Wednesday, August 13, 2014

Love me

Para kay Jon A.

- - - - -

Lagi kong napapansin na lagi akong tinitignan ni Maverick at hindi ko alam kung bakit.

Nag-umpisa ito noong second year high school kami at dahil ako lang sa section 'A' ang napunta sa section 'B' naging malayo na ang mga original kong kaklase. Hindi ko inaaasahan na sa paglayo kong iyon sa mga kaklase ko e mapapalapit naman ako kay Maverick pero sobrang dalang namin kung mag-usap. Sobrang dalang na lang di tulad noong una, kung hindi lang niya ako tinitignan nang patago na siyang naging dahilan upang dumistansya ako sa kanya.

Hindi ko alam kung bakit naging ugali na niya ang ganoon.

Naging kaklase ko ang mga 'A' noong third year pero bumalik din ako ng section 'B' nang mag-fourth year ako. Syempre, kaklase ko na naman sila lalo na si Maverick. At dito na nag-umpisa ang lahat...

Tulad ng una kong nasabi, lagi akong tinitignan ni Maverick mula sa loob ng klase. Kapag tahimik siya sa isang sulok, nakatingin siya sa akin. Tuwing discussion, exam, free time, kapag may activity, sa tuwing nasa harapan siya ng klase para mag-recite, at kung saan-saan pa, lagi kong nakikitang nakatingin sa akin si Maverick.

Hindi. Nahuhuli ko pala siyang tumitingin sa akin at ibinabaling niya ang pagtitig kapag titignan ko siya pabalik. At kung paano siya tumingin sa akin? Napakalagkit. Parang yung tingin na ayaw na niyang ibaling pa kahit saan maliban sa akin, at yung tipo ng tingin na para na akong mawawala sa paningin niya. Ewan ko kung ano ang meron sa akin para titigan niya ako ng ganoon kalagkit. Binabalewala ko na lang.

- - - - -

"Uy, anong oras na?"

"Oras?" titingin siya sa kanyang relo. "Ang oras ngayon ay... alas y media."

Nabigla ako.

"Ay hindi! Quarterty na pala! At ang oras na iyan ay inihatid sa inyo ng 1,000 pesosesoses! Isang libog (libo) para sa'yo, pambili mo ng relo! Huwahahaha!!!!!....."

Nakatikim siya ng isang malakas na kutos sa ulo niya saka niya ako sinigawan pero wala akong pakialam. Nakita ko yung oras, alas sinko na pala.

"Hindi ka pa uuwi?" tanong ko sa kaklase. Hindi na siya sumagot pa sa akin saka ko siya iniwan. "Magkita tayo bukas..." pagpapaalam ko.

Nilakad ko yung fourth floor corridor habang ninanamnam ang malamig na ihip ng hangin. Tanaw mula sa kinalalagyan ko ang malawak na bukid sa harapan ng buong eskuwelahan nang makita ko ang sinag ng papalubog na araw. Napakagandang tinitignan lalo na walang nakakalat na ulap sa kalangitan. Pansamantala akong huminto at tumitig sa langit ng kawalan saka pumikit. Ang ganda sa pakiramdam. Pagod ako pero panandalian itong nawala dahil narerelax yung isip ko at katawan.

Sandaling naputol ang 'moment' ko nang makarinig ako ng ilang mga hakbang ng sapatos. Paakyat ito sa hagdan na limang hakbang lang ang layo sa akin. Sandali kong tinignan kung sino ang paakyat.

Si Maverick. Hindi niya alam na masasalubong niya ako.

Nakayuko siya ng mga sandaling iyon nang makita niya akong nakatayo pagtingin niya sa akin. Napahinto siya sandali saka siya naglakad papunta sa klase. Napakunot na lang ako ng noo nang maalala kong bago siya pumasok e nagawa niya pa akong tignan ulit at ngitian. Nginitian ko na lang siya pabalik pero may isang bagay akong naramdaman sa kanya pagkatapos. Hindi maganda 'to. Hindi ko 'to gusto...

Bakit ako kinilig?...

- - - - -

Gabi.

Hindi ko pa rin makalimutan yung ginawa niya lalo na ang naramdaman ko sa kanya. Bakit niya ginawa 'yun?! Ewan ko. Nakahiga na ako sa kama nang nagpagulong-gulong ako saka iwinagayway ang ulo mula kaliwa't kanan. Di effective na matanggal siya sa isip ko. Sumakit lang ang ulo ko. Gusto ko siyang matanggal sa isip pero bakit ayaw?! Punyeta siya... pampagulo siya ng isip samantalang examination na bukas! Paano na yan kung bigla kong maisulat yung pangalan niya sa test paper ko? Tanga pa naman ako! Nangyari na kasi ito ng maraming beses tulad ng crush ko noong first year ako tapos nang magchi-check na ng papel, eksakto, nakita ng crush ko yung pangalan niya sa papel ko na siya pang nag-check. Unforgettable. Kaya letche na Maverick yan! Kahit ganoon lang siya, nagtatago pa rin ang isang bagay dito sa puso ko na nagsasabing 'gusto/mahal ko siya'. Letche na isip, letche na... puso...

Hindi ako bading, hindi puwede ito...

Bigla akong bumangon. Kailangan ko kasing magbasa ng kahit kaunti lang sa lecture ko para mawala siya sa isip ko. Wala na naman kasi akong alam. Lagot ako nito... at lagot na talaga ako! Yung notebook ko, hindi ko makita! Wala sa desk, wala sa ilalim ng drawer, wala sa book shelves, nasa bag!

Ayun!

At--nabigla ako kasi hindi sa akin yung notebook na 'yon! Sa classmate ko pa. Sigurado kay Jency ito kasi ganito yung sulat niya. Pero paano naligaw yung notebook niya? Ang masaklap, diary pa?! Palibhasa, magkakulay yung notebook namin sa English at sa diary niya. Binasa ko na lang pang-aliwan. Tawa ako nang tawa kasi kakaiba siya kung paano magsalita sa notebook kesa sa personal. Mas madaldal pala siya sa tuwing hahawak ng papel at panulat. At ang mas umagaw pa ng atensyon ko ay yung isang page sa huli kung saan nakasulat ang mga katagang ito:

Hindi ko siya makalimutan. Nami-miss ko na siya. Naiisip niya rin kaya ako ngayon? Ewan ko. Mahal ko siya. Mahal ko siya at hindi ko alam kung bakit ako ganito sa kanya, na nagmamahal ng isang tulad niya. Alam kong hindi niya ako matatanggap dahil ganito ako at marami ang tututol. Pero anong magagawa ng puso ko kung siya talaga ang sigaw nito?

Matagal ko na siyang pinapangarap. Pinapangarap na sana, kahit kaunting minuto lang ang magtagal na makasama siya. Gusto ko siyang mayakap, gusto ko siyang halikan, gusto kong aangkinin yung puso niya, at gusto kong ibigay ang puso kong ito na tumitibok lang para sa kanya. Ayoko na siyang mawala. Kung naririnig niya lang sana ako, sana--

Hindi ko na nabasa yung katuloy dahil nakatulog na ako.

- - - - -

"... matanggap niya ako sa puso niya..."

Sa mga salitang ito nagsabog ang malakas na hiyawan ng mga kaklase ko habang nananahimik ako sa isang sulok, nakababa ang ulo at natutulog nang bigla akong bumangon. Hindi ko alam kung sino yung nagsalita pero narinig ko ang huli nitong sinabi. Tumayo ako saka lumapit kay Jency para ibigay yung diary na naligaw sa akin.

"Hindi sa akin ito."

"Kanino?" Hindi ko alam kung kanino ko ito ibibigay. Sinubukan ko ulit buksan ang nabasa ko kagabi kasabay nito ang pag-ugong ng malakas na bell ng buong eskuwelahan. Dismissal na.

"... sana, matanggap niya ako sa puso niya..." napahinto ako. Parang narinig ko na ito kanina lang sa mga kaklase ko pero di ko alam kung sino at kanino. At ang nakakapagtaka pa nito, bakit nakasulat yung pangalan ko sa huli? Kinabahan ko. May isa sa mga hinayupak kong kaklase ang pumapantasya sa akin at nagdedicate pa ng instrumental piano na may pamagat na 'Love me'. Kahit papano, may kilig ding pumitik sa dibdib ko at naintriga kung sino ito. Ang taas naman ng pagmamahal niya sa akin. Kung sino man siya, siguradong matitikman niya ang makamandag kong ganda. Si Maverick? Malabo! Puwede pa siguro yung crush ko talaga na partner ko sa Mr. and Ms. Intrams. Hindi ko talaga alam kung sino ang may-ari nito at nakalimutan ko na ring magtanong sa mga kaklaseng agad nakalabas ng classroom.

Pero bago yun, nakita ko si Maverick. Agad kong ibinigay sa kanya yung diary kahit hindi sa kanya at nag-bilin na ibigay ito sa kaklase pero nagtanong siya, "Sa akin ito ah. Paano napunta sa'yo?" nakakunot yung noo niya.

Naging tuyo yung lalamunan ko. Tinignan ko siya nang mata sa mata. Wala nang tao sa buong klase kaya nagsalita ako, "I-ikaw ang nagsulat ng entry sa likod ng notebook na yan? M-mahal mo ako, Maverick?"

Nakanunot ang noo niya nang mawala ito at nakitaan ng pagkabigla. Yumuko siya, "Kung ganoon, nabasa mo yung sinulat ko."

Katahimikan.

"Pero hindi ko babawiin yung mga nalaman mo dahil mahal mo rin ako, tama?"

Parang pinitik yung dibdib ko sa sinabi niya. "P-paano mo nasabi?"

"Sabi ng diary mo..." ibinigay niya sa akin yung diary ko. Grabe, nagkapalitan kami ng diary!

Katahimikan. Hindi namin alam kung ano ang gagawin at sasabihin. Isang upuan lang ang pumapagitan sa aming dalawa. Kinakabahan ako lalo na't tahimik at kaming dalawa lang sa buong classroom.

"Love me..." sabi niya.

Napatingin ako sa kanya. Nangungusap yung mata niyang makahulugan ang pag-tingin sa mata kong nangingilid ang luha sa tuwa. Pakiramdam ko, sumisikip yung paghinga ko gayon din ang katawan ko. Dito ko na nalamang nakayakap na pala siya ng sobrang init at higpit sa akin.

Para akong lumilipad sa alapaap, habang kasama siya...

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^