Friday, May 30, 2014

Long lost best friend

1
Masaya akong nagkita tayong muli.
Sa tingin ko’y ganoon ka rin.
Nagkaroon ako ng kasabikan sa presensya mo,
Sa pamamagitan ng matatamis kong ngiti para sa iyo.

2
Nanumbalik ang mga masasayang alaalang panandalian nating sinariwa,
Gayon din ang muling pagtibok ng puso ko para sa iyo.
Hindi ko maikakailang mahal pa rin kita,
Dahil nakikita ko ito sa magaganda mong mata na sa aki’y nakatitig.

3
Limang taon tayong nagkawalay sa isa’t isa,
Gayunpaman, wala pa ring nagbabago sa ating dalawa.
Natuwa ako dahil nalaman kong ako pa rin ang laman ng puso mo,
At nakaramdam ako ng saya at pag-asang tayo’y magmahalang muli.

4
Nasa ganoon tayong kasiyahan nang dumating silang dalawa,
Lumapit sa iyo ang isang bata at nagbigay ng halik sa iyong pisngi.
Tuluyan na nga akong nadismaya at nadurog ang puso ko sa sakit,
Sa sinabi sa iyo ng bata na nagpagimbal at nagpaguho ng mundo ko…

5
“Mama, nandito na kami ni papa…”
Ipinakilala mo sila sa akin at ako’y nakipagkamay.
Nakita ko ang paghalik niya sa iyong labi,
Saka mo sinabing “Siya ang asawa ko.”

6
Masaya ako para sa inyo,
Dahil nakikita kong masaya ka para sa kanya.
Mapapanatag na ang loob ko dahil hindi ka na masasaktan,
Dahil ang napangasawa mo ay ang ‘long lost best friend ko’

- - - - -

Saturday, May 17, 2014

Tiles

Jay's black diary: The special issue.

Hi there! Ahahaha!!! Wala lang, nakasingot lang ng kaunting katol... anyway, good day! It's a nice day.

Wala pang pasok at syempre, nag-summer class ako ng April to May. Ayos ito kasi dahil sa college ng CASS, huli kaming mga nag-summer na mag-eenroll sa pasukan. Sa June 6 pa yata ng biyernes? Ay ewan. Whatever. Basta yun na yun!

Ang inaasahan ko lang sa ngayon, dapat umuulan-ulan na pero wala! Ni patak ng ambon lang ang nararanasan tuwing hapon pero ayos lang din pala ang ganoon. Ayoko rin naman kasing mabasa ng ulan dahil kakalat ako at ayokong kumalat! Tama na ang nag-iisang ako.

Maaga akong nakaligo kanina dahil ihahatid ko si kuya papuntang Don Bosco. Inisip ko na lang na tubig-ulan yung ipinanliligo ko sa timba. Ang tagal ko na kasing hindi naliligo ng ulan since… 2012 ng first sem? Ewan. Ewan ko, basta na-miss ko lang na umulan. Malamang, ito ang dahilan kaya ang dami-dami kong iniisip tuwing umuulan. Pero may isa pang bagay na parang ang ganda yatang bigyan ng pansin…

Habang naliligo ako, isip ako ng isip kung ano pa dapat ang puwedeng idagdag sa fiction story ko. Ang daming pumapasok sa isip ko na gusto ko pa sanang habulin ng papel at panulat pero hindi kaya. At ang bilis ko rin palang mag-isip!

Imagination mo ang limit.
Hindi ako masyadong nag-iisip nang sobrang dami pero kailangan ko ring mag-isip nang marami tuwing nagsusulat. Mahina ang imagination ko tuwing nakahawak sa panulat at papel o nakaharap sa keyboard at monitor. Hirap din akong mag-isip kaya nga nagtataka ako paminsan kung paano ako nakakapagsulat nang ganito.

Pero iba ang eksena pagpasok ng CR. Parang doon lang gumagana ang utak at isip ko. Join force! Kakaiba kasi ang ambiance kapag nasa loob ng CR: malamig, tahimik, at walang istorbo. Hindi ko alam kung may kinalaman dito yung ‘upuan’ o yung tunog ng/tubig… ganoon din sa mga tiles.

Minsan nga, napapaupo ako (Hello po sa mga kumakain!!!). At sa mga sandaling iyon, gusto kong pag-aralan kung may kaugnayan ba rito ang pagbabawas sa paglawak ng isip ng isang tao. Kay Sigmund Freud ng psycho-sexual? Wala pa (yata) akong narinig. Naisip ko na rin ang tanong kong ito kung kapag nakahubad ba ang tao e nakakapag-isip ba ito ng diretso? Ewan ko. Psycho major ako pero wala akong alam sa mga ganito. Ni wala pa akong nakikitang documented case tungkol dito. At susubukan kong magtanong sa Chairperson ng Psychology department sa College namin tungkol dito dahil sigurado akong wala sa listahan ng typical signs and symptoms ito!

Malamang nga meron tulad na lang sa karanasan ko noong minsan. Tulad na lang ng ganito: papasok sa isip ko ang isang eksena na hahatiin ko sa 9x9 yung mga tiles sa pader saka ako mag-iisip na naglalaro ako ng sudoku. Minsan naman, chess at nananalo ako kahit na hindi naman talaga ako marunong sa totoong buhay. Tapos kapag sawa na ako sa ganoong set-up, mangangarap naman akong magkaroon ng isang laruan. Halimbawa na lang, robot!

Sa robot, mag-iisip ako ng ganito: mayroon akong pipindutin na tiles sa pader (o tatapakang tiles sa sahig) tapos may aangat na tiles saka lalabas yung isang maliit na ilaw na bigla na lang tataas, lalaki nang mas mataas pa sa akin, at hanggang sa magporma itong isang robot. Akalain mo, sa lagay na iyon, meron na akong imaginary robot, transformer pa! Minsan, isinasara ko yung ilaw para kunwari, mas maraming ilaw yung robot ko, iba't ibang kulay pa!

At para naman magkaroon ng boses, madali lang yan. Dahil kulob ang buong CR, magsasalita ako na parang robot. Dagdag special effect na yung echo sa buong CR.

O kaya naman ganito, minsan naman kapag napapaupo ako, (hello po ulit sa mga kumakain!!!) meron lang akong pipindutin ulit na tiles sa pader o tatapakan sa sahig saka may lulubog na tiles at papalitan nito ng isang bilog na buton na may pulang ilaw. Pagkapindot, lahat ng mga tiles ng CR e mawawala saka magtatransform sa isang latest sport car sa buong mundo na may iba't ibang kulay! Iniisip ko na may biglang lalabas na manobela sa harapan ko tapos may mga tapakan sa harapan, at mayroong lilitaw na kambyo na pang-turbo! At habang nakaupo ako sa trono, pipindutin ko lang yung flush button ng toilet saka titignan yung tubig na pumapaikot papalubog na parang dumadaan sa milkey way, paikot-ikot! At sa mga sandaling iyon, meron na akong rocket!

Syempre, kapag walang tubig yung flush tank at kapag naman iniigib lang ang tubig para ipambuhos, bubuksan ko lang yung gripo para lumabas yung tubig na siyang magsisilbi nitong gasolina.

Ang ganda ng ganoon! Kung napipicturan lang sana ang mga naiisip ko, malamang maraming matutuwa pagkakita nito. Pero hanggang sa pagsusulat ko lang iyon nasasabi. At paglabas ulit sa CR, nawala na ang lahat... ang lahat ng bagay na sa CR ko lang naiisip nang dahil sa mga tiles.

Ang tanda ko na para mag-isip pa ng mga ganitong imaginations. Nakakahiya nga lang kasi pambata yung mga naiisip ko. Oo nga't nasa loob ako ng CR, pero nasa out-of-the-world ang isip ko kung minsan.

Malamang...