyang makita. Hinding-hindi ko ito makakalimutan: ang pinakaunang pagkakataong pagsukli niya sa akin ng kanyang mga matamis na ngiti.

Umandar na noon ang jeepney na sinasakyan ko saka siya unti-unting nawala sa aking paningin. Nanibago ako sa lugar na dinadaanan ng jeepney na sinasakyan ko kaya naman huli na nang nalaman ko na lumagpas na pala ako ng eskuwelahang papasukan. Akala ko ba naman, hindi na ako mahuhuling pumasok sa eskuwelahan ngayon pero sumakit nang todo ang loob ko nang malaman kong... panaginip lang pala ang lahat.

Nagising ako sa higaan ko. Pawis na pawis. Masaya ako na may halong pagkadismaya. Masaya dahil napanaginipan ko siyang ngumiti sa akin, at hindi totoong nahuli na naman ako sa klase at dismaya nang magising ako sa katotohanang panaginip lang pala ang lahat. Tinanong ko ang sarili kung napanaginipan niya rin kaya ako o hindi. Malamang oo dahil napanaginipan ko siya. Sana...

Thursday, October 17, 2013

Asahi Chapter 02

Wala akong ibang inisip kundi siya.

Sa buong maghapon na naroon ako sa klase, siya ang iniisip ko. Hindi ko siya makalimutan. Ang maganda niyang mata, matangos niyang ilong, makinis niyang pisngi, at ang namumula niyang labi na parang hindi pa nakakaranas ng masarap na halik: lahat ng ito ay umiikot sa isip ko. Oo, alam kong pisikal na nasa eskuwelahan ako noon pero wala naman ang utak ko roon. Siguradong hindi ko na mapapatawad ang sarili ko kung bakit ako nagkakaganito.

Sa buong maghapon sa eskuwelahan, pinagtitinginan ako ng mga tao na aksidente kong nababangga, mga maling kuwarto na bigla ko na lang napapasok ng basta, at pagtunganga sa bus na nalalagpasan ng pag-uwi sa bahay. Ang hirap pala ng ganito. Tulad ko, na nagkakagusto at nahuhulog ang loob sa isang taong hindi ko naman kilala.

Hindi ako makakain ng hapunan dahil sa kanya, hindi ako makagawa ng assignment ko dahil sa kanya, hindi ako mapakali sa iisang lugar sa bahay dahil sa kanya, at lalung-lalo na sa gabi na hindi ako makatulog ng dahil sa kanya. Wala na akong ibang ginawa kundi isipin siya.

Gusto kong malaman kung paano siya nabubuhay sa pang-araw-araw, ano kaya ang ginagawa niya sa ngayon, sino ba ang iniisip niya, iniisip niya rin ba ako, hindi rin ba siya mapakali tulad ng nararanasan ko sa ngayon, lahat ng ito'y iniisip ko dahil sa kanya. Ano kaya ang pangalan niya? Ilang taon na kaya siya? Naranasan na kaya niyang magmahal? At--nakatikim na ba siya ng matamis na halik?... wala akong kasiguraduhan sa kanya at lahat ng iyon ay gusto kong malaman. At sa mga oras na iyon nalaman ko, mahal ko na pala siya.

Hinawakan ko ang dibdib kong tumitibok ng sobrang lakas na halos hindi ko mapahinto. Bakit kaya ganito ang pakiramdam ng taong gustong magmahal? Talaga bang ganito o sadyang nag-iisip lang ako ng mga kun anu-ano. Naglalaro na ang isip ko na hindi ko na kayang kotrolin. Hindi ko mapigilang magtanong nang magtanong. Tumitibok rin ba ang puso niya tulad ng mga nararamdaman ko sa ngayon?

Ibinaba ko ang ulo ko sa malambot kong unan sa ibabaw ng aking higaan. Iniisip ko na para akong nakahiga sa ibabaw ng malambot na ulap kasama siya. Iniisip ko pa rin siya at wala akong masabi tungkol sa kanya. Tulog na kaya siya sa ngayon? Inisip ko na sana, mamayang gabi ay mapanaginipan namin ang isa't isa. Sana, magkita kami kahit sa panaginip lang. Kinuha ko ang isang malaking unan at niyakap ito ng pagkahigpit-higpit. Iniisip na siya ang kayakap ar kasama ko sa gabing malamig hanggang sa makatulog ako ng hindi ko namamalayan. Sana tulog na rin siya ngayon tulad ko...

Monday, October 14, 2013

Asahi Chapter 01

Mag-isa lang ako noong umagang iyon.

Nasa tabi ako ng isang malaking puno kung saan naghihintay ako ng masasakyan papuntang eskuwelahan. Karamihan kasi ng mga estudyante sa aming lugar, dito naghihintay ng masasakyan. Naiinip na ako sa kakahintay, isa pa nag-aalala na rin dahil baka mahuli ako sa klase at hindi na naman papasukin ng guwardya sa gate. Nagdadalawang-isip na nga ako noon kung mag-lalakad ako o hindi. Tutal medyo malapit-lapit na rin naman yung eskuwelahan sa amin pero mapapagod ako kung maglalakad ako hanggang sa eskuwelahan dahil sa mga librong bitbit ko.

Halos maglalabing limang minuto na akong nag-hihintay ng masasakyan sa tabi ng isang puno ilang hakbang lang ang layo mula sa akin. Lahat ng mga sasakyang dumadaan ay puno ng mga estudyante at kung titignan sila isa-isa, wala talagang pag-asang sumakay kahit sumabit lang sa likuran o sa ibabaw ng jeepney. Lahat walang matinong bakante. Lahat nagmimistulang sardinas sa sobrang sikip at siksik. Doon ko lang talaga tinanggap na wala na akong pag-asang makasakay at makarating sa eskuwelahan ng mas maaga.

Sa kalagitnaan ng paghihintay ko ng masasakyan ay may isang di kilalang estudyante ang dumating at sumandal sa puno kung saan ako naghihintay. Siguro mga ilang hakbang lang ang distansya namin sa isa't isa. Isa rin siyang estudyante tulad ko na naghihintay rin ng masasakyan. Nandoon lang siya. Nakatulala at nakatingin sa kawalan. Parang may iniisip siya. Tanong ko tuloy sa isip ko, may malaking problema ba siya ngayon? O sadyang tahimik lang na hindi mahilig dumaldal tulad ko. Malamang ganon na nga iyon.

Naisip ko na magtanong ng oras sa kanya kahit na alam ko ang oras. Parang ang sarap niyang kausap habang siya'y nag-iisa. Wala kaming ibang kasama kundi kami lang dalawa. Pakiramdam ko, para kaming  nasa isang isla ng kawalan kung saan kaming dalawa lang ang mag-kasama.

Nakatingin lang ako sa kanya. Tahimik. Tanging tibok lang ng puso ko ang naririnig ko sa mga sandaling iyon na parang tinatambol ng sobrang lakas. Siguro, dala lang ito ng pagkamangha, o kaya naman, paghanga mismo sa kanya. Nakita ko siya, may bahid ng simpatya ang inosente nitong mukha. Hindi ko masyadong makita ng buo ang kanyang mukha dahil nakatingin siya sa asul na kalangitan at, marahil, nag-iisip ng malalim. Sa mga sandaling iyon, tumayo siya mula sa pagkakasandal niya sa katawan ng puno at... tumingin sa akin. Agad kong iniwas ang tingin ko sa kanya at nag-aabang kuno ng masasakyan kahit na alam naming dalawa na wala nang dadaang sasakyan sa kinalalagyan naming dalawa. Kinabahan ako kasi nahuli niya akong nakatingin sa kanya. Sa mga oras na iyon, hindi ko alam kung ano na yung gagawin ko.

Tinignan ko siya ulit. Seryoso yung mukha niyang nakatingin sa akin saka napalitan ng ngiti sa di malamang dahilan. Ngumiti siya sa akin, at umiwas rin ng tingin pagkatapos... hindi ang aking paningin. Hindi maalis ang paningin ko sa kanya. Ang bayolenteng pagtibok ng malakas ng puso ko ay mas lalo pang bumilis na parang hindi ko na mapapahinto. Sa parehong dahilan na hindi ko maipaliwanag kung bakit ako nagkakaganito. Pakiramdam ko, ang gaan ng pakiramdam ko sa kanya.

Tinignan ko ang kanyang itsura. Napakamisteryoso niya. Ang maganda niyang mata, matangos na ilong, makinis na pisngi, at... mapula niyang labi na parang hindi pa nakakaranas ng masarap na halik, ay naging dahilan kung bakit hindi ko siya tinatantanan ng tingin. Parang gusto ng mga paa ko na lumapit sa harapan niya at idikit ko ang labi ko sa mapula niyang labi. Ramdam ko sa mga sandaling iyon na parang nanginginig ang mga tuhod ko, gayon din sa paa ko na parang umuusog paabante. Paabante kung saan ang direksyon nito ay papunta sa kanya. Hindi ko mapigilan ang paa ko sa paggalaw hanggang sa nag-distansya na ito ng isang beses. Isang beses, na katumbas ng isang hakbang. At sa mga sandaling iyon, nakita niya akong nakatingin sa kanya. Kinabahan ako ng todo sa kanya. Hindi alam kung ano ang gagawin, hindi alam kung alin ang uunahin, hanggang sa mabitawan ko yung dala-dala kong libro sa sobrang taranta na hindi niya alam kung bakit pero nang dahil lang sa kanya.

Wala akong intensyong magpapansin sa kanya nang mga oras na iyon at bigla siyang lumapit sa akin para tulungan akong pulutin ang mga nalaglag kong libro. Wala akong masabi sa kanya ng mga oras na iyon at tinulungan niya lang ako sa pagpulot. Inabot niya sa akin yung mga nalaglag kong libro hanggang sa magpantay ang tingin namin sa isa't isa nang hindi sinasadya. Ngayon, nakahinto kaming dalawa, at inabot niya sa akin ang mga libro ko na kanya namang pinulot para sa akin. At sa hindi na namang sinasadya, nahawakan ko yung kamay niya pagkaabot nito sa akin. Ang lamig ng kamay niya na parang may hawak akong isang yelo. Ang lambot, at napakakinis na halos ayaw ko nang bitawan. Iniisip ko na sana sa mga oras na iyon, tumigil ang ikot ng mundo kahit isang oras lang na kasama ko siya. Ang mukha niyang napakaganang tinitignan ay nagbigay sa akin ng mas matinding pagtibok ko ng dibdib. Parang nahulog na ang loob ko sa kanya na halos hindi ko makayanan kung mawala. At sa mga oras na iyon, isa lang ang nasa isip ko... ayaw ko na siyang pakawalan... At sa mga sandaling iyon, bigla akong nanlamig.

Patuloy lang ang paglibot ng tingin ko sa kanyang mukha, pababa hanggang sa kanyang mga paa. Hindi ko alam kung bakit, bigla na lang naligaw ang paningin ko sa kamay niya at makita ang oras sa suot nitong relo. Nagulat ako, nakita ko ang oras, mahuhuli na ako ng klase! Bigla kong binitawan ang malambot niyang kamay saka tumakbo para makapunta sa eskuwelahan ng maaga. Wala na akong pakialam sa bitbit kong libro na sobrang bigat. Habang lumalayo ako sa kanya, tumingin ako sa likuran kung saan pinapanood niya lang akong lumalayo sa kanya hanggang sa mawala ako sa kanyang paningin. Ayoko pa sana siyang iwanan ngunit mas importante ang oras ko sa eskuwelahan kaysa sa kanya.

Saturday, October 12, 2013

Nalilito

Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito. Palagi na siyang nasa isip ko. Siya ang dahilan kung bakit naging mabuti ang bastos kong pakikitungo sa kanya. Nagbago ang lahat nang dahil sa sinabi niyang nagbigay kalituhan sa isip ko ngayon.

Mahal niya raw ako. Pero may mahal akong iba.

Nalilito ako.

Wednesday, October 9, 2013

Music Trip

Nakaupo ako noon sa klase.

Walang magawa.

Maingay ang buong paligid.

Mga kaklaseng nagtatawanan at nagdadaldalan.

Wala akong kausap.

Hindi ako makapagsulat nang maayos.

A walking destruct ions.

Gusto kong magsulat pero napakaingay. Kahit bulong lang ng katabi ay dinig na dinig ko. Ganito na ba ka-sensitive ang pandinig ko?

"Hoy!" napahinto ako sa pagsusulat na siyang pilit kong inatupag dahil wala talagang magawa.

Napahinto ako.

"Mahilig ka ba sa music?" tanong niya.

Hindi. Ayoko nga ng maingay diba? Pero napa-'oo' ako sa sagot ko dahil ayan na naman si crush.

"Good! Let's have a music trip!" alok niya na siya kong tinanggap... kahit hindi ako music lover.

Punyeta! Kumabog ang dibdib ko, hindi alam ang gagawin.

Isinalpak niya ang earphone sa akin saka nakinig ng music.



Pero ako, lihim akong kinikilig habang katabi ko siya.

Thursday, October 3, 2013

Parasite

Gumising siya ng umaga. At--nagulat siya sa kakaibang ingay na nanggagaling sa ilalim ng kanyang higaan. Isang ingay na hindi pangkaraniwan para sa kanyang pandinig ngunit nagpapaalala sa kanya na may nangangailangan ng kanyang tulong. Sa mga oras na iyon, gusto niyang sumuko ngunit kailangan niyang gawain ang bagay na iyon para sa kanyang kapakanan at sa nangangailangan ng kanyang tulong.

Sumilip siya sa ilalim kung saan nagmumula ang ingay pagtapos niyang bumangon sa kanyang hinihigaan, mag-unat ng katawan, at mag-ayos ng sarili. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang alaga nitong pusa. Diring-diri at hindi makapaniwala sa nakikita ng kanyang mga mata.

Nakita niya itong naghihingalo, nilalanggam, lagas ang mga balahibo, at natatakpan ang buong katawan ng mala-lupang peste na nakadikit sa balat nito sa isang sulok. Para itong isang malutong na balat ng piniritong manok kung ihahalintulad ang itsura ng balat nito, at may kulay itim na siya namang nagbibigay sa kanya ng matinding kati na parang isang inaamag na kanin. Hindi ito basta-basta natatanggal sa balat at dumudugo ito sa tuwing kinakamot ng pusa gamit ang kanyang kuko. Isang bagay, para sa kanya ang nagpataas ng kanyang balahibo.

Makikita sa bawat araw na nagdaan ay unti-unting kumakalat ang sakit sa katawan nito habang nabubuhay at unti-unti itong pinapatay sa sobrang sakit at sobrang kati. Ngunit... sa hindi sinasadyang pagkakataon, aksidenteng nadapuan siya ng kaunting dumi galing sa pusa. Nahawa siya sa sakit. At huli na nang malaman niyang hindi nagagamot ang sakit na iyon.

Tuesday, October 1, 2013

Introduction

Mula nang una ko siyang makita na pumasok sa klase, wala na akong ibang inisip kundi ang malaman ang kanyang pangalan. Sabihin na nating na-love at first sight ako sa kanya.

Lalapitan ko sana siya sa kanyang puwesto nang biglang dumating si teacher. Mula sa magulong klase ay bigla itong naging pormal. Tahimik ang lahat.

Bilang pambungad, sinabi ni teacher ang kanyang pangalan, saan nakatira, edad, at subject na kanyang tinuturo.

"Now its time to introduce yourself here in front, class," nakangiting sinabi ni teacher.

Ayos! Dahil makikilala ko siya!

Marami-rami pang mag-aaral ang nagpakilala ng kanilang pangalan. Hanggang sa dumating na nga ang kanyang pagkakataon upang ipakilala ang sarili.

Binanggit niya ang kanyang pangalan na parang isang magandang musika, ang kanyang edad na hindi nalalayo sa akin, at lugar kung saan ito nakatira. Sayang, malayo ang bahay nila sa amin!

Nagbanggaan ang aming mga tingin saka ko siya nginitian.

Nginitian niya rin ako pabalik.

Maraming salamat sa introduction dahil nalaman ko ang kanyang pangalan.