Thursday, July 17, 2014

Kuya, Para po

Isa akong tricycle driver.

Kadalasan akong nagmamaneho tuwing gabi dahil may trabaho ako sa kalapit na pabrika tuwing umaga. Sa totoo lang, kahit hindi na ako magtrabaho ng ganito, napupunan ko naman ang mga pangangailangan sa pang-araw-araw.

Nagkaroon ako ng isang pasahero na gabi nang nakauwi. Nagpapahatid siya sa kanilang bahay na may layong isang kilometro hanggang sa paradahan. Medyo nakakatakot lang yung dinaanan namin kasi sobrang dilim ng paligid. Oo, may mga street light naman pero ang sabi niya kusa na lang daw itong nagsasara tuwing alas dose ng hatinggabi... ang eksaktong oras na ihinahatid ko na siya.

Habang umaandar, pansin na talaga na walang makikitang liwanag sa buong paligid. Sobrang dilim at nakakatakot! Nakakatakot talaga pero ayos lang kasi may minamaneho naman ako eh. Nadaanan namin yung madilim na boulivard, eskuwelahan, nakakatakot na simbahan, talahiban, mapunong daan, at sa may golf kung saan nakatapat dito ang bahay ng pasahero ko.

May isang bakanteng lote kaming nadaanan pagkatapos madaanan ang mapunong daan. Pansamantala akong huminto nang magtanong ako, "Ano? Dito ka na?"

Hindi siya sumagot. Pero maliwanag na narinig ko sa kanya na pumapara siya. Narinig ko nang malinawan na parang itinutok niya pa ang bibig sa tenga ko. Sobrang linaw. Nagpatuloy na lang ako sa pagmamaneho dahil yung parteng hinintuan namin ay walang makikitang bahay maliban sa malaki at matandang puno ng narra. Kung sakali, nasaan ang bahay niya doon?...

Nagpatuloy lang ako sa pagmamaneho hanggang sa makarating sa mga kabahayan. Pagkababa matapos ibigay ang bayad, nagtanong siya: "Bakit niyo po ako ipinapababa sa may parteng madilim kanina sa daan?"

"Eh yun ang sabi mo pero hindi ka naman bumaba," sabi ko habang itinatago ang ibinayad sa maliit kong pitaka. Hindi ko alam kung bakit siya nagtanong ng ganoon gayong ako sana ang gustong magtanong sa kanya tungkol doon pero di ko tinuloy.

Nakitaan siya ng takot, "Kuya, hindi po ako nagsasalita kanina!"

Nagtaka ako ng mga sandaling iyon. Ibig sabihin nito, ako lang ang nakarinig sa isang babaeng pumapara kanina. Pilit kong inaalala ang mga nagdaang minuto saka ko narinig sa isip: "Kuya, Para po"

Kuya, Para po...

Malamang, habang nagmamaneho ako, nasa likuran ko siya pero hindi ko lang siya nakikita. Napatakbo na lang yung pasahero ko sa loob ng bahay at nagbagsak ng pintuan, habang sumisigaw, nang lumingon siya sa likuran ko. Noon pa lang ako nakakita ng ganoong takot. Hindi ko alam kung ano yung nakita niya na hindi ko nakikita pero tumayo ang balahibo ko.

Mainit ang panahon ng tag-araw na halos pagpawisan ako nang malagkit. Pero ng mga sandaling iyon, nakaramdam ako ng sobrang lamig sa likuran ko. Parang may humihimas dahan-dahan na siyang nagpatayo lalo ng balahibo ko... kakaiba!

Nagpatakbo ako ng motor na sobrang bilis at dali-daling nilisan ang lugar na iyon.

2 comments:

  1. I hope this is fiction, kasi sobrang nakakatakot naman ang ganung eksena. OMG. :P

    ReplyDelete
  2. Actually, it happen 3 nights ago after writing this so medyo nakakagimbal pakinggan... vise versa ang pagkakagawa ko dito so meaning, yung pasahero dito e yung ate ko galing sa work at yung driver dito e nakausap ko pa personally (about the story) at naganap ito sa loob ng Camp Aquino, kung saan kami nakatira. Liblib kasi eh

    Anyway, thank you for reading @Sepsep!

    ReplyDelete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^