Friday, August 1, 2014

Blue mind, first time

Isang panibagong araw na napakaganda.

Mula sa tahimik na klase, tumigil sa pagsasalita ang teacher namin nang tumunog ang malakas na bell ng buong eskuwelahan. Hindi na bago para sa amin na magsaya at maghanda ngayong dismissal. Uwian na, biyernes na!!!

04:43 p.m.
Hindi kaagad ako umuwi ng bahay dahil naiwan ako sa klase para maglinis. Nauna nang umuwi ang iba kong kaklase kaya ako na lang ang mag-isa sa buong eskuwelahan maliban sa guwardiya na nasa guard house... nang bigla akong napahinto sa pag-aayos ng upuan nang mapatingin ako sa bintana ng 4th floor classroom namin pababa sa bintana ng studio ng 1st floor sa katapat na gusali. May kaunting ingay na ang gandang pakinggan. At dahil madilim sa loob ng studio room, hindi ko makita kung sino ang nasa loob.

Inaninag ko nang mabuti, may tao. Nakatalikod siya sa bintana habang nakaupo. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa niya. Hinayaan ko na lang at nagpatuloy sa pag-aayos hanggang sa matapos. Minabuti ko na ring isara ang lahat ng bintana dahil walang pasok bukas.

05:13 p.m.
Nasa kalagitnaan na ako ng school ground area ng buong eskuwelahan nang napahinto ako at nakitang naroon pa rin ang isang lalake. Alam kong siya na lang ang tao sa buong eskuwelahan kaya naman sinabihan ko siya na umuwi na ng bahay. "Magsasara na yung eskuwehan. Kailangan mo nang umuwi," 'kako.

Huminto siya. Unti-unti siyang pumihit mula sa kanyang kinalalagyan hanggang sa tumingin siya sa akin. Sa mga sandaling iyon, kinabahan ako. Nakita ko siyang mag-isa, si Patrick. Nanatili kaming naroon, nakatingin sa mata ng isa't isa habang unti-unting umiihip ang mahina at malamig na hangin.

"Halika, samahan mo muna ako..." sabi niya, pigil ang ngiti pero napakaamo ng mukha.

05:16 p.m.
Dahan-dahan kong tinungo ang studio room kung nasaan si Patrick na nadatnan ko pang nakaupo sa harapan ng isang grand piano. Ngumiti siya sa akin nang napakatamis, tunay, at masasabi kong ngiti na galing sa puso niya.

Bakit ganoon? tanong ng isip ko. Bukod sa mga balasubas niyang kaibigan na nakapaligid sa kanya, ngayon ko lang siyang nakitang ngumiti ng ganoon. Natutuwa tuloy ako, hindi ko alam kung bakit.
Eksakto, pagkapasok ko, huminto ako nang tumugtog siya ng piano. Nabigla ako kaya pinanood ko na lang siya habang nasa malayo ako at unti-unting lumalapit sa kanya. Damang-dama ko mula sa bawat pagbaba ng kanyang mga daliri sa bawat piyesa ng piano ang dedikasyon at buong puso nito sa pagtugtog. Napakaganda, para akong lumilipad. Ramdam ko sa bawat himig nito ang kalungkutan at kapayapaan ng taong nag-iisa sa buhay niya dito sa mundong ibabaw.

Tumingin siya sa akin pagkatapos niyang tumugtog. Bakas sa mukha nito ang tuwa habang nakangiting nakatitig sa akin. "Ano, ayos ba?"

Hindi kaagad ako nakapagsalita. "A-akala ko ba, hindi ka marunong tumugtog ng piano?"

"Ha?" napataas siya ng kilay, "Hindi ko sinabing hindi ako marunong..."

Napatango ako. Pinagalitan kasi siya ng teacher namin sa music dahil hindi siya nakapagpatugtog ng piano. Marunong naman pala siya pero hindi niya lang alam kung ano ang tutugtugin. Dinepensahan ko na lang siya kanina sa klase na baguhang estudyante pa lang siya kaya hindi niya alam.

"Salamat pala kanina ha. Nahihiya ako sa'yo..."

"Ayos lang," sabi ko. "A-ang ganda ng pinatugtog mo. Nagustuhan ko, anong pamagat noon?"

"Blue mind ni Yamashita Kousuke," sagot niya. "Hindi mo ba alam, para talaga sa akin ang tinugtog ko," napatingin ako sa kanya. "Lagi akong tahimik, mag-isa, bilang ang kaibigan, at hindi gaano kasundo ng lahat--lalo na sa klase natin. Blue. Mapag-isa. Lonely blue. Blue mind. 'Yan ako."

Npayuko ako. Para kasing isa rin ako sa mga kaklase na nabanggit niya.

"Pero isa lang ang gusto kong ipagmalaki sa'yo," pareho kaming nakayuko ng mga sandaling iyon nang magsalita siya. "Ikaw pa lang ang unang taong tinugtugan ko ng ganito."

Napatingin ako sa kanya hanggang sa magtama ang aming paningin.

"Wow!"

Napatawa siya ng kaunti.
"Ang ibig kong sabihin, wow! Nagustuhan ko yung pinatugtog mo... sobra!" pagpuna ko. "Ako naman..." tumabi ako sa kanya at agad nagpatugtog ng piano. Hindi ko alam kung bakit ko ginawa yun samantalang ang hirap niyang diskartehan kung paano siya kakausapin. Siguro, kaya hindi ko siya nagagawang kausapin ay dahil sa maraming tao ang nakatingin sa amin. Oo, aaminin kong nahihiya ako sa kanya pero ng mga sandaling iyon, parang tumigil ang pag-ikot ng mundo para lang sa aming dalawa.

05:32 p.m.
Habang tumutugtog ako ng mga sandaling iyon, alam kong nakikisabay na rin siya sa pag-agos ng mga nota ng piano na tinutugtog ko. Pakiramdam ko, para na akong uni-unting umaangat sa alapaap, ngayon ay kasama at katabi siya... nakangiti at masaya. Pagod ako, pero nawala ito dahil sa pagtugtog ko. Oo, kinakabahan ako habang katabi siya pero unti-unti itong nawawala habang tumatagal... habang katabi siya, basta, iyon ang nararamdaman ko na pilit kong itinatago para sa kanya.

Bumulong ako sa isip; Maaari ko ba siyang pagkatiwalaan? Maaari ko bang ibigay sa kanya ang damdamin ng loob ko para sa kanya? Sana, sana lang...

Medyo nahihirapan na ako nang unti-unti kong nararamdaman ang pagtingin niya sa akin habang nagtutugtog sa piano. Naiilang ako sa kanya. Binalewala ko na lang ito hanggang sa matapos ang huling nota ng tinutugtog ko... humihiling na sana, sana lang, sana ay magustuhan rin niya ang tinugtog ko...

"Ano naman yung tinugtog mo?" nagtanong niya. Bakas sa maamo niyang mukha ang interes sa narinig.

"First time," sagot ko. "Matagal ko na sanang naipatugtog ito pero natatakot akong magkamali na... hindi naman talaga maiiwasan, hehehe..."

"Na-perfect mo nga eh... sa palagay ko. Nagustuhan ko yung tinugtog mo," saka siya tumingin sa akin para magbigay ng ngiti.

"Hindi rin. Pero nang dumating ang pagkakataong nagsama tayo sa iisang lugar tulad nito, nagkaroon ako ng lakas ng loob para ipakita sa iyo ang matagal ko nang gustong tugtugin."

"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya pagtingin ko sa kanya.

"Dahil ngayon ko lang tayo nagkausap nang malapitan, iniaalay ko ang tinugtog ko para sa'yo, para sa ating dalawa... na 'first time' lang nagkausap."

Napatango siya. Bakas sa mukha nito ang anino ng pagdududa.

"At sa buong buhay ko, tulad mo, ikaw pa lang ang unang nakarinig sa tinugtog ko... para sa'yo..."

Nagbanggaan muli ang aming mga paningin. Mata sa mata. At dahil hindi ko makita ang mga mata nito na nahaharangan ng maliwanag na salamin sa mata, dahan-dahan niya itong tinanggal. Nakita ko, sa wakas, ang ganda ng kanyang mga mata. Nakakahulog, nangungusap. Alam ko na ang mangyayaring salungat sa mata ng lipunan. Nabigla ako doon. At kahit salungat man sa paningin ng ibang tao sa lipunan ang pagdamping ginawa niya para sa akin, buong puso kong dinamhin iyon... at niya... naming dalawa. Matagal, mainit, matamis, at napakamapusok.

Unti-unti kong ninamnam ang kaunting lamig ng mahinang ihip ng hangin na galing sa labas ng bukas na bintana. Makikita rito ang mapayapang school ground area na nasisinagan ng mala-gintong papalubog na araw sa kanluran, kasama ng mga tunog ng mahihinang kuliglig sa paligid.

Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Ang araw at hapong iyon kasama si Patrick...

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^