Wednesday, December 10, 2014

Morris Mauricio

Tanghaling tapat.

"Pabili po..." sabi ng isang lalake sa mababang boses habang nakahubad ito ng pang-itaas at nakasabit sa balikat nito ang itinuping t-shirt. "Marlboro lights, dalawang sticks."

Mula sa sala, sandali akong naantala ni Charlie sa panonood ng teleserye. Medyo nabigla ako kasi nakita ko na naman ang nakahubad niyang katawan. Okay sa olrayt, hanggang doon ang abs na masasabing 'puwede nang dilaan' kaya napahinto ako.

"Ano na kasi ulit?"

"M-marlboro lights... bakit ganyan ka makatingin sa akin? Ang guwapo ko no?"

Napa-oo ako nang hindi sinasadya pagbigay ko ng dalawang sticks. Medyo makahulugan.

"B-bakla ka ba?..." nag-aalanganing tanong ni Charlie.

"Hoy! Hindi ah! L-lalake ako, at naiinggit lang ako sa abs mo..."

"Batakin mo naman kasi yang katawan mong payat kung minsan para magka-abs ka," saka siya umalis nang hindi na lumingon pa sa akin. Bumalik na lang ako sa panonood ng teleserye sa sala.

"Pabili po..." sabi ng isang lalake sa mababang boses. Sigurado, si Charlie na naman iyon kaya agad akong pumunta ng tindahan pero wala siya sa harapan. Walang tao, kahit saan.

"Huwag mo nga akong lokohin, Charlie!" pagbabala ko pero walang 'Charlie' na nagpakita. Walang tao sa paligid, pero malinaw na may nagsalita. Anong nangyayari?

Nakaramdam ako ng takot ng mga sandaling iyon. Hindi ko alam kung ano ang malinaw na dahilan ng pagkaba ko at pagtaas ng balahibo ko gayong wala naman akong dapat ikatakot? Sa tingin ko, may maling nangyayari dito.

Naaalala ko tuloy ang kuwento ng kapit-bahay namin na bumibili rin dito. Nang bumili siya sa tindahan namin ng mga tanghaling-tapat, may nauna na daw nagsabi ng 'pabili po' kesa sa kanya. Iyon din ang araw na walang tao sa buong kabahayan kaya napatakbo siya pauwi nang makita ang pinanggalingan ng mababang boses. Nakita daw niya itong nasa tabi ng tindahan: nakaitim, tapos nakatingin sa kanya. Nakakatakot daw ang itsura nito na may boses na parang nanggagaling pa sa ilalim ng lupa, saka nito iniunat ang mga malalakaing pakpak na parang kukunin siya't gustong ilipad sa kalawakan.

"Pabili po..." sabi ng isang lalake sa mababang boses. Nakakatakot ngang pakinggan pero hindi na ako makagalaw o makatakbo papasok sa bahay nang manigas ang paa ko. Parang hawak niya yung paa kong hindi makaalis hanggang sa sinubukan kong harapin siya mula sa likuran.

Oo, nasa likuran ko lang siya dahil doon nangaling ang boses. Tanghaling-tapat pero takot akong lumingon nang dahan-dahan sa likuran ko. Nanuyo yung lalamunan ko, pinagpawisan ako ng sobrang lamig, at nanginginig yung buong katawan ko nang mapaatras ako matapos kong makita siya sa tabi ng tindahan. Totoo nga ang sinasabi ng iba.

Nandoon siya: kulay itim ito, nakatingin sa akin, may malaking pakpak mapupulang tuka, at may dilaw na palong. Alagang "Talking Myna" lang pala namin ito na si Morris! Napakunot ako ng noo...

"Pabili po... Hwa-ha-ha-ha-ha!!!... Prrr... (sisipol) Pangit! Pangit!... (sisipol) Hello po!..." sabi ni Morris sa akin.

"Punyeta ka, tinakot mo'ko!" saka ako napahalakhak nang malakas saka siya sumabay matapos sumipol nang malakas.

- - - - -

*Para sa kaibig-ibig na ala-ala ng yumaong 'The Talking Myna Bird' na si 'Morris Mauricio' na naging parte na sa buhay namin bilang kapatid at pamilya.

Morris Mauricio
2001-2008

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^