Tuesday, July 22, 2014

Tatlong patak ng dugo

Nagkabanggaan kami ng tingin pag-upo nila sa mahabang bench kung saan ako nakaupo sa parke. Agad akong umiwas ng tingin at bumalik sa pagbabasa ng libro. May kasama ang isang babae, siguro yung edad niya ay nasa kuwarenta pataas, kasama ang isang binatang anak niya na ang edad siguro ay halos pareho ng sa akin: labing walong taong gulang.

"Excuse me!" sigaw kaagad ng binata sa akin nang makita niya akong nananahimik sa tabi nila na ikinagulat ko.

"Hoy! Tumigil ka nga!" sabi ng nanay sa kanya saka humingi ng paumanhin sa akin. "Pasensya ka na. Maingay yata kami sa tabi mo..." medyo buwisit pa yata yung nanay nang sabihin niya sa akin iyon. Parang gusto niya pa akong paalisin samantalang ako ang nauna sa inuupuan ko.

Sumagot na lang ako ng may paggalang; Hindi, ayos lang po ako 'kako.

Tinignan ko yung binata. Parang nakikita ko yung sarili ko sa kanya noong bata pa ako. Isip bata at daddy's boy dahil bukambibig ang salitang 'daddy'. Na-miss ko tuloy si daddy. Tine-text ko siya para magkita kami ngayon pero meron daw siyang appointment. Gusto ko sana siyang maka-bonding pero wala siyang oras. Ayos lang...

Nagpatuloy lang ako sa pagbabasa ng libro nang mapansin kong... medyo nag-iingay na yung nanay sa kausap na asawa sa telepono. Ang gusto ng nanay base sa narinig ko, gusto nilang magkita ngayong hapon dito sa park. Pumayag naman yung asawa niya pero ang pinagtatakahan ko lang, bakit kailangan pa ng asawa niya na mag-tago? Nasa opisina ba yung asawa niya at kailangan pa niyang tumakas sa trabaho? Ewan ko at wala rin naman pala akong pakialam... Ang alam ko lang sa ngayon ay naiinggit ako sa binata. Ito ay dahil kasama niya ang nanay niya.

Nag-text ako:
Mommy, nandito ako ngayon
sa park. Tara, bonding tayo
dito. Hihintayin ko kayo ne ^_^

Sumagot kaagad si mommy. Ang sabi niya, pauwi na daw siya sa trabaho at dahil nga nadadaanan lang ng sinasakyan nilang jeepney sa park, nakarating kaagad si mommy kung nasaan ako. Sa ngayon, tabi-tabi kami nila mommy, at yung mag-ina sa iisa at mahabang bench dito sa park... awkwardly.

"O, bakit hindi mo kasama ngayon si daddy? Nasaan na siya?" tanong ni mommy.

"May appointment daw siya sa opisina eh. Yan ang sinabi niya sa akin kanina," sagot ko kay mommy.

"Appointment? Bakit ang sabi niya sa akin kanina, out of town duty?"

"Ay oo nga pala. Yan pala ang sinabi niya sa akin. Nakalimutan ko na, hehehe..."

"Eh, anong oras daw siya uuwi?"

"Sabi niya sa akin, mid-night na kasi dadaan pa siya sa opisina."

"Hmmm, ganoon ba," huminto siya saka ibinigay sa akin ang sandamakmak na resibo na ipinambili niya ng mga libro. Nakita ko yung mga nakalista, nandito yung mga puro pakage ng mga libro nina Bob Ong, Eros Atalia, Lualhati Bautista, at iba pang mga Pilipinong manunulat. Ayos, puro best seller books at bukas nila idedeliver sa bahay, at dahil sabado naman bukas, magbo-book reading marathon ako!

"Happy birthday, anak! Alam kong libro lang naman ang mga luho mo eh," pagbati niya sa akin saka siya tumawa.

"Wow!!! Kayo pa lang ang bumati sa inyo ni daddy... Thank you, mommy!!!" napayakap ako sa kanya nang hindi sinasadya. Malamig ang hapon na iyon pero naramdaman ko ang init ng katawan niya. Alam kong init iyon ng pagmamahal niya sa akin at sayang lang dahil wala si daddy. Mas masaya sana kung nandito siya kasama kami at kumpleto.

Kumalas siya sa pag-yakap, "O, malapit nang mag-gabi. Tara, umuwi na tayo," malambing na paanyaya sa akin ni mommy.

Huminto siya sa pagtayo nang magsalita ako; "I love you, mommy. Kayong dalawa ni daddy. Hayaan niyo, mommy. Mag-aaral akong mabuti at sisikapin kong makapagtapos sa kolehiyo para makapag-seaman ako para sa inyo ni daddy. Isa pa, hindi ko kayo pababayaang saktan kayo ng ibang tao dahil ako na ang magsisilbi ninyong matinding sandata para sa mga taong gusto kayong saktan. Pangako yan, mommy!"

"Hay nako, oo sige na. Salamat naman anak kung ganoon. Basta, ang sa akin lang, magpakabuti ka lang sa buhay mo, masaya na ako. Ano, tara na?"

Tumango ako saka tumayo. Nagkataon namang mayroong nag-text sa akin.

Binasa ko:
Magkikita kami ng daddy mo ngayon.
Pag-uusapan na namin ang mga mana
ng pamilya mo na sa anak namin ipapangalan
ang lahat mula sa kumpanya hanggang sa
pera. Maghihirap na din kayo ng puta mong
nanay at yang mga hampaslupa mong
kamag-anak sa wakas! Ahahaha!!!...

Maganda ang pakiramdam ko ng mga sandaling iyon nang biglang umakyat ang init ng galit ko hanggang sa ulo ko. Hindi ako nagpahalata kay mommy pero parang nagdududa na siya. Walang alam si mommy na may ibang asawa si daddy at mayroon ding anak at hindi rin alam ni mommy na nakaka-text ko yung kabit ni daddy. Nagpipigil ako ng galit pero hindi ako nakatakas sa mga nagdududang tingin ni mommy sa akin.

"May problema ba, anak?" tinawag niya akong anak pero ang hindi niya alam ay mayroon ding anak si daddy sa ibang babae.

"W-wala po," pautal kong sagot, halos nanggigigil na sa sobrang galit. Ayoko na sanang pumatol pero naunahan ako. Sa totoo lang, hindi lang ang kabit ni daddy ang kumakausap sa akin kundi ang anak nilang lalake. Ayon sa binata o anak ni daddy o kapatid ko, magkapangalan daw kaming dalawa kaya madali lang ilipat sa kanya yung mga mana ko. Oo nga daw, kinasal sila mommy at daddy pero mas naunang nabuntis yung kabit ni daddy kaysa kay mommy. Parehong araw ng kapanganakan namin pero ang ipinanglalaban niya, mas matanda at nauna daw siya ng isang oras kesa sa akin. E ano naman sa ngayon?

Oo, wala akong laban sa mga desperadang iyon. Alam kong matindi ang galit nilang mag-ina sa amin ni mommy at wala akong pakialam. Ang sa akin lang, ang sasakit ng mga pinagsasabi nila sa akin na pawang wala namang katotohanan. Ang sabi sa akin ng anak ng kabit, bading daw ako at ampon lang. At sa mommy ko naman, ginagatasan lang daw niya si daddy para punan niya yung pangangailangan ng mga 'panganay' ni mommy sa iba't ibang lalake.

Ganoon? Sige... ayos lang. Ang sa akin, mas alam ko naman ang sarili ko kaysa sa kanila.

Para sa akin, ito lang ang pananaw ko. Alam kong bumibida ngayon sa medya ang mga kabit o illegal na pamilya na sila ang nagtatagumpay sa huli kaysa sa mga original na pamilya. Pakiramdam nila, sila na ang nakapagkamit ng 'happy ending' ala fairy tale pero mas masasabi ko sa sarili ko na hindi pa rin pumapayag na magpatalo ang mga legal and legitimate family tulad namin. Depe-depende pa rin 'yan sa sitwasyon at laban dito sa mundo at depende pa rin 'yan sa pananaw ng ibang tao kung sila ay pumapanig sa mga legal o sa mga ilusyunadang mga sampid na kabit. Kabit LANG sila o ng mga 'yan sa huli, kabit pa rin sila. Isang malaking sampid na kabit dito sa lipunan pero gusto ko lang ulitin na depende pa rin 'yan sa sitwasyon.

Sinabi ko sa sarili ko noong una, ipinangako ko, huwag sanang dumating ang pagkakataong mag-krus ang mga landas namin dahil sa ilang mga saglit na iyon, masasaktan sila. Gusto ko kapag sinaktan ko sila, masasaktan sila nang hindi na makakaganti sa akin kahit kailan. Sigurado akong hindi nila ako kakayanin dahil matindi ang galit ko sa kanila. Galit ako sa kanila dahil malaki ang galit nila sa akin gayon din kay mommy.

"Di bale na lang, tara, uwi na tayo mommy!" sabi ko saka ako naglakad. Hindi muna sa ngayon dahil may best time para dito. Alam kong masasaktan si mommy kapag nalaman niya ang tungkol dito. At kung nagkataon, ibabalik ko sa kanila yung tunay na sakit sa dibdib na naranasan ni mommy.

Naiwan si mommy sa akin ng ilang mga hakbang nang tawagin niya ako. Naiwan ko daw yung binabasa kong libro sa upuan. Medyo madilim na iyon nang lumingon ako sa kanya saka lumapit. Nagkataon naman na tumayo yung binata sa bench saka sinalubong ang matagal na nilang hinihintay.

"Daddy!" yumakap yung binata sa daddy niya.

"Happy birthday, anak! Regalo ko sa'yo ito ticket papuntang London para mag-tour!" bati ng daddy niya.

"Anak, tara na bilis mo..." sabi ni mommy na nasa malayo na pala. Alam kong may mali dito pero gusto kong makasiguro sa nakikita ko. Ang dilim na kasi ng paligid eh.

Hindi ko na nalamang lumapit na pala si mommy sa akin para makisabay sa paglakad nang makita kong maghalikan ang mag-asawa na umupo pa sa bench kung nasaan nakapatong ang naiwan kong libro. Napakapusok, sarap na sarap silang dalawa kahit na may taong nanonood sa kanila. PDA talaga.

"Hoy, tara na," kalbit ni mommy sa akin saka niya nakita yung mag-asawang naghahalikan. "Madilim na sa daan kaya ayos lang yan!" bulong ni mommy sa akin. "Magluluto ako ng spaghetti pag-uwi natin sa bahay..."

Walang anu-ano'y napatingin sa amin yung mag-asawa. At dahil sa matinding pagkabigla naming dalawa ni mommy, lumabas sa akin ang salitang nagpagimbal sa kanilang lahat.

"Daddy? Ikaw ba 'yan?"

Nagulat siya at napangiti, "Anak..." huminto siya nang makita si mommy, "Honey? Bakit nandito kayo?"

"Diba dapat kami ang nagtatanong sa iyo, daddy?"

"Teka, anong ibig sabihin nito?!" galit na galit na itinanong sa aming lahat ng babae.

Sinubukan kong tawagin yung  number ng babae ni daddy. At--nag-ring yung telepono ng babae saka niya sinagot, "Hello?"

Hello...

Umulit ulit sa isip ko ang narinig ko. Kumpirmado, siya nga. "At ikaw nga ang nagte-text sa akin ng kung anu-anong kasiraan tungkol sa amin nila mommy?"

Naguluhan na din si mommy, "May hindi ba ako nalalaman dito anak?!" may authorization niyang itinanong kaagad sa akin. Ramdam ko sa mga binitawan niyang tanong ang nag-uumapaw niyang galit.

"Mommy, panahon na para malaman niyo--"

"TUMIGIL KA!!!"

"KAYO ANG TUMIGIL DADDY!!! Huling-huli na namin kayo ni mommy na kasama mo 'yang kabit mo pati yang gago mong anak!"

"Tangina mo, n'di ako gago!" sumugod yung binata sa akin saka ako binugbog. Syempre, papayag ba naman ako na saktan lang ng isang sampid na anak ng sampid na kabit? Hindi ako papayag dahil na rin sa mga kagaguhang sinabi nila sa akin.

Pinaulanan ko siya ng bugbog, tadyak hanggang sa hindi na siya makalakad. Halos burado na yung mukha niya sa ginawa ko pero nahinto ito nang hagisan ako ng kabi ng isang malaking bato sa ulo ko.

"Bakit mo sinaktan ang anak ko?!!!" nakita kong hinila ni mommy yung buhok ng kabit na hindi na makalaban. Kaya na ni mommy yun dahil black belter siya sa taekwondo at gamay na gamay ang karate. Inaawat sila ni daddy pero hindi sila maawat.

Ang hindi ko alam, naroon na pala yung binatang anak ni daddy. Meron siyang balisong na hawak na muntik niyang isinaksak sa akin pero nagtamo ako ng galos. Masakit at tuloy-tuloy ang pagdugo ng kaliwa kong kamay pati ang pagbagsak ng mabigat na bato sa ulo ko. May dugo!

Agad kong kinuha yung baril ni daddy na nasa bag niya. Kinuha ko yun nang hindi niya alam.

Bang!

Nabaril ko yung binata pero buhay pa siya at hindi na makagalaw. Gusto talaga nila akong mamatay. Hindi ko alam na nagwawala na pala ako. At sa isang higlap lang, binigyan ko sila ng tig-isang putok ng bala pero buhay pa naman sila at hindi nga lang makaganti.

Ibinaba ko ang baril sa ibabaw ng dibdib ni daddy habang hawak niya ito at pinanood silang tatlo na nakahilatay sa sahig. Nabigla si mommy pero wala akong pakialam. Basta ang alam ko lang sa mga sandaling ito, tatlong patak ng dugo ang nakita ko sa kanila na ipinatak sa kamay ko.

Ngumiti ako, parang nababaliw...

3 comments:

  1. Geez... What a quirky story. Nakakatakot yung bida. I dunno if deserve ba nung tatlo yung nangyari, pero nakakainis kasi kaya I can't feel any sympathy towards them.

    ReplyDelete
  2. Ahahaha!!! Akala ko, papalag ka sa kuwento pero nakisakay ka rin pala. Agree ako sa huli mong nasabi pero mas matindi pa yung mangyayari kung ako ang nasa sitwasyon na yan... lalo na kung mahal mo ang isang tao, hehehe...

    ReplyDelete
  3. Ang harsh mo pala Papi Jay! Like ko yan. *hihi*

    ReplyDelete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^