Saturday, July 26, 2014

Alas onse

Kauuwi ko lang galing sa trabaho. At dahil maraming inaasikaso sa opisina, pagod na pagod akong umakyat sa kuwarto saka ihinagis ko ang sariling katawan sa malambot kong kama. Sa wakas, nakaramdam ako ng kaginhawaan! Matutulog na ako... gusto ko nang matulog kahit hindi na ako kumain ngayon, ayos lang.

"Anak, nandito ako sa kusina. Halika, may ipapakita ako sa'yo..." si mama, narinig ko nasa kusina siya. At ano naman daw ang ipapakita niya? Siguro naghanda na siya ng hapunan ko. "May niluto akong pang-hapunan mo, halika, kumain ka muna bago ka matulog."

Tinignan ko yung oras; alas onse pasado na pala ng gabi. Naisip kong sige na nga. Gutom na rin naman kasi ako eh. Nakatayo na ako nang matanaw ko ang kusina sa ibaba paglabas ko ng kuwarto. Sobrang dilim, pero... hindi pa ako nakakababa, may isa pang boses akong narinig.

"Huwag kang bababa sa kusina, anak! Narinig ko rin kung ano yung narinig mo! Nandito ako sa kuwarto ng papa mo!"

May impostor na nangagaya sa boses ni mama. Hindi ko na alam kung sino ang tunay: ang nasa kusina o ang nasa kuwarto ni papa na katapat ng kuwarto ko. Ang gulo, nakakalito! Hindi ko talaga alam kung sino talaga sa dalawa ang totoo na paniniwalaan ko at yung nanggagaya lang.

"Mama?!" sigaw ko pero walang sumagot. "Kung nasaan ka man, magpakita ka!" paghahamon ko pero walang sumagot. Naghintay lang ako. Pagod na ako, inaantok, at nagugutom, pero lahat nang ito ay nawala at napalitan ng matinding takot at kilabot na siyang nagpataas ng balahibo ko.

"Nandiyan na..." sumagot ang boses ni mama sa kusina pero kumukontra yung isa pang boses ni mama na nasa kuwarto ni papa.

"Anak, magtago ka na sa kuwarto mo! Nandito talaga ako at hindi ako makalabas ng kuwarto! Ayaw mabuksan ng pinto!"

Hindi ako naniwala. Kung si mama yun, dapat kanina pa niya binuksan yung pinto. Wala namang doorknob yun eh. Alam kong impostor ang nasa kuwarto ni papa kaya sinadya kong hindi buksan iyon. Ayokong makita kung sino ang impostor na iyon basta ang alam ko, papunta na si mama sa akin galing sa kusina. Nakatayo lang ako sa tapat ng pinto ng kuwarto ko habang inaabangan si mama na nasa kusina. Papunta na daw siya at nawala yung takot ko.

"Dadalihin ko na lang yung pagkain mo diyan..." sigaw ni mama. "Huwag ka nang bumaba, paparating na ako..." dagdag niya.

Hindi ko tinanggal yung paningin ko sa ibaba ng hagdan hanggang sa makita ko si mama na dahan-dahang umaakyat papalapit sa akin... itim na itim ang patay na kulay ng balat mula ulo hanggang paa, may nakakatakot at sobrang gulo na makapal na buhok, at may katawan na parang nilasug-lasog habang naririnig ko ang pagtunog ng mga buto niya sa katawan. Tapos, naglalakad siya, parang pilay. Nakakatakot!

Dahan-dahan niyang iniangat ang tingin niya nang limang baitang na lang ng hagdan ang pagitan namin. Dito ko nakita nang malapitan ang mukha niya: nakatingin sa akin ang mga naglalakihan niyang namumulang mata, yung tingin na parang nangigigil at parang napakalaki ng galit niya sa akin, tapos yung mukha niya may malalim at malaking hiwa mula sa may kanang parte ng anit niya pababa sa mukha hanggang sa leeg niya. Medyo may mga dugo...

May gusto akong sabihin pero wala nang boses na lumalabas sa bibig ko. Parang may nagtakip tapos hindi na ako makagalaw. Parang kinokontrol niya ako. Hindi ko maigalaw yung paa kong naninigas dahil sa takot, lalo na nang ibuka niya pa ang bunganga niyang puno ng duguang bulak.

Inaabot niya ako. Gusto niya akong hawakan...

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^