Monday, September 22, 2014

Sa mga sampid

Mainit na tanghali.

Pero naging presko ang buong kuwarto nang pumasok mula sa bintana ang lamig ng malakas na ulan pagsapit ng hapon. Makikita sa gitna ng sahig ng kuwarto ang nananahimik at nakaupong si Rogelio habang nakikinig sa paborito niyang estasyong ng radyo na nakalagay sa tabi ng bintana. Para sa kanya, katahimikan ang turing niya sa ganito pero masasabing isang malaking pagkakamali ang makita na nasa ganoon na siyang kalagayan. Tahimik lang siya, di kumakain, nakikinig lang sa radyo, at nakaupo lang sa sahig. Nasa paligid niya ang nagkalat na mga papel na puno ng mga sulat-kamay niyang halos hindi na maintindihan. Ganoon lang siya... sa loob ng tatlong linggo hanggang ngayon.
Boses sa radyo: "Always your number 1, always your number 1, always your number 1, panahon pa ng Hapooonnn..."

Hindi siya makaramdam ng kahit ano, kahit gutom o tawag ng kalikasan. Ang alam lang niya ay ang makinig ng radyo at manahimik. Nandoon lang siya, at kahit kailan ay hindi lumalabas ng kuwarto.

"Rogelio anak, anong pagkain natin ngayon?" isang nanghihingalong boses ng babae ang narinig niya sa kabilang kuwarto. Napangiti siya nang hindi niya namamalayan... o wala talaga siyang namamalayan. Kasabay ng pagkulimlim ng kalangitan at ng buong kuwarto ay ang pagdilim din ng mukha niiyang unti-unting yumuyuko.

"W-wala... wala... wala..." tuloy-tuloy niyang bulong sa sarili hanggang sa pumatak ang dalawang luha pababa sa litrato niya, katabi ang kanyang tatay, at sa kabila nito ay ang tunay niyang nanay.

Kung ganoon, sino ang nagsalita?

"Di mo'ko anak..." natawa siya nang kaunti na parang wala sa sarili, saka niya kinuha ang isang litrato ng babae. Kinakausap niya ito, "H-hindi mo'ko a-anak..." saka siya natawa nang kaunti, tumawa nang tumawa hanggang sa lumakas ang mga halakhak na kung maririnig e parang nanggagaling pa sa ilalim ng lupa. Parang tawa ng demonyong sabik sa paggawa ng kasamaan dito sa mundong ibabaw. Walang katapusang tawa habang namumula ang mata niyang luhaan hanggang sa madampot niya ang panulat nito saka niya ipinagsasaksak ang litrato ng babae na parang pinapatay ng galit. Galit, na siyang dahilan upan magpira-piraso ito at mawala.

Biglang nagsabog ang lahat ng mga bond paper nitong puno ng mga sulat-kamay ni Rogelio nang magwala siya saka niya ipinagbabato ang lahat ng mga libro nito sa pinto na iniregalo pa sa kanya ng nanay niya. Mabilis naubos ang lahat ng mga libro sa bookshelves na mas malaki pa sa kanya. Nagwawala siya at sumisigaw, "HINDI MO'KO ANAK!!!"

Nakagawa siya ng ingay at pagkabog. Sapat para huminto sa pagsasalita ang babae sa kabilang kuwarto pero tuloy-tuloy lang ang ingay ng radyo.

Katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Nakikiramdam.

Lumabas siya ng kuwarto saka nagtungo sa nakabukas na katapat na pinto. Dito niya nakita ang babae na nakahandusay sa isang sulok. Hindi siya makatayo dahil sa sariwang saksak ng kutsilyo na nakatadtad sa paa niya, gayon din sa namamayat nitong katawan. Sa likuran ng babaeng ito makikita ang malaking salamin na nakatapat kay Rogelio na noon ay nagsalita. " 'Wag mo'kong tawaging anak," bulong niya na parang nagbabanta sa mababang boses. "Pinatay mo ang nanay ko kaya hayaan mong ibalik ko rin sa'yo kung ano ang ginawa mo sa kanya..." kalmado niyang sinabi saka siya nakitaan ng matamis na ngiti.

- - - - -

Malinaw pa rin sa isip niya hanggang ngayon ang pagbaril niya sa sarili niyang tatay at sa mag-ina ng kanyang kabit. Matapos gumaling, naging sunud-sunuran at apihan ang original at legal na mag-ina sa pagtira ng kabit sa bahay nila at nang mamatay ang tatay nito, binigyang kapangyarihan at karapatan ang panig ng kabit na mapunta sa kanila ang lahat ng ari-arian mula pera hanggang kumpanya. Walang itinira pati ang pagmamay-ari at sariling pundar na bahay ng legal na asawa ay pilit ding inaangkin ng kabit.

Umabot sa korte ang usaping ito at nagtagal ng tatlong buwan dahil sa personal na pangangailangan sa luho at kagarapalan ng kabit sa pera ng legal na pamilya. Lumalabas kasing baligtad na ang sitwasyon: ang kabit ay legal at ang legal ay isa nang kabit. At dahil kailangan nang lumaban ng legal na asawa gayon din sa malakas na hamon laban sa ilusyunadang kabit, nagpakitaan sila ng mga legal na dokumento hanggang sa matalo ang kabit sa isang dokumentong naiharap ng legal sa korte: Marriage Contract. Nanalo ang legal na asawa pero dahil sa huling testamento ng tatay nila, titira pa rin ang kabit sa bahay nila at ang lahat ng ari-arian ay ibabalik muli sa legal na pamilya. Ipineke pala ng kabit ang testimonyal nito na nakasuhan rin sa huli. Pero bakit pa titira sa bahay ng legal na asawa ang kabit?

Pero may isang problema tungkol nga sa mamanahin ng mag step-brothers: kung sino man ang unang mamatay sa kanilang dalawa ay sa kanya ito mapupunta--ang yaman ng kanilang tatay. At dahil desperadong makuha ng kabit ang yaman ng tatay, nagkasundo ang dalawang panig. Nagsama-sama sila, nagsaya, nagkaisa, hanggang sa huli ng isang umaga, nainom ng nanay ni Rogelio ang lason na sana ay para sa kanya. Aksidente lang ang lahat pero ginusto ito ng kabit, Mas maganda, para wala na akong kakumpitensya!

Bagsak na naman ang bandera ni Rogelio. Wala na siyang pag-asa--yan ang inakala nila.

Pagkatapos mamatay ang nanay ni Rogelio, itinago niya ang anak ng kabit na 'Rogelio' din ang pangalan sa ilalim ng kisame, sa loob ng kuwarto ng nanay ni Rogelio kung saan naku-kuwarto rin ang kabit at doon na namatay--bagay na hindi pa nalalaman ng kabit.

Tagumpay.

At simula noon, hindi na siya nagsalita. Nandoon lang siya sa kuwarto niya, nananahimik, nakikinig ng radyo, sulat nang sulat, di nakakaramdam ng gutom, di nakakaramdam ng tawag ng kalikasan, manhid na siya. Manhid. Pero paano nagkaganoon ang paa ng kabit na puno at tadtad ng saksak? Simple lang. Matapos mamatay ang anak ng kabit, saka niya ito ginawa nang mahuli niyang may kausap ito sa telepono ng isang gabi. Dito na niya nalaman na buhay pa pala ang asawa nito na inakala nilang patay na ng matagal na panahon. At sa lalakeng iyon napupunta ang lahat ng kanilang pera kasama ang pera na ninakaw niya noon sa nanay ni Rogelio.

Hindi lang ang legal na mag-ina lang ang niloko kundi pati ang kanilang tatay, nasira pa ang pamilya nila. Isang malaking kahihiyan.

- - - - -

"Shhh!!!..." umupo si Rogelio sa sahig, sa tapat ng kabit. "Naaalala mo pa ba nang binaril ko kayong tatlo? Si daddy... ikaw... at ang anak mo?..." ngumiti siya.

Katahimikan.

"Alam ko na! Ahahaha!!! May ipapakita ako sa'yo! Gusto mo, makita mo'to..." hindi na siya maintindihan pero maliwanag sa kanya na tama pa rin ang ginagawa niya. Mula sa kanyang likuran lumabas ang isang lubid na yari sa manipis na tela saka niya itinali ang dulo nito sa hawakan ng isang malaking aparador. Ipinahaba niya ito saka inabot sa kamay ng kabit.

"H-hilain mo, dali... ahehehe... hilain mo. Ahahaha!!! May sorpresa ako sa'yo. Peace na tayo ha... peace na tayo..." nagsasalita na siya na parang ibang bata. Sa isang higlap sa paghila ng babae, bumukas ang saradong aparador at mula sa loob nito, bumukas ang pinto ng attic saka lumabas rito ang nakataling bangkay ng anak nitong si 'Rogelio' na nakadilat ang mga naglalakihang mata sa sobrang tuyo nitong katawan. Hindi na niya kayang kumilos pa ng malaya nang puwersahan siyang mapasigaw nang pugutin ni Rogelio ang ulo nito gamit ang magaspang at matalim na string ng gitara. Nalaglag ito saka gumulong sa paanan ng kabit.

Walang hanggang pagtawa ang ginawa ni Rogelio. Wala na siyang pakialam. At sa mga sandaling iyon, dumilat ang mata ng kabit, unti-unting ngumanga saka hindi na huminga. Kitang-kita sa itsura nito ang tindi ng gutom na kanyang nararanasan pero sa mga sandaling iyon, sa isip ni Rogelio, ay hindi na siya basta magugutom pagbaba niya sa impyerno. Alam niya. Alam na alam... dahil nakausap na niya ang demonyong susundo sa kanya pababa roon.

Wala na siyang buhay. Hindi na siya mahihirapan. Hindi na niya mararanasan pa ang tindi ng galit ni Rogelio dahil patay na ang taong minsang nanggulo ng buhay niya. Pero buhay pa rin ang galit ni Rogelio sa mga sampid ng buhay niya.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^