Wednesday, August 27, 2014

JS Promenade

February 2009.

Sinalubong ako ng mga kaklase ko nang pumasok ako sa reception ng prominade. Lahat sila natuwa nang makita akong nakasuot ng coat and tie na all around white at mas lalo pa itong tumingkad nang mailawan ako ng kaunting liwanag ng entrance light habang naglalakad sa engrandeng garden bridge na may red carpet. Yung pakiramdam ko, parang panaginip lang ang lahat. Tinignan ko ang buong paligid na puno ng mga tunay at namumulaklak na halaman, ang mga puno na may magagandang orchids, at ang ingay ng mataas na talon na iniilawan ng mga makukulay na bumbilya. Sobrang ganda na halos pigil akong huminga sa bawat nakikita. Ang saya! Isa itong nature-theme promenade na nasa totoong gubat talaga na ilang layo lang sa syudad.

"Uy! Nandito ka na!" masayang bumati sa akin si Arvin saka ako inakbayan. Kasama niya si Reymark na nagbigay puna sa suot kong all around white.

Syempre, napagtripan na naman ako ng mga barkada kong babae. Todo pa-picture silang lahat kasama ako puwera lang kay Eric. Hindi pa kami nagpapansinan isang taon na ang nakalipas simula nang maging kaklase ko siya. Nakita kong mag-isa na naman siya sa isang sulok at nagmumuni-muni. Gusto ko siyang lapitan pero kinakabahan ako. Natatakot ako na baka hindi niya ako pansinin.

Naisip ko, isang gabi lang naman na papansinin ko siya kaya naisipan kong humiwalay sa magugulo kong barkada at lumapit sa kanya. Pero papalapit na ako sa kanya nang huminto ako at biglang dumating si Sarah sa kanya saka sila nagkuwentuhan at nagtawanan.

Matagal ko nang gustong itago ang bagay na ito. Oo, may gusto ako kay Eric. May isang bagay akong nagustuhan sa kanya. Siya ang lalakeng may tunay na ganda at kakisigan na wala ako. Laman siya ng mga sexual fantacies ng mga babae at bading di tulad ko, at siya lang ang may ganoong natatanging ganda na wala sa iba. Maliban sa nabanggit, mabait si Eric pero ako lang sa buong klase ang hindi niya pinapansin. Naiinis ako kung bakit naging ganito ako para sa kanya. Hindi maaaring mangyari na mahulog ang pagmamahal ko sa kanya na higit sa pagkakaibigan. Hindi ako maaaring magmahal ng kapwa kong lalake tulad niya.

Agad akong lumihis sa paglalakad papalayo sa kanilang dalawa. Dahil... sa mga sandaling iyon, nasasaktan din ako sa tuwing nakikita kong magkasama sila ni Sarah.

Nahihirapan ako. Oo, mahal ko rin si Sarah. At silang dalawa ni Eric ang laman ng puso ko.

Pasimple kong tinungo ang likod ng isang malaking puno at pinanood sila habang nagtatago ako sa dilim. Parang sumasama ang loob ko habang nakikita ko ang dalawang taong napakahalaga sa puso ko na magkasama, at sabay na tumatawa. Noon ko lang sila nakitang tumawa nang tunay... nakakainggit.

Sa totoo lang, ang ganda nilang pinapanood kahit na maraming tao sa paligid. Silang dalawa ang mas kapansin-pansin sa lahat. Nakahawak ako ng mga sandaling iyon sa nasasaktan kong dibdib nang makaramdam ako ng mainit na patak ng tubig. Dito ko na nakita ang sarili na lumuluha na pala.

Nagseselos ako...

Hindi ako nakapag-prom noong 3rd year kaya ngayong 4th year, ito na ang una at huli kong promenade sa buong high school life ko. Hindi ko makakalimutan ang gabing ito na nagkasama ang  dalawang taong nagpatibok ng puso kong nag-iisa, nagseselos, at nasasaktan.

- - - - -

Hindi ako nakasama sa cotillion.

Mag-isa lang ako sa mga upuan ng buong 4th year at nasa kabila naman ang area ng mga 3rd year. Nananahimik lang ako. Walang makausap at walang kasama. Naaawa ako sa sarili ko. Hindi ko alam kung ano ang maaaring gawin. Nakayuo lang ako sa inuupuan ko habang nakakatanggap ng mga tingin ng mga 4th year na dahan-dahang sumasayaw. At ang mas masakit pa sa akin, magkasama sila ni Eric at Sarah na sumasayaw.

Habang pinapanood sila, di ko maiwasang mag-isip na sana, ako na lang sana ang kasayaw ni Sarah at hindi si Eric. Pero iba ang sigaw ng puso ko. Mas gusto kong ako na lang ang sinasayawan ni Eric kaysa si Sarah habang napapalibutan ng makukulay na ilaw sa paligid pero hanggang pangarap lang iyon. Hanggang sa isip ko lang. Malabo iyon magkatotoo sa totoong buhay na tanggap ko naman.

Wala na akong ginawa. Yumuko na lang ako at hinintay na matapos ang cotillion habang tuloy-tuloy ang pagbagsak ng mga luha ko sa gitna ng dilim.

- - - - -

Napili si Eric at Sarah bilang may pinakamagandang suot sa lahat base sa botohan. Sa ngayon, pigil akong maglabas ng luha dahil nakapaligid na naman ang magugulo kong kaklase sa akin. Hindi ko na kaya ang pagseselos ko, gusto ko nang sumigaw... o umalis na lang.

"May pahabol pa raw?" narinig ko sa kabilang lamesa. "Sino?"

Paulit-ulit ko itong narinig hanggang sa makarating ang usapang ito sa lugar namin. Pare-pareho ang tanong ng lahat kung sino iyon at sa parehong sagot na puro 'ewan'

"Sino raw?"

"Ewan. Tignan na lang natin kung sino..."

Nagdilim ang buong paligid at nagsindi ang makukulay na ilaw sa gitna ng napakagandang stage na nasa ibabaw ng mga malalaking bato. Lumitaw rito ang isang napakagandang trono na parang upuan ng hari o reyna ng kagandahan. Nagsindi rin ang ilaw ng spot light at itinuturo ito sa mga estudyanteng may magagarang suot. Tumunog yung drumbells hanggang huminto ang spot light sa akin. Madilim noon nang bigla akong nasilaw saka nagpalakpakan ang lahat nang tawagin ako para tumayo. At dahil sa pagkabigla, nakitaan ako ng pagkalito, pagkasorpresa, at saya. Akala ko, biro lang ang lahat. Totoo pala. Totoo nga!

Lumapit sa akin si Eric upang pormal akong alalayan. Tumabi ako sa kanya saka kami umakyat sa itaas ng batuhan na may magandang trono saka ako roon ipinaupo. Ang ganda sa pakiramdam kasi nasa itaas ako na parte at kitang-kita ko ang buong reception na punung-puno ng kulay sa gitna ng kadiliman ng gubat. Medyo madulas lang ng kaunti dahil sa ilang mga natural na lumot malapit sa talon at ang daming mga magaganda at namumulaklak na halaman.

"Nagustuhan ko ang suot mo," pabulong at nakangiting sinabi sa akin ni Eric na nagpasaya lalo sa akin.

"Salamat!"

Tuloy-tuloy lang akong pinapalakpakan ng mga tao nang bigla pa itong lumakas dahil sa nagliwanag sa likuran ko. Nagsigawan silang lahat sa tuwa. Nang pumihit ako upang tignan kung ano ang liwanag ng nasa likuran ko, nakita ko ang isang napakalaki at napakagandang pakpak na liwanag. Sunod-sunod ang pag-ilaw ng mga kamera ng nasa ibaba at nang makita ko, para akong may totoong pakpak.

Wow...

Nakangiti akong nagpalitrato sa lahat. Hindi ko na namalayang nakaakbay na pala sa akin si Eric habang pinupunasan ng panyo niya ang tumutulong luha sa pisngi ko. Masaya ako dahil kinausap niya ako. Ang saya-saya ko!!!

- - - - -

Basta na lang akong hinila ni Eric papunta sa tabi ng ilog na karugtong ng talon. Malapit ito sa isang maliit pero napakagandang grotto nang kausapin niya ako.

"Pasensya na sa nagawa ko kanina. Ayoko naman talagang gawin yun sa iyo eh."

Nakangiti ako nang bigla itong nawala dahil sa sinabi niya, "Anong ibig mong sabihin?"

Nakatingin siya noon sa naiilawang tubig na umaagos sa mga bato nang tumingin siya sa akin. "Hindi mo alam?" tanong niya. "Di bale, kalimutan mo na," medyo mataray niyang sagot. "At kung maalala mo man ang nagawa ko sa iyo kanina, hindi ko pinagsisisihan yun dahil gusto ko," yumuko ako. "Pero bago yan, nagustuhan ko talaga yang suot mo," ngumiti siya sa akin saka niya ako iniwan nang mag-isa sa dilim.

Inisip kong mabuti kung ano talaga ang mga nangyari kanina. Bumaba lang naman kaming dalawa ni Eric sa stage, nakipaglitrato sa mga magugulo kong kaklase, at--teka, may mali! Napangiti na lang ako ng hindi ko namamalayan. Natuwa at kinilig nang maalala ko yung huli niyang ginawa sa akin. Hinawakan niya ako sa kamay at inalalayang umaba sa batuhang stage, nakipaglitrato sa akin nang kaming dalawa lang, magkatabi, hawak-kamay, saka niya ako hinakawan ng mahigpit at mainit na yakap, at--halik malapit sa labi ko. Dahil hindi pa siya nakakalayo sa akin, tumakbo ako papalapit sa kanya saka ko siya tinawag.

"Eric!" lumingon siya sa akin. At sa isang higlap, niyakap ko siya nang mahigpit. "Ayos lang," bulong ko. "Nagutuhan ko nang sobra. Salamat, Eric."

Nakababa ang mga kamay niya nang bigla itong umakyat sa likuran ko at tumugon sa mga yakap ko. Malamig ang gabing iyon nang mag-init ang katawan namin sa isa't isa bagamat may kaunti akong hiya na nararamdaman sa kanya, pinabayaan ko na lang.

Kumalas ako sa pagyakap ko sa kanya nang tinawag niya ang pangalan ko at humarap sa kanya. Kitang-kita ko mula sa liwanag na galing sa malayo ang maganda niyang mukha na unti-unting lumapit sa akin saka niya ginawa ang unang pagdampi sa akin. Nabigla ako at natuwa. Nagpalitan kami ng pagdampi, ninamnam ito at pinagsamantalahan habang may oras pa. Buong puso namin itong dinama na napakainit, napakatamis, at napakamapusok... habang tuloy-tuloy ang paglipad ng mga makukulay na paputok sa ere...

2 comments:

  1. i can relate to this. haha tho wala yung "best dressed couple na part at best in evening gown competition" charot..

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ako, I completely not relate kasi I have never been experience JS promenade ever since so it is my sad part. Hanggang pangarap na lang ako sa ngayon.

      thanks for reading +nato ^_^
      - jay

      Delete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^