Tuesday, June 10, 2014

May Isang Bagay 01

"Tumahimik? Huwag maingay? Kung ayaw mong naiistorbo dito sa bahay, pwes, lumayas ka na dito at humanap ka ng sarili mong titirahan!" sigaw ng kanyang nanay habang nakahiga siya sa sofa ng kanilang sala. Nagising siya sa pagbubunganga ng kanyang nanay na sa mga sandaling iyon ay hindi namalayang nasa bahay na pala siya.

Sermonan na naman. Walang katapusang pagbubunganga na naman ang maririnig pero sanay na si Darwin sa ganito. Sa araw-gabi ba naman, sino ang hindi masasanay, magsasawa, at maririndi kung sa isang ga-butil na buhangin na pagkakamali ang napuna ng nanay niya ay magbubunganga agad?

Pwes, lumayas ka na dito at humanap ka ng sarili mong titirahan!

Ngunit, sa mga sandaling narinig niya ang mga salitang ito sa bibig ng kanyang nanay ay nagkaroon siya ng pagkakataong gawin ang isang bagay na matagal na niyang gustong gawin--ang lumayas na sa kanilang bahay.

"Lumayas ka na lang at humanap ng sarili mong titirahan para hindi ka naiistorbo dito!" pagpatuloy ng nanay niyang nanggagalaiti sa sobrang galit sabay pasok sa kuwarto nito kasunod ang malakas na pagbagsak ng pinto.

Matagal na sana siyang nakaalis ng kanilang bahay dahil halos gabi na siyang umuuwi galing sa trabaho. Ayaw na niya kasing naiistorbo ang kapatid para lang pagbuksan siya ng bahay sa oras ng gabi pero makulit din ang kapatid nitong nagpigil sa kanyang umalis. Ayaw kasi nito na mapahiwalay sa kanya ang kuya. Ito si Martin na sa mga sandaling iyon ay biglang lumabas ng kabilang kuwarto pagkarinig ng pagbagsak ng malakas na pinto.

"Kuya, anong nangyayari?"

Hindi nagsalita si Darwin.

Wala ni isa sa miyembro ng kanyang pamilya ang nakakaalam kung ano ang trabaho ni Darwin. Noon ay inaakala ito ng kanyang pamilya na nagtatrabaho ito sa isang call center company pero halatang-halata na hindi talaga ito ang kanyang trabaho. Malayong-malayo, ayon sa halaga ng kanyang sinasahod na nakakangangang pakinggan sa napakamisteryosong trabaho.

Karaniwan ang pasok nito ay mula hatinggabi ng Biyernes, Sabado, at Linggo, na siyang pinili niyang oras sa pagpasok nito, sa isang organisasyon na hindi alam ng lahat. Depende pa yan sa Lunes hanggang Sabado na regular schedule ng organization, at sa walong oras sa isang araw. Hindi kilala, pero sumasahod siya ng limang libong piso kada isang oras o tatlong daang libo sa loob ng anim na oras, katumbas o sa loob ng isang araw. At dahil tatlong araw lang ang pasok nito sa isang linggo, ura-urada siyang nagsasahod ng siyam na pung libong piso na walang labis at walang kulang. At take note: tax free!

Kung kukwentahin naman, maliwanag, sa isang buwan, na nakakaipon ito ng tumataginting na tatlong daan at anim na pung libong piso na kadalasan niyang itinatago lang sa bangko. Sa ibang aspeto naman ay hindi pa kasama rito ang limang libong piso nitong allowance sa pang araw-araw na ibinibigay lang niya sa mga kapatid lalung-lalo na sa kanyang nanay. Hindi lang yan dahil hindi pa kasama rito ang sampung libong piso nito na siyang halaga ng bawat isang oras na overtime na hindi na kailangan pang sabihin. Limang taon na siyang nagtatrabaho rito at dahil malaki ang nakukuha nitong sahod, tikom pa rin ang bibig nito para sabihin ang kabuuan ng naiipon nito sa bangko. Hindi pa kasama rito ang mga regular and special benifits ng organisasyon, at holiday bonus.

Kung pangkaperahan sa kanyang trabaho ang pag-uusapan ay hindi pa rito nagtatapos ang lahat. Dahil sa imbita ng mga kaibigan, nagtatrabaho din siya sa isang mamahalin at sikat na pakapehan na walang ibang parokyano kundi mga banyaga at mga may kaya sa buhay. Sa madaling salita, mayayaman.

At sa ganitong estado bilang working student, nagsilbi din siyang padre de pamilya na siyang nagpupuna ng iba't ibang pangangailangan sa kanilang bahay. Siya na kasi ang kusang nagbabayad ng kuryente at tubig, monthly allowance, at matrikula ng kapatid na nag-aaral sa isang malaki, bigatin, at mamahaling technical institution na siyang hindi na pinoproblema ng kanyang magulang sakaling kulangin sa aspeto ng pera.

Sa kabila ng pagkakaroon ng ganitong trabaho, hindi niya ikinukunsidera na permanente ang trabahong ipnapasukan nito. Malayo kasi ito sa kanyang kurso na Engineering na kasalukuyan niyang kinukuha sa kanilang unibersidad, at magmamartsa na pagdating ng Marso. Bagay na hindi na pinoproblema pa ng kanyang magulang dahil 'full-scholar' ito at siyang nangunguna pa sa kanilang kolehiyo. At dahil sa aking talino, kaliwa't kanan ang nag-aabang na offer sa kanya ng ilang mga naghihintay na kompanya mula sa Amerika, Europa, Middle-East, at Australia, na may kinalaman sa kanyang pinag-aaralan. Isang bagay na hindi alam ng mga magulang niya at mahigpit niyang inililihim na inaakala nilang HRM ang kurso nitong tatapusin dahil sa hilig nitong magluto ng masasarap na pagkain.

"Anong nangyari kay mama?" nag-aalalang tanong ni Martin sa kuya Darwin nito.

"Wala. Nagbubunganga lang si mama," nakangiti lang siya.

Isang may-bahay lang ang nanay niya at ang tatay naman ay seaman na umuuwi lang ng isang beses sa isang taon. At dahil ilang hakbang lang ang kuwarto ng nanay niya ay dinig na dinig pa rin ang pagbubunganga nito.

"... ewan ko naman kasi sa'yo! Dapat kasi nagsama na lang kayo ng tatay mo para malaman niya yang kapestehan mong ugali," maya-maya lang ay lumabas ulit ito ng kuwarto saka pinagdilatan siya nito ng mata habang nagsasalita. "Manang-mana ka talaga sa tatay mong lukaret!"

"Pwede ba, mama!" bigla siyang bumangon sa sofa at umupo rito saka tumingin nang mata sa mata. "Huwag niyo 'kong ikumpara kay papa dahil malayo ang agwat ko sa kanya! Ibang-iba ako sa kanya--"

"Kaya nga, dapat nagsama na lang kayo ng magaling mong tatay tapos saka ka na mag-asawa. O, edi kaganda?!" pambabara nito.

Nanahimik siya. At dahil nabanggit na ang parte ng kanyang tatay na kasalukuyang nasa labas ng bansa, inalala niya ito. Matinik at matulis sa pambababae ang tatay nito habang malayo sa kanilang pamilya. At dahil daddy's boy si Darwin, aksidente niyang nakausap sa telepono ang isang babaeng nagpakilala na siya daw ang asawa ng kanyang tatay nang minsang mangangamusta sana ito. At sa kanilang pamilya, siya ang unang nakaalam ng tungkol dito. Noong una ay hindi niya muna ipinagkalat ang tungkol sa bagay na ito kaya nagawa niyang sundan ito ng isang beses palabas ng bansa at sinundan sa iba't ibang bansa ng Asya, Europa, at Amerika. Dito niya nalaman na hindi lang pala iisa ang gustong umangkin sa tatay nito kaya gamit ang kamera na iniregalo pa ng tatay nito, isa-isa niyang pinagkukunan ng litrato ang bawat tagpuan ng kanyang tatay at ng mga babae nito. Tantya niyang puro bata ang kursunada nito at kadalasan, sa mamahaling hotel pa nito ikinakama ng tatay niya na nakikita sa bawat CCTV ng hotel. At dahil sa kaburaraan ng gamit, aksidente namang nakita ito ng kanyang nanay nang minsang maglinis ito ng kuwarto at makita ang passport nito at nagkalat na mga litrato ng asawa na may ibang babae.

"Hindi ako guwapo!" lagi niyang depensa pero hindi iyon totoo. Mas nagsasabi kasi ng totoo ang mukha at katawan kaysa isip kaya hindi niya ito maaaring ikaila.

Halos magkamukha si Darwin at ang tatay nito. Matangkad, kayumanggi, guwapo, malaki ang katawan, may karapatang magsuot ng sando upang ipakita ang naglalakihan nitong masel at ipabakat sa short nito ang ipinagmamalaki nitong nakatago, malakas ang sex appeal pagdating sa opposite sex--at same sex--na parehong nagkakandarapa sa kanya, at higit sa lahat--habulan ng babae. Samakatuwid, ayon sa kanya, ay isa lamang siyang simpleng lalake.

Hindi niya kasalanang mapasakamay ang ganoong anyo pero sa tuwing nakikita ito ng kanyang nanay ay wala siyang ibang nakikita kundi ang pagmumukha ng babaero nitong asawa kaya di nito naiiwasang maghimutok. Nabiyayaan man ng gandang lalake ay hindi siya tulad ng kanyang tatay.

"Napakarami mo nang pinaiyak na babae. Dapat kasi inasawa mo na ang isa sa kanila. Edi sana, wala ka na dito sa bahay!"

"Tumingil nga kayo! Napakabata ko pa para mag-asawa. Ni wala pa nga akong permanenteng trabaho eh. Gusto niyo bang sa inyo kami umasa kapag nagka-anak ako?" nagtaas si Darwin ng boses. "Pati ba naman yung pag-aasawa ko, papakialamanan niyo pa?! May kanya-kanya tayong paraan para magkamot ng sariling kati!"

Dahil nabara, nag-ungkat na naman siya ng isang problema na nangyari noong nakaraang linggo. Ang nangyari, nawindang ang buong pamilya sa pagdating umano ng isang dalagang nabuntis daw ni Darwin. Dito daw ito humagulgol nang humagulgol. Pinipilit ng dalaga na akuhin ni Darwin ang dinadala nito. Walang pahintulot kasi itong pumasok sa kanilang bahay at doon nagi-iiyak.

"Hindi akin iyon! Wala akong binubuntis dahil virgin pa ako! Ni hindi pa nga ako kinakasal tapos magbubuntis ako ng babae?" tumingin ito sa kanyang nanay. "Alam niyo yan kasi puro lalake ang mga kasama ko, at hindi ako tanga para maniwala roon!"

Nang maliwanagan ang nanay ni Darwin na hindi galing sa kanya ang dinadala nito, nakatikim ng matitinding salita ang babae na halos hindi nito malunok. Para sa kanya, gusto lang daw ng babae na pikutin ang anak nitong si Darwin dahil sa guwapo nitong itsura at marami itong pera saka sinabihang malandi. At ang sabi pa ng nanay nito sa dalaga, Kasalanan mo yan! Malandi ka! Pinagapang mo kasi yung makating higad sa puki mo kaya nangati ka! Bagay mo lang yan! saka ito nagmumumura. At dahil sa sobrang inis at gigil, nagawa pa daw idemanda ng nanay ni Darwin ang dalaga sa kasong Trespassing. "Para matauhan!" sabi pa nito.

"Mama! Tama na! Tigilan niyo na si kuya--"

"CHE!!! Isa ka pa Martin, punyeta ka!" sigaw ng nanay nito. "Kaya kita nilipat sa all-boy school para di ka habulin ng mga babae!"

"E hindi naman--"

"Martin," si Darwin. Tumingin ito sa mga mata ni Martin saka ito huminto.

"Tignan mo, tignan mo na! Pati yang kapatid mo, nagmamana na rin sa'yo!" mataray na sinabi ng nanay nila saka nagbigay ng matatalim na tingin. "Magsama kayong dalawa!" sigaw nito saka pumasok sa loob ng kuwarto.

Katahimikan. Hindi na rin maririnig ang bunganga ng nanay nila.

Agad tumayo si Darwin, "Kung 'yan ang gusto ni mama, sige. Aalis ako," pumasok ito sa kanyang kuwarto at lumabas dala ang Jansport nitong backpack.

"K-kuya, saan ka pupunta?" malungkot na tanong ni Martin na nakatayo sa tapat ng kuwarto nito.

"Maghahanap ako ng ibang bahay. Huwag kang mag-alala, hindi ko pa rin naman tatalikuran ang mga repsonsibilidad ko sa inyo," sandali itong umupo saka binuksan ang bag. "Heto ang sampung libong piso, allowance mo ng isang linggo tapos saka ka na lang mag-text sa akin kapag ubos na ha."

Nakayuko lang itong inabot mula sa kamay ni Darwin.

"Sige na, aalis na ako. Pupunta na lang ako sa mga kaibigan ko. Puwede mo'kong puntahan sa bahay nila Enrico tapos doon ka muna makitulog kung gusto mo. Alam mo naman yung bahay nila diba?"

Katahimikan.

Lumabas si Darwin pagkatapos ng mga huling salitang sinabi sa kapatid. At halos magkasalisi ang nanay ni Darwin sa paglabas nito sa pinto sa kuwarto ng nanay niya at naabutang wala na ito.

Nagpantay ang tingin ng mag-ina, "Ano pang pinapatanga-tanga mo sa pinto, aalis na tayo, magbihis ka na, madali ka!"

Napakunot si Martin ng kilay saka pumasok sa loob ng kuwarto para magbihis.

- - - - -

"AHAHAHA!!! GAGO ANG PUTANGINA! AHAHAHA!!!!!"

Sumasabog ang tawanan ng isang grupo ng mga kalalakihan sa isang tabi ng Resto Bar. Isa sa mga ito ang nananahimik na si Darwin na nakaupo sa paligid ng magugulo nitong kasama habang nasa harapan nila ang mga bote ng beer nang bigla itong magsalita.

"Umalis ako sa amin."

"HA???" sabay-sabay nilang reaksyon saka nanahimik. Nagkaroon ng kalituhan ang mga pagmumukha nila saka nagtanong ang isa sa mga ito. "Bakit? May nangyari ba?"

Malapit nang magdilim, tanaw mula sa kanilang inuupuan ang paglubog ng araw na nahaharangan ng mga puno nang tumingin si Darwin dito, "Inaway ako ni mama. Pinaalis niya ako sa bahay pero ayos lang."

"Nag-away na naman ba kayo?" tanong ni Enrico na kasalukuyang katabi niya.

"Si mama kasi eh."

"Napano nga siya?" tanong ni Nickey matapos tumungga ng beer.

"Sabi niya, perhuwisyo na daw siya sa akin."

"Ang galing magtampo ng nanay mo ha. Wala sa lugar," si Kevin na katabi naman ni Nickey. "Isa pa, sila ang nakikinabang sa iyo tapos pinaalis ka ng nanay mo sa bahay niyo? Wow!"

"Ako ang umalis kasi gusto ko nang umalis!"

"Alam ko naman may pakialam ka pa sa kanila kasi pinapaaral mo yung kapatid mo," sagot ni Ian na katabi ni Kevin. "Isa pa, maganda rin yan para naman mabigyan mo ng panahon ang sarili mo para magkaroon ng syota!"

Tawanan.

"Tama na! Ayoko munang pag-usapan yan!" asiwang-asiwa siya saka niya kinuha ang bukas niyang beer at ininom. "Yung tungkol sa reunion, sasama kayo?"

"Oo nga pala! Next week na iyon ng Sabado."

"Teka, pag-usapan muna natin yang problema mo brad. Ano nang gagawin mo ngayon?"

"Wala."

"Walanghiya naman yan! Isinakto mo pa kung kailan gipit ang lahat! Babae lang yan."

"Tigil! Responsibilidad ko ang pamilya ko, pati kapatid ko. Palibhasa kasi, mga wala kayong iniintindi sa buhay kumpara sa akin. May gandang lalake naman ako kaya babae ang lalapit sa akin!"

Pumalakpak si Ian, "Yan ang gusto ko sa'yo! Ahahaha!!!"

"Tumuloy ka sa amin."

Nanumbalik na ang ingay pero nanahimik nang magsalita si Enrico, "Tumuloy ka sa amin bukas, paglabas mo sa trabaho. Alam kong takot ka sa pusa kaya hindi ka puwede kila Kevin kasi may panibago na naman siyang pusa sa bahay nila na katabi niyang natutulog. Kulay puti! Ahahaha!!!"

"Ay, ahehehe... oo nga pala! Ibinigay yun sa akin ng syota ko noong 'anniversary' namin," nilagyan niya ng diin ang salitang 'anniversary' sabay tingin kay Darwin. "Ang saya-saya ko kasi may balak na akong mag-propose sa kanya!"

Pinaulanan si Kevin ng pagbati puwera lang kay Darwin, "... ng engagement," saka ito uminom ng beer at nakaramdam na ng pagkalasing. "Magagawa kong mambabae ng sobrang dami kasi wala pa akong syota," bahagya siyang nagparinig.

"Huwag kang bitter, Darwin. Isa pa, hanggang ngayon ba naman, takot ka sa pusa?"

"Pusa, leo, tigre, leopard, cheeta, musang, o kung ano pa man yan, pare-pareho lang silang may pangalmot!"

"Tignan mo na, takot siya sa pusa."

"Pusanggala!" yumuko si Kevin saka nagsalita, "Hindi naman pusa ang magpapatuloy sa'yo kundi ako eh. Edi ikulong natin! Problema ba yun? Tsss..."

Hawak na ni Darwin ang maligamgam nitong beer nang tunggain niya ito hanggang maubos. At dahil iisa na lang ang natira sa lamesa, agad niya itong kinuha pero walang opener.

"Nandito lang sa tabi yung opener--" napahinto sila nang saba-sabay silang napa-"AWWW" nang ngatngatin ni Darwin ang tansan nito para buksan saka ininom. "Nangilo yung ngipin ko doon ah?!"

"Astig... Ngayon pa lang kitang nakitang magbukas ng bote gamit ang ngipin!"

"P-pano mo nagawa yun? Ang sakiiittt!!!"

"Wala nang beer?!" sagot ni darwin.

"W-wala na. Kukuha ako, dito ka lang, kukuha pa ako, yung may opener na!" sagot ni Kevin.

"Mags-CR lang ako," saka sabay nilang umalis.

Katahimikan. Walang nagsalita sa pagitan nila Darwin, Enrico, at Nickey maliban sa tugtog ng mga New Wave.

"Magboboard ako, bed spacer, o condo."

"Sa akin ka na nga tutuloy, huwag kang makulit," si Enrico. "Isa pa, ayokong nakikita ka naming pagala-gala sa kung saan na lang. Ayokong marinig sa iba na wala akong kuwentang kaibigan dahil hindi kita pinatuloy sa akin kaya pumunta ka sa bahay bukas."

"Nahihiya ako. Naguguluhan ako."

"Alam ko na yang linya't parte mo," inubos niya ang isang bote ng beer, "Umuwi ka bukas sa bahay namin. Hihintayin kita at ipagpapaalam kita kila mom and dad kasi baka ulitin mo na naman na matulog ka sa tabi ng daan."

"Oo nga, kailangan mo, pare. Huwag mong isipin na sagabal ka sa amin kasi iisa tayong lahat eh," sabad ni Nickey. "Isa pa, delikado nang mangupahan ka ng boarding house, apartment, lalo na sa mga bed spacer."

"Sige, pansamantala lang. Pero maghahanap pa rin ako ng ibang--"

"Ayoko. Sa akin ka pupunta bukas," sagot ni Enrico na maotoridad.

"Pucha, huwag kang mag-alala. Kaya kong depensahan ang sarili ko kung mangungupahan ako."

"Hindi iyon ang punto ko," sabi ni Kevin. "May ilan kasi na nagkaroon na ng gulo dahil bading yung ibang bed spacer. Yung chismis, nangabugbog yung bading matapos gapangin kinagabihan yung tinitipuhan niyang lalake. Nademanda pa yata ng physical harassment? Alam mo dapat yan kasi malapit iyon sa inyo."

"Hindi ko alam yan. Hindi ako chismosa. Isa pa, bakit ang tagal ng beer? Tuyo na yung lalamunan ko!"

"Alam mo, buti na lang nag-yaya kang makipag-inuman para pag-usapan yang problema mo. Nandito kami ng DENKI, wala tayong laglagan. Pero kung pride pa rin ang ipapairal mo, walang mangyayari sa'yo kaya hindi ka mangungupahan kundi pupunta ka sa bahay bukas."

"Punyeta naman kasi. Pati ba naman si papa, dinadamay niya pa. Isinisisi niya lahat sa akin samantalang, ano namang kasalanan ko kung nahuli niya yung mga picture ng kabit ni papa sa akin? Anong magagawa ko kung ganoon si papa... maraming babae... ni hindi man lang mamigay!"

Nagtawanan ang dalawa nitong kaibigan, "Oo nga naman! Kanina mo lang sinabi sa amin na hindi mo kailangan ng babae! Ang labo mo, brad, kaya manigas ka ngayon!"

"Pero, sa sinabi mo, parang ang pangit lang pakinggan kasi parang ikinukunsinti mo pa yung pambababae ng tatay mo. Unfair yan para sa parte ng nanay mong nag-aalaga sa inyo kumpara sa tatay mong nagpapalaki lang ng bayag sa barko!"

Napakunot na lang siya ng noo saka nagpatuloy sa pag-inom ng beer, "Alam ko yun. Basta, hindi ako uuwi ng bahay namin bukas," pangatwiran nito. "Hindi ako uuwi sa amin dahil maghahanap ako ng matutuluyang bahay maliban sa inyo," sabi niya kay Enrico.

Nagkataong dumating naman si Kevin at Ian, dala ang isang case ng beer at naabutan ang mga huli nitong nasabi, "Bibili ka na ng sarili mong bahay, Darwin?" tanong ni Ian.

"Hindi!" mabilis na sagot ni Enrico na hindi nagustuhan ang narinig mula kay Ian. Ayaw kasi nito na gumastos ng malaking halaga sa panahong ito upang bumili ng sariling bahay. Nangangamba siya ng mga sandaling iyon na baka gawin nga ang narinig mula kay Ian pero muli niya itong tinignan para alamin kung lasing na siya para marinig ang di magandang ideya--ang bumili ng bahay.

Sa sobrang dami ng ininom na beer, halos bumagsak na ang paningin nito sa pagkalasing. Pero nang dahil sa narinig, tila nawala ang pagkalasing nito saka nanahimik. Nag-isip siya, huminto pansamantala sa pag-iinom, at dumating sa kanyang isip ang mga ito: E kung kaya, bumili ako ng sarili kong bahay... tulad ng sinabi ni Ian. Kung sasabihin niya ito sa kanyang barkada, siguradong tututulan ito ni Enrico dahil ayaw nitong gumastos ng sobrang laki.

Pero, bakit ko poproblemahin si Enrico. Kung gusto ko ngang bumili ng bagong bahay, makakabili ako nang hindi ko sasabihin sa kanya.

Tuloy ang pagsabog ng sunod-sunod na tawanan na nakapaikot sa lamesa habang nananahimik si Darwin na sa mga sandaling iyon na abalang-abala sa pag-iisip ng kung anu-ano.

Tama! Bibili ako ng bahay! Kalmado lang, kalmado. Kailangan kong bumili ng bahay, at hinding-hindi ko ipagsasabi ito kahit kanino. Paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili habang tinitignan niya ang hawak, nakasara, at malamig na bote ng beer... na bahagyang pinansin ni Enrico.

"Basta Darwin," biglang hinarang ni Enrico ang isang bagong bukas na beer sa paningin nito, "Tutuloy ka bukas sa bahay. Hihintayin kita."

"Sige," saka niya nginatngat ang tansan ng bote para buksan at uminom ng beer. Di naiwasan ni Enrico na mangilo muli ang ngipin.


(itutuloy...)

Sunday, June 8, 2014

May Isang Bagay

May Isang Bagay
Copyright 2014 by Jay Calicdan

Para kay kuya Darwin at sa lahat ng mga bumubuo ng Team Wooh!!!

Anong ginagawa mo rito???...

PROLOGUE
Isa akong babae at ayoko nang sabihin pa rito ang pangalan ko. Pero kung itsura lang ang tatanungin mo, aba, sinuswerte ka kung mahilig ka sa maganda kasi 'yan ako. At baka masabi mo pa ang salitang 'perfect' kapag nakita mo ako sa personal. Hindi naman sa nagyayabang pero maganda talaga ako. Hindi mo maitatanggi yun kahit sabihin ko pang pangit ako pero hindi. Ako rin pala ang tipo ng babae na pinagpapantasyahan ng mga kalalakihan... at katibuan, na hanggang doon na lang. Oo, bawal po akong hawakan. Yung ganda ko kasi, psychological, at hinding-hindi mo makakalimutan kahit kailan.

Ako ang tipo ng babae na pinapangarap ng mga kalalakihan. Maganda, sexy, mabait, at mapagmahal. May katamtamang kulay at kinis ng buong katawan at talaga namang kasabik-sabik pagdating sa kama. Dapat ko nga palang sabihin na mayroon din akong malaki at sumasabog na kinabukasan na pinapangarap makuha ng lahat. Maaari kong ipang-self defence ito, just in case lang, pero hindi ito nangangahulugang ipapagamit ko na ito kahit kanino. Doon sila nagkakamali. Kung gusto nila, malaya silang gawin iyon sa ibang babae na hindi sa akin. At higit sa lahat, huwag na huwag mong tatangkahing isipin na kaladkarin akong babae, o pokpok/puta o ano mang katulad dahil hindi ako ganoon. Pasensya na kung ganito ako makapagsalita dahil nagsasabi lang ako ng totoo at kung alin ang dapat.

Wala akong boyfriend since birth pero kaliwa't kanan ang mga maginoong manliligaw na pare-pareho kong hindi sinasagot. Bata pa ako para pasukin ang mundo ng pakikipagrelasyon dahil nag-aaral pa ako at ito ang binibigyan ko ng halaga alang-alang sa naghihirap kong mga magulang. Makapaghihintay ang pag-ibig na yan kaya hindi ko kailangang magmadali dahil lalapit naman ang mga lalaki kung gusto ko nang makipagrelasyon. Ang pinproblema ko lang, baka mahirapan akong mamili!

Ako lang ang nag-iisang anak na babae ng magulang ko na nasa abroad ngayon. At dahil one and only little girl, binigyan din nila ako ng kapatid na lalaki na... ayun, nasa Manila at nag-aaral pa ng high school. Lahat ng gusto naming mga luho, nabibigay nila pero hindi kami umaabuso, di tulad ng ibang kabataan ngayon, dahil mabait kaming mga anak. Sa kabila nito, hindi kami sakit sa ulo ng aming mga magulang.

Babae ako, pero hindi ibig sabihin noon ay hindi ko na kaya ang mga paborito kong sports na panglalaki lang. Basket ball, foot ball, boxing... lahat yan pasado sa panlasa ko. Lalo na kapag may mga sapakan, paborito ko ang mga nagrarambulan, at nagkakasakitan, na siyang nagpapaalala sa akin na ganito kaganda ang buhay sa mundong ibabaw. Kailangang lumaban sa mga naghahamon sa buhay. Di ako katulad ni Karen Horney na naniniwalang delikado na ang mundo sa panahon ngayon. Ito ang kamalayan, at hindi mawawala ang mga nabanggit.

Awat na. Ayoko nang magsulat. Pero may isang bagay lang akong sasabihin sa iyo na hindi mo pagsisisihan kahit kailan: "Kung ako ang pipiliin mo, we will live happily ever after!"

- - - - -

Mula sa lamesa ay binagsak niya rito ang isang piraso ng papel matapos basahin saka sumandal sa ipinagsalubong na kamay sa inuupuang mono block sa gitna ng magulo at maingay na klase.

"Walang kuwenta! Kilala ko kung sino ang sira ulo't mapiling na nag-sulat niyan!" nagbungtong hininga siya saka nagpatuloy, "Hindi mangyayari yan! Hindi naman siya maganda eh! Ahahaha!!!"

Nakatingin lang ang isa sa mga kaklase niya, "Libre ang mangarap!"

"Pero huwag sanang umabuso kung imposible! Posible pa bang madagdagan ang ganda niya kung maganda talaga siya? Shame on her, pre!" tatawa nang malakas, "Kaya dumadami yung mga talamak sa mundo, bakit hindi pa sila mawala?!" ibinaba niya ang ulo sa ibabaw ng ipinagsalubong na kamay sa ibabaw ng lamesa.

"Malapit sa'yo ang karma, men. The more you hate, the more you love. Baka maging kayo niyan pagdating ng panahon!"

"... when love and hate collide..." kanta pa ng isa.

Tatawa ang lahat ng mga kaibigang nakalibot sa kanya.

"Shut up! No girls allowed muna mga brad. Responsibilidad ko pa ang pamilya ko dahil ako ang inaaasahan nila. Isa pa, babae ang lalapit sa akin kasi guwapo ako. Guwapo naman ako kaya wala akong dapat ipag-alala dahil hindi ako mauubusan ng babae!"

Tumango na lang ang lahat. Hindi naman maitatanggi sa itsura niya.

"Paano kung siya ang napunta sa'yo?" tanong ng isa.

"O kaya naman, pangit ang natira sa'yo?"

Sasabog ang tawanan.

"Shut up. I need to rest. May trabaho pa ako mamayang gabi so good night to all of you bastards..."

Tuloy-tuloy lang ang ingay sa buong klase. Siya ang class president kaya nasusunod ang lahat ng sabihin niya pero hindi siya sinunod ng lahat. Hindi siya makatulog, wala siyang lakas para mag-suway.

"HUWAG KAYONG MAINGAY!!!" pagbubulyaw niya matapos tumayo sa gitna ng klase. Natahimik ang lahat saka siya napaupo. "Huwag kayong maingay... please..."

"Hoy!"

"Kailangan kong matulog..."

"HOY!!!"

"ANO YON???!!!" ibinuklat niya ang kanyang mga mata saka niya nakita ang galit na galit na mukha ng kanyang nanay. Galit na galit sa naistorbong si Darwin.