Saturday, July 19, 2014

Rose and Candle

Isa akong nagtatagong pamintang durog na naka-kahon sa lipunan...

May nagbigay na naman sa akin ng rosas. Basta na lang niya iniwan dito sa tapat ng pinto ko pagbukas ko ng isang umaga. Paborito ko ang rosas pero hindi ko alam kung sino ang nagbigay nito. Lalake? Guwapo ba? Kinikilig ako!!! Macho? Ewan ko. Sana... di ko pa kasi nakikita. Sana... guwapo rin hindi tulad ng crush ko sa eskuwelahan noong high school. Pero imposible ring kilala ako ng nagbigay nito. Ang sa akin lang, bagong lipat lang ako dito sa isang liblib na apartment... at walang nakakakilala sa akin dito kahit sino. Naglayas kasi ako eh.

Itinago ko na lang. Ang ganda kasi eh.

Naulit uli ang bagay na iyon. May nag-iwan na naman ng isang rosas sa tapat ng pinto ng apartment ko kinaumagahan. Parehong oras tulad noong una. Naisip ko, ang sweet naman niya. Siya na kaya ang secret admirer ko na sinasabi sa akin ng isang manghuhula? Hindi ko alam kung dapat ko ba iyon paniwalaan pero wala akong pakialam. Basta, ang alam ko lang sa ngayon e mayroon akong rosas.

Ang ganda. Full bloom!

Tulad ng inaasahan, meron na namang rosas kinabukasan. Medyo loyal siya kasi fresh na fresh talaga ang mga rosas ng nagbibigay sa akin nito. Pero hindi ko pa rin siya makilala. Naisip ko na bantayan ito ng magdamagan para malaman kung sino ang nagbibigay nito pero nakakatulog ako tulad ng kanina. Sayang, nakita ko sana kung sino siya.

Ang weird lang ng nagbigay nito. Ni hindi man lang siya nagpapakilala sa akin kahit ilakip man lang sana niya ito ng sulat sa rosas. At siguro, mayaman ito kasi ang mahal kaya ng rosas. Sana, sinamahan na rin niya ng chocolate para mas realistic. Nakakainis na nakakalungkot.

Gustong-gusto ko na talagang makita kung sino ba talaga ang nagbigay sa akin ng rosas. Gusto kong malaman kung sino at sana naman, lalake na siyang pinapangarap ko: mabait, guwapo, macho, mayaman AT--mapagmahal sa isang tulad ko.

At kung ganito lang sana ang magiging boyfriend ko, ay! Haya-hay ang buhay!...

Lagi kong iniisip ko sino ito. Isip ako ng isip hanggang sa hindi ko na pala namamalayan na napapaluha na lang ako sa sama ng loob kasi hindi man lang siya nagpapakilala sa akin. Minsan nga, nag-iwan pa ako ng malaking sulat sa tapat ng pinto para itanong kung sino siya pero hindi siya sumagot. Parang mas lalo pang bumigat ang pakiramdam ko kasi nagmukha lang akong tanga.

Teka... may naaalala akong senaryo at sitwasyon tulad nito. Naaalala ko si Judy Abott ng Daddy Long Legs. Meron din kaya akong... "Daddy Long Legs"? Kung meron, gusto ko, "Papa Long AND BIG *toot*!" Akalain mong sa ganito kalungkot, nagagawa ko pang lokohin ang sarili ko.

Pero isang araw habang nagtitirik ako ng kandila sa labas ng simbahan at hiniling na sana ay makita ko na ang nag-iiwan sa akin ng rosas, isang matandang lalake ang biglang dumating. At dahil sa kapansin-pansin niyang itsura, nalaman kong guwapo siya noong araw na binata pa siya. Halata iyon dahil sa moreno niyang kutis.

Idinaan niya ang kanyang mga daliri sa ibabaw ng mga natunaw na kandila. Nakita ko, parang inis-scan niya yung natunaw na kandila saka nagsalita: "Babae ang nagtirik ng kandilang ito..."

Hindi ko ibinigay ang buong atensyon ko sa kanya pero tumayo yung balahibo ko nang marinig ko ang sinabi niya. Tama nga, babae ang nagtirik noon at imposible niyang malaman iyon dahil kadarating lang niya matapos bumaba ng jeepney. Hindi ako nagsalita... nakinig ako.

"Ipinagtirik at ipinagdasal niya na sana..." huminto siya at tila kinikilatis ang mga natunaw na kandila. "Sana ay mapagaling na ang anak niyang nausog dahil sa duwendeng nagambala niya sa loob ng kusina nila... mga parteng hilagang kanluran na parte ng bahay nila..."

Nakitaan ako ng pagkabigla. Nanatiling nakatayo ang balahibo ko at pakiramdam ko, hanggang sa anit ko. Gusto ko sanang magtanong pero naunahan na ako ng takot ko. Umatras ang dila ko nang lumingon siya sa akin. Gusto kong tumakbo papalayo pero nandoon siya sa may pinto at iyon lang ang tanging daan palabas sa candle room.

"Ikaw!" tinuro niya ako na kinabigla ko, "Makikita mo rin kung sino ang nagbibigay ng rosas sa pinto mo, anak. At hindi umaga ibinibigay ang mga napupulot mong rosas kundi tuwing alas tres ng madaling araw..."

Napatakbo ako papalabas. Wala na akong pakialam sa kanya. Hindi siya nawala sa isip ko lalo na yung mga iniwan niyang habilin sa akin hanggang makatulog ako ng gabi.

Tulad ng dati, may rosas na naman. Ang kinaibahan nga lang, mayroon itong mga patak ng kandila na kulay pula. Natakot ako noong una kasi kapag biglang tingin, parang tunay na dugo. Nakakatakot. At natatakot talaga ako kasi liblib ang tinutuluyan kong apartment at parang mayroon talagang mamamatay tao. Hindi ko na kinuha ang rosas na iyon... at iyon na ang pang-isang daang rosas na natanggap at nadatnan ko sa tapat ng pinto.

Makaraan ang ilang araw, bigla akong nakaramdam ng tawag ng kalikasan. Gabi na nang naglakad ako papuntang CR at doon ko ibinuhos ang sakit ng puson ko dahil sa isang panaginip. Nakasakay daw ako sa isang kotse na punong-puno ng mga guwapo at machong lalakeng naka brief lang. Literal. Pero naputol iyon nang makaramdam ako ng pag-ihi. Nakakainis.

Sarado ang lahat ng bintana at pinto ng buong apartment dahil ayoko sa mga pumapasok na ipis nang biglang humangin ng sobrang lamig. Inaantok ako noon nang bigla akong nagisingan ng diwa at napatingin sa relo ko. Alas dose kuwarenta y nueve na pala ng madaling araw. Parang na-excite ako kasi malapit nang dumating ang mag-iiwan sa akin ng rosas.

Naghanda ako. Dali-dali kong tinungo ang pinto at nag-abang sa maliit nitong butas palabas.

Sampung minuto, limang minuto, isang minuto... malapit na. Kinakabahan ako at halos hindi ko alam kung anong gagawin. Excited na ako: guwapo kaya? Macho? Sana!!! Kinikilig ako pero wala pa naman. Wala akong pakialam sa sinabi noon ng matanda na nakita ko sa candle room ng simbahan. Sigurado, nababaliw lang iyon. Nanloloko.

Nandiyan na ang rosas ko sa loob ng limang segundo, apat, tatlo, dalawa, isa, hanggang sumapit ang oras ng alas tres ng madaling araw... Nakaabang ako, hindi ako kumukurap o pumipikit. Nakatutok ako sa butas ng pinto palabas. Ang tagal!

Sinilip ko ulit ang butas. Kitang-kita ko ang dilim sa labas at dahil sa kaunting liwanag ng street light sa kanto, sigurado akong mabilis ko siyang mamumukhaan.

Nakasilip ako. At--may isang bagay yata na medyo nagpatibok ng puso ko ng sobrang lakas. Sobrang lakas talaga na halos mahimatay ako, parang sumisikip yung pakiramdam ko pati paghinga. Basta mahirap... hindi ako nagkakamali sa nakita ko. Guwapo? Hindi sigurado.

Oo, may nakita ako. Nandoon na pala siya sa pinto ko, nakayuko lang pala at hindi ko natatanaw. Hawak niya ang rosas at isang pulang-pula na kandilang ang laki ng maliwanag na apoy. Tama nga ang sinabi ng matanda sa akin na siyang inalala ko.

"Ikaw!" tinuro niya ako na kinabigla ko, "Makikita mo rin kung sino ang nagbibigay ng rosas sa pinto mo, anak. At hindi umaga ibinibigay ang mga napupulot mong rosas kundi tuwing alas tres ng madaling araw..."

"Ano pong itsura niya?"  na-excite ako sa tuwang malaman kung sino ito.

"Lalake. Malaki ang katawan. Tulad ng pinapangarap mo, oo, macho. Guwapo, mabait, at mayaman. Pero may isang problema na nangangailangan ng lakas ng loob mo kung gusto mo talaga siyang makita..."

"Ano po iyon?"

"Hindi siya ordinaryong nilalang. Isa siyang mayamang heneral na Kastila noong araw. Namatay ang asawa niya at dahil dumaan ang maraming panahon, natabunan ang libingan ng asawa niya. Lagi niya itong dinadalahan ng pulang kandila at sariwang rosas sa puntod nito hanggang mamatay siya. At ang kinalalagyan ng libingan ng asawa niya ay nasa tapat ng pinto ng apartment mo."

Hindi ko sinabi na may apartment ako pero paano niya nalaman?

Anong ibig sabihin ng nakita ko? Oo nga... hindi buhay ang nakita ko kundi matagal nang patay at nagmumulto sa kanilang libingan! Naaalala ko pa ang mukha niya, ang paglaki ng kanyang mga namumulang mata at pagtingin ng mata sa mata sa butas ng pinto ng apartment ko!

Nilayasan ko ang apartment na iyon kinabukasan.

3 comments:

  1. Pucha, ang intense! Andami mong baong horror stories ah...

    ReplyDelete
  2. Ang landi kasi ng bading eh! Ahahaha!!! Just kidding :D

    Well, regarding ulit, nangyari yung may nang-iiwan ng bulok na rose at kalahating kandila sa tapat ng pinto ng kapit-bahay namin. Then, isinulat ko na lang ito as a fiction.

    Ang kinaibahan nga lang, yung sa kuwento dito, lalake. Pero yung sa kapit-bahay namin nakita niya, babae na may mahabang buhok na sobrang gulo tapos sobrang itim! Nangyari pa rin ito dito sa Camp Aquino.

    ReplyDelete
  3. Parang ayoko tumira diyan sa Camp Aquino. *haha*

    ReplyDelete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^