Tuesday, October 21, 2014

Alitaptap

Malamig na gabi.

Hindi ako makatulog. Nakahiga na ako sa higaan nang bigla akong tumayo at lumapit sa bukas na bintana ng kuwarto. Hindi ako kaagad nakapagsalita nang hawiin ko na ang kurtina at mapansin ang mga nagkikislapang bituin sa kalangitan, kasabay nito ang mahinang pag-ihip ng malamig na hangin sa labas. Maliban sa mga ito, mas lalo pang nagpapatingkad ng ganda ng kapaligiran ang liwanag ng bilog na buwan dahilan para makahinga ako nang malalim. Tahimik na ang gabi maliban sa mga ingay ng kuliglig at kaunting usapan ng mga taong naglalakad sa daanan.

Nanatili akong naroon sa bintana. Tanging liwanag lang ng ilaw sa kuwarto ko ang nagbibigay liwanag pababa sa daanan kung saan nakita ko siyang huminto at tumingin sa akin pataas sa bintana kung nasaan ako. Nakasuot siya ng jacket na itim, pasok ang dalawang kamay sa loob ng bulsa. Agad din siyang umalis matapos magtama ang aming mga paningin. Sinubukan kong sampalin ang sarili nang malaman kong isip ko lang pala iyon.

Katapat ng bintana, napukaw ng isang alitaptap ang pansin ko. Naroon ito sa puno, palipad-lipad at parang naglalaro sa pagdapo sa mga dahon. Kahit malungkot ako, naging masaya ako dahil kakaiba ang kislap nito na parang bituin sa kalangitan. Ang liwanag! Sa tagal ng panahon, ito ang unang pagkakataon kong makakita muli ng alitaptap kaya naman agad ko itong sinundan kung saan ito papunta nang lumayo ito sa bakuran.

Agad akong naglakad nang dahan-dahan upang sundan ito ng tingin habang umiilaw ito sa ere. Sa ganoong paraan, nabibigyan ako ng aliw at saya ngunit may halong pangamba dahil wala akong kasiguraduhan kung saan ito papunta. Madilim ang gabi ngunit nabibigyan ito ng liwanag dahil sa tuwa kong makakita ng isang alitaptap.

Hindi ako tumigil sa paglalakad. Habang sinusundan ko ito ng tingin ay nagpadapo-dapo ito sa mga halaman at sa mga puno na kanyang nadaraanan. Hindi ko ito mapakawalan sa paningin hanggang sa huminto ito sa isang malaking puno at lumipad pataas. Sa mga sandaling iyon, hindi ako gumalaw.

Huminto ako sa paglakad at unit-unting lumaki ang mata habang tinitignan itong lumilipad paakyat sa puno. Pakiramdam ko, huminto ang paghinga ko at bumagal ang ikot ng mundo nang makita ko ang itaas nito na maraming alitaptap. Sobrang dami na halos hindi ko mabilang habang ang kanilang liwanag ay nangingibabaw sa dilim ng gabi. Lumilipad ang mga ito sa paligid ng mga dahon ng puno at nagpapalipat-lipat sa mga sanga ng puno na parang naglalaro. Dito ko na nakita ang kabuuan na para itong isang natural na Christmas tree na napakagandang pinagmamasdan.

Sandali akong huminto at kinilala ang paligid. Saka ko na lang nalamang nakarating na pala ako sa isang magandang parke na may maliit at napakaghandang lawa, ilang hakbang lang ang layo mula sa kinalalagyan ko. Ramdam ko ang lamig ng tubig na unti-unting umaalon gawa ng kaunting ihip ng malamig na hangin, gayon din sa pagtama ng liwanag ng buwan na nakikita sa tubig.

Muli akong napatingin sa puno na tila isang magandang Christmas tree. Nakangiti ko itong pinagmamasdan ngunit panandalian lamang itong nawala nang maalala ko ang isang bagay. Naalala ko noong pasko. Sa di malamang dahilan, napayuko ako. Nawala ang malamig na ihip ng hangin at dito ako biglang nag-init. Init na parang mayroong yumayakap na nagbibigay sa akin ng kaginhawaan sa malamig ng gabi.

Dahil ito sa kanya, naaalala ko pa. Siya mismo ang nagsabi sa akin, bago siya mawala, na ang alitaptap tulad nito ang siyang maggagabay sa akin papunta sa isang taong nakalaan para sa pagmamahal ko. Basta't magtiwala lang ako, pero walang nangyayari. At kung makikita ko man siya ngayon, siguro, wala na akong pakialam. Takot na akong magbukas muli ng puso para magmahal muli ng isang taong iiwanan lang ako. Wala na, wala... ayoko nang maniwala pa sa kasabihan niyang iyon dahil hindi totoo, at hindi nangyayari kahit kailan.

Patuloy lang ako sa panonood ng mga nagkikislapang mga alitaptap nang mapaatras ako nang may biglang lumitaw sa likuran ng puno. May tao! Kulay itim, naka-jacket, saka niya ako pinigilang tumakbo nang tawagin niya ang pangalan ko na may pamilyar na boses. Lumingon ako sa kanya saka ko siya nakilala. Siya ang nagbabalik na si Jonathan... habang nasa kamay niya ang isang umiilaw na alitaptap na ibinigay niya sa kamay ko. Hindi ko alam na siya pala ang nakita ko sa tapat ng bakuran kanina.

"Sabi ko naman sa iyo eh. Magbabalik ako... sa'yo..."

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^