Friday, August 29, 2014

Morning sun

This is the version 2 of 'Chao ri' short story. This is for Jun, with love.

- - - - -
Mag-isa lang ako noong umagang iyon. 
Nasa tabi ako ng isang malaking puno kung saan naghihintay ako ng masasakyan papuntang eskuwelahan. Karamihan kasi ng mga estudyante sa aming lugar, dito naghihintay ng masasakyan. Naiinip na ako sa kakahintay, isa pa nag-aalala na rin dahil baka mahuli ako sa klase at hindi na naman papasukin ng guwardya sa gate. Nagdadalawang-isip na nga ako noon kung mag-lalakad ako o hindi. Tutal medyo malapit-lapit na rin naman yung eskuwelahan sa amin pero mapapagod ako kung maglalakad ako hanggang sa eskuwelahan dahil sa mga librong bitbit ko.

Halos maglalabing limang minuto na akong nag-hihintay ng masasakyan sa tabi ng isang puno ilang hakbang lang ang layo mula sa akin. Lahat ng mga sasakyang dumadaan ay puno ng mga estudyante at kung titignan sila isa-isa, wala talagang pag-asang sumakay kahit sumabit lang sa likuran o sa ibabaw ng jeepney. Lahat walang matinong bakante. Lahat nagmimistulang sardinas sa sobrang sikip at siksik. Doon ko lang talaga tinanggap na wala na akong pag-asang makasakay at makarating sa eskuwelahan ng mas maaga.

Sa kalagitnaan ng paghihintay ko ng masasakyan ay may isang di kilalang estudyante ang dumating at sumandal sa puno kung saan ako naghihintay. Siguro mga ilang hakbang lang ang distansya namin sa isa't isa. Isa rin siyang estudyante tulad ko na naghihintay rin ng masasakyan. Nandoon lang siya. Nakatulala at nakatingin sa kawalan. Parang may iniisip siya. Tanong ko tuloy sa isip ko, may malaking problema ba siya ngayon? O sadyang tahimik lang na hindi mahilig dumaldal tulad ko. Malamang ganon na nga iyon.

Naisip ko na magtanong ng oras sa kanya kahit na alam ko ang oras. Parang ang sarap niyang kausap habang siya'y nag-iisa. Wala kaming ibang kasama kundi kami lang dalawa. Pakiramdam ko, para kaming nasa isang isla ng kawalan kung saan kaming dalawa lang ang mag-kasama.

Nakatingin lang ako sa kanya. Tahimik. Tanging tibok lang ng puso ko ang naririnig ko sa mga sandaling iyon na parang tinatambol ng sobrang lakas. Siguro, dala lang ito ng pagkamangha, o kaya naman, paghanga mismo sa kanya. Nakita ko siya, may bahid ng simpatya ang inosente nitong mukha. Hindi ko masyadong makita ng buo ang kanyang mukha dahil nakatingin siya sa asul na kalangitan at, marahil, nag-iisip ng malalim. Sa mga sandaling iyon, tumayo siya mula sa pagkakasandal niya sa katawan ng puno at... tumingin sa akin. Agad kong iniwas ang tingin ko sa kanya at nag-aabang kuno ng masasakyan kahit na alam naming dalawa na wala nang dadaang sasakyan sa kinalalagyan naming dalawa. Kinabahan ako kasi nahuli niya akong nakatingin sa kanya. Sa mga oras na iyon, hindi ko alam kung ano na yung gagawin ko.

Tinignan ko siya ulit. Seryoso yung mukha niyang nakatingin sa akin saka napalitan ng ngiti sa di malamang dahilan. Ngumiti siya sa akin, at umiwas rin ng tingin pagkatapos... hindi ang aking paningin. Hindi maalis ang paningin ko sa kanya. Ang bayolenteng pagtibok ng malakas ng puso ko ay mas lalo pang bumilis na parang hindi ko na mapapahinto. Sa parehong dahilan na hindi ko maipaliwanag kung bakit ako nagkakaganito. Pakiramdam ko, ang gaan ng pakiramdam ko sa kanya.

Tinignan ko ang kanyang itsura. Napakamisteryoso niya. Ang maganda niyang mata, matangos na ilong, makinis na pisngi, at... mapula niyang labi na parang hindi pa nakakaranas ng masarap na halik, ay naging dahilan kung bakit hindi ko siya tinatantanan ng tingin. Parang gusto ng mga paa ko na lumapit sa harapan niya at idikit ko ang labi ko sa mapula niyang labi. Ramdam ko sa mga sandaling iyon na parang nanginginig ang mga tuhod ko, gayon din sa paa ko na parang umuusog paabante. Paabante kung saan ang direksyon nito ay papunta sa kanya. Hindi ko mapigilan ang paa ko sa paggalaw hanggang sa nag-distansya na ito ng isang beses. Isang beses, na katumbas ng isang hakbang. At sa mga sandaling iyon, nakita niya akong nakatingin sa kanya. Kinabahan ako ng todo sa kanya. Hindi alam kung ano ang gagawin, hindi alam kung alin ang uunahin, hanggang sa mabitawan ko yung dala-dala kong libro sa sobrang taranta na hindi niya alam kung bakit pero nang dahil lang sa kanya.

Wala akong intensyong magpapansin sa kanya nang mga oras na iyon at bigla siyang lumapit sa akin para tulungan akong pulutin ang mga nalaglag kong libro. Wala akong masabi sa kanya ng mga oras na iyon at tinulungan niya lang ako sa pagpulot. Inabot niya sa akin yung mga nalaglag kong libro hanggang sa magpantay ang tingin namin sa isa't isa nang hindi sinasadya. Ngayon, nakahinto kaming dalawa, at inabot niya sa akin ang mga libro ko na kanya namang pinulot para sa akin. At sa hindi na namang sinasadya, nahawakan ko yung kamay niya pagkaabot nito sa akin. Ang lamig ng kamay niya na parang may hawak akong isang yelo. Ang lambot, at napakakinis na halos ayaw ko nang bitawan. Iniisip ko na sana sa mga oras na iyon, tumigil ang ikot ng mundo kahit isang oras lang na kasama ko siya. Ang mukha niyang napakaganang tinitignan ay nagbigay sa akin ng mas matinding pagtibok ko ng dibdib. Parang nahulog na ang loob ko sa kanya na halos hindi ko makayanan kung mawala. At sa mga oras na iyon, isa lang ang nasa isip ko... ayaw ko na siyang pakawalan... At sa mga sandaling iyon, bigla akong nanlamig.

Patuloy lang ang paglibot ng tingin ko sa kanyang mukha, pababa hanggang sa kanyang mga paa. Hindi ko alam kung bakit, bigla na lang naligaw ang paningin ko sa kamay niya at makita ang oras sa suot nitong relo. Nagulat ako, nakita ko ang oras, mahuhuli na ako ng klase! Bigla kong binitawan ang malambot niyang kamay saka tumakbo para makapunta sa eskuwelahan ng maaga. Wala na akong pakialam sa bitbit kong libro na sobrang bigat. Habang lumalayo ako sa kanya, tumingin ako sa likuran kung saan pinapanood niya lang akong lumalayo sa kanya hanggang sa mawala ako sa kanyang paningin. Ayoko pa sana siyang iwanan ngunit mas importante ang oras ko sa eskuwelahan kaysa sa kanya.

- - - - -

Wala akong ibang inisip kundi siya.
Sa buong maghapon na naroon ako sa klase, siya ang iniisip ko. Hindi ko siya makalimutan. Ang maganda niyang mata, matangos niyang ilong, makinis niyang pisngi, at ang namumula niyang labi na parang hindi pa nakakaranas ng masarap na halik: lahat ng ito ay umiikot sa isip ko. Oo, alam kong pisikal na nasa eskuwelahan ako noon pero wala naman ang utak ko roon. Siguradong hindi ko na mapapatawad ang sarili ko kung bakit ako nagkakaganito.

Sa buong maghapon sa eskuwelahan, pinagtitinginan ako ng mga tao na aksidente kong nababangga, mga maling kuwarto na bigla ko na lang napapasok ng basta, at pagtunganga sa bus na nalalagpasan ng pag-uwi sa bahay. Ang hirap pala ng ganito. Tulad ko, na nagkakagusto at nahuhulog ang loob sa isang taong hindi ko naman kilala.

Hindi ako makakain ng hapunan dahil sa kanya, hindi ako makagawa ng assignment ko dahil sa kanya, hindi ako mapakali sa iisang lugar sa bahay dahil sa kanya, at lalung-lalo na sa gabi na hindi ako makatulog ng dahil sa kanya. Wala na akong ibang ginawa kundi isipin siya.

Gusto kong malaman kung paano siya nabubuhay sa pang-araw-araw, ano kaya ang ginagawa niya sa ngayon, sino ba ang iniisip niya, iniisip niya rin ba ako, hindi rin ba siya mapakali tulad ng nararanasan ko sa ngayon, lahat ng ito'y iniisip ko dahil sa kanya. Ano kaya ang pangalan niya? Ilang taon na kaya siya? Naranasan na kaya niyang magmahal? At--nakatikim na ba siya ng matamis na halik?... wala akong kasiguraduhan sa kanya at lahat ng iyon ay gusto kong malaman. At sa mga oras na iyon nalaman ko, mahal ko na pala siya.
Hinawakan ko ang dibdib kong tumitibok ng sobrang lakas na halos hindi ko mapahinto. Bakit kaya ganito ang pakiramdam ng taong gustong magmahal? Talaga bang ganito o sadyang nag-iisip lang ako ng mga kung anu-ano. Naglalaro na ang isip ko na hindi ko na kayang kotrolin. Hindi ko mapigilang magtanong nang magtanong. Tumitibok rin ba ang puso niya tulad ng mga nararamdaman ko sa ngayon?

Ibinaba ko ang ulo ko sa malambot kong unan sa ibabaw ng aking higaan. Iniisip ko na para akong nakahiga sa ibabaw ng malambot na ulap kasama siya. Iniisip ko pa rin siya at wala akong masabi tungkol sa kanya. Tulog na kaya siya sa ngayon? Inisip ko na sana, mamayang gabi ay mapanaginipan namin ang isa't isa. Sana, magkita kami kahit sa panaginip lang. Kinuha ko ang isang malaking unan at niyakap ito ng pagkahigpit-higpit. Iniisip na siya ang kayakap ar kasama ko sa gabing malamig hanggang sa makatulog ako ng hindi ko namamalayan. Sana tulog na rin siya ngayon tulad ko...

- - - - -

Masaya ako ng mga oras na iyon.
Umaga. Maaga akong nakasakay ng jeepney papuntang eskuwelahan. Ang saya-saya ko talaga kasi hindi na naman ako mahuhuli sa pagpasok. Pero, kapag nakikita ko yung lugar kung saan kami nagkita, naaalala ko siya. Ilang araw ko na siyang hindi nakikita. Kamusta na kaya siya? Naaalala niya rin kaya ako? Sana, magkita kami ulit. dahil gusto ko siyang makita tulad noong una. Gusto ko nang magpakilala sa kanya.

Nasa likuran ako ng jeepney kung saan ninananmnam ko ang lamig ng hangin ng umaga at ang pagsikat ng araw. Ang gaganda ng mga tanawin na nadadaanan namin kaya mas lalong gumagaan ang pakiramdam ko. Kitang-kita ko ang magandang sikat ng araw. Sa tuwing nakikita ko ang magandang pagsikat ng araw ay naaalala ko siya.

Hindi ko alam kung bakit pagbaba ng mga elementary student sa jeepney na sinasakyan ko e bigla ko siyang nakita. Nakatayo siya sa may gilid ng daan, at nakatingin sa akin. Halos hindi ko maipaliwanag yung saya na nararamdaman kong makita ko siyang muli.

Ngumiti ako sa kanya. At--ngumiti rin siya sa akin na siyang nagpagaan ng loob ko. Sa mga pagkakataong iyon, bigla akong nanlamig tulad noong una ko siyang makita. Hinding-hindi ko ito makakalimutan: ang pinakaunang pagkakataong pagsukli niya sa akin ng kanyang mga matamis na ngiti.

Umandar na noon ang jeepney na sinasakyan ko saka siya unti-unting nawala sa aking paningin. Nanibago ako sa lugar na dinadaanan ng jeepney na sinasakyan ko kaya naman huli na nang nalaman ko na lumagpas na pala ako ng eskuwelahang papasukan. Akala ko ba naman, hindi na ako mahuhuling pumasok sa eskuwelahan ngayon pero sumakit nang todo ang loob ko nang malaman kong... panaginip lang pala ang lahat.

Nagising ako sa higaan ko. Pawis na pawis. Masaya ako na may halong pagkadismaya. Masaya dahil napanaginipan ko siyang ngumiti sa akin, at hindi totoong nahuli na naman ako sa klase at dismaya nang magising ako sa katotohanang panaginip lang pala ang lahat. Tinanong ko ang sarili kung napanaginipan niya rin kaya ako o hindi. Malamang oo dahil napanaginipan ko siya. Sana...

- - - - -

Makulimlim na umaga.
Wala akong makitang sinag ng araw sa mga oras na iyon. Hindi ko tuloy malaman kung madamot ang mga nakaharang na ulap sa langit o sadyang madamot lang ang araw na magbigay ng luwanag sa kalupaan sa oras ng umaga. Sa tingin ko, hindi ko maggustuhan ang mga susunod na mangyayari. Sana huwag matuloy ang iniisip ko: ang iniisip kong... umulan! Pero sa ngayon, wala na akong pakialam kahit umulan pa ngayon dahil dala ko naman yung payong kong maliit na kulay blue na kasalukuyang nasa loob ng bag ko. Blue kasi paborito ko ang kulay na ito. Ayos na ito at wala nang problema.

Malakas ang pakiramdam ko na makakapasok na ako ng eskuwelahan nang maaga tulad ng inaasahan ko dahil maaga pa. Tinignan ko yung oras sa relo kong nasa loob ng bag, ala seis pa ng umaga, isang oras pa para mag-alas siete ng umaga. Marami nang dumadaan na jeepney sa umaga na ito. Kaya lang tulad ng mga nakasanayan, palagi itong puno at wala man lang bakante para makasakay ako. Ayos lang ito dahil wala pa namang alas siete.

Umihip ang malamig na hangin na nanggaling sa silangan kung saan makikita ang ilang liwanag ng araw sa likod ng makakapal na ulap. At naaalala ko ang lamig ng panahong nakilala ko siya noong una. Ang mga mata niyang magaganda, matangos na ilong, makinis niyang pisngi, at mapula niyang labi. Sana naman, makita ko siya muli ngayong umaga.

Malapit nang mag alas seis y media ng umaga, wala pa akong nasasakyan sa parehong dahilan na wala pa rin siya. Siguro nandoon na siya sa eskuwelahan nila. At ako na lang talaga ang narito ngayon na nag-iisa't walang kasama. Tanggap ko na ang lahat na ganito na lang ako ngayong umaga.

Nakatingin ako sa malayo kung saan dumadaan ang mga sasakyan sa pakurbadang daan. Alam kong nasa malayo pa lang, wala na akong pag-asang makasakay dahil alam kong marami itong sakay kaya naisip ko nang umpisahanng maglakad habang mahaba pa ang oras. Nakatingin ako sa sasakyang paparating noon ngunit nang makalagpas ito sa pakurbadang daanan, kinabahan na naman ako sa nakita ko. Nakita ko na naman siya, mag-isang naglalakad papunta sa kinatatayuan ko!

Hindi ako makatingin sa kanya nang diretso. At tulad rin noong una, parang walang pagbabago na nangyari sa kanya. Ganoon pa rin siya. Ang itsura niyang mayroong magandang mata, matangos na ilong, makinis na pisngi at mapula niyang labi: lahat sa kanya ay walang nababago... maliban sa nararamdaman ko sa kanya na hindi niya pa nalalaman. Sa ngayon, hanggang pangarap muna ako dahil alam kong hindi magiging kami kung sakali. Oo. Hindi magiging kami dahil sa itsura ko, sa katayuan ng buhay ko, lalo na sa kilos kong hindi niya siguro magugustuhan. Natatakot akong magtapat sa kanya ng tunay kong nararamdaman para sa kanya. Ganoon rin kaya siya tulad ng nararamdaman ko sa ngayon? Sana...

Ayos na sana ang araw kong nakita ko siya ngunit biglang nagalit ang panahon sa akin at nagawa niyang magbuhos ng kaunting ambon na unti-unting lumakas hanggang sa naging isang malakas na ulan. Buti na lang mayroon akong dalang payong ngunit nakita ko siyang walang dalang payong. Tinignan ko siya. Ginagamit niya ang kanyang maliit na bag na ipinatong sa kanyang ulo para hindi mabasa. Ayaw ko siyang payungan dahil baka insultuhin ako ng mga taong dumadaan doon ngunit nakita ko na ang sarili ko na katabi ko na siya sa iisang payong. Magkatabi. Magkapayong sa iisang payong. Sa ilang segundong nagdaaan, hindi ko malaman kung ako ang lumapit sa kanya o siya pero ang importante sa ngayon ay nakatabi ko siya.

Nabigla siya sa akin. Napatingin, hindi makagalaw. Tumingin ako sa kanya hanggang sa magpantay ang aming mga mata sa isa't isa. Ibinaba niya ang maliit niyang bag mula sa kanyang ulo saka ngumiti bilang pasasalamat. At doon ko na lang pala nalaman na ako pala ang nagpasilong sa aking payong. Wala na. Natalo niya ako. Ako pala ang bumigay, hindi siya. At binabati ko ang sarili ko dahil doon.

Tumingin ako sa maganda niyang mga mata. Ang matangos niyang ilong, ang makinis niyang pisngi, at ang mapula niyang labi. Napakagaang tinitignan. Bumaba ang paningin ko sa kanyang leeg hanggang sa kanyang kamay. Muli ko na namang nakita ang oras sa kanyang relo: alas siete na ngunit hindi ako puwedeng umalis doon dahil wala siyang masisislungan. At sa isa pang bagay na hindi ko na namalayang nakahawak na pala ako sa kanyang braso. Napabitaw ako sa kanya at ngumiti siyang muli na nagpatibok ng puso ko sa kanya na parang tumatalbog. Ang saya ko talaga noon na halos hindi ko maipaliwanag.

Yun din ang oras na mayroong dumaan na mabilis na motor at aksidente niyang nasagasaan ang tubig at putik na naipon sa gitna ng daan na gawa ng malakas na ulan. Wala akong nagawa kundi mapapikit na lang at hinayaang kong matalsikan at mabasa ang sarili. Pagkabuklat ko ng mga mata ay nakita ko siyang nakayakap sa akin, saka nakita ang likuran nitong putikan. Prinotektahan niya ako mula sa putik!

Nakita ko siya: nakayakap sa akin habang nakayuko at nakapikit. Nakapatong ang ulo niya sa ulo ko upang gawing panangga. Tulad noong una, nakayakap pa rin siya sa akin. Halong tuwa at awa ang naramdaman ko para sa kanya noong mga oras na iyon.

Unti-unti niyang binuklat ang kanyang mga mata saka tumingin sa akin. Nagpantay na naman ang aming pag-tingin at dahil sa tuwa, sinuklian ko siya ng isang mas mahigpit na yakap bilang isang pasasalamat. Kusang nangalaglag ang mga hawak kong libro at payong habang yakap-yakap ko siya nang mahigpit. Unti-unti kaming nababasa ng ulan, gayon din ang unti-unting pag-angat ng kanyang kamay sa aking likuran bilang pag-tugon niya sa aking pag-yakap. Halos hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong saya sa kanya.

Nakaramdam na naman ako noon ng lamig, tulad noong una. Saka ko na lang nakita ang uni-unting pagsikat ng araw sa silangan dahilan upang mas makita ko pa nang malinawan ang maamo niyang mukha.

Napatingin siya sa pagsilip ng liwanag ng araw sa silangan saka siya nagsalita, "その朝日は美しいですね。" masigla niyang pagbati na agad niyang isinalin sa palipit na Tagalog, "Ang ganda ng pagsikat ng araw..."

Nabigla ako nang mapagtanto kong isa siyang Hapon! "Kenji," sabay turo sa sarili niya. Yun pala ang pangalan niya. Hinding-hindi ko 'to makakalimutan kahit kailan. Ang magandang pagsikat ng araw kasama si Kenji...

Wednesday, August 27, 2014

JS Promenade

February 2009.

Sinalubong ako ng mga kaklase ko nang pumasok ako sa reception ng prominade. Lahat sila natuwa nang makita akong nakasuot ng coat and tie na all around white at mas lalo pa itong tumingkad nang mailawan ako ng kaunting liwanag ng entrance light habang naglalakad sa engrandeng garden bridge na may red carpet. Yung pakiramdam ko, parang panaginip lang ang lahat. Tinignan ko ang buong paligid na puno ng mga tunay at namumulaklak na halaman, ang mga puno na may magagandang orchids, at ang ingay ng mataas na talon na iniilawan ng mga makukulay na bumbilya. Sobrang ganda na halos pigil akong huminga sa bawat nakikita. Ang saya! Isa itong nature-theme promenade na nasa totoong gubat talaga na ilang layo lang sa syudad.

"Uy! Nandito ka na!" masayang bumati sa akin si Arvin saka ako inakbayan. Kasama niya si Reymark na nagbigay puna sa suot kong all around white.

Syempre, napagtripan na naman ako ng mga barkada kong babae. Todo pa-picture silang lahat kasama ako puwera lang kay Eric. Hindi pa kami nagpapansinan isang taon na ang nakalipas simula nang maging kaklase ko siya. Nakita kong mag-isa na naman siya sa isang sulok at nagmumuni-muni. Gusto ko siyang lapitan pero kinakabahan ako. Natatakot ako na baka hindi niya ako pansinin.

Naisip ko, isang gabi lang naman na papansinin ko siya kaya naisipan kong humiwalay sa magugulo kong barkada at lumapit sa kanya. Pero papalapit na ako sa kanya nang huminto ako at biglang dumating si Sarah sa kanya saka sila nagkuwentuhan at nagtawanan.

Matagal ko nang gustong itago ang bagay na ito. Oo, may gusto ako kay Eric. May isang bagay akong nagustuhan sa kanya. Siya ang lalakeng may tunay na ganda at kakisigan na wala ako. Laman siya ng mga sexual fantacies ng mga babae at bading di tulad ko, at siya lang ang may ganoong natatanging ganda na wala sa iba. Maliban sa nabanggit, mabait si Eric pero ako lang sa buong klase ang hindi niya pinapansin. Naiinis ako kung bakit naging ganito ako para sa kanya. Hindi maaaring mangyari na mahulog ang pagmamahal ko sa kanya na higit sa pagkakaibigan. Hindi ako maaaring magmahal ng kapwa kong lalake tulad niya.

Agad akong lumihis sa paglalakad papalayo sa kanilang dalawa. Dahil... sa mga sandaling iyon, nasasaktan din ako sa tuwing nakikita kong magkasama sila ni Sarah.

Nahihirapan ako. Oo, mahal ko rin si Sarah. At silang dalawa ni Eric ang laman ng puso ko.

Pasimple kong tinungo ang likod ng isang malaking puno at pinanood sila habang nagtatago ako sa dilim. Parang sumasama ang loob ko habang nakikita ko ang dalawang taong napakahalaga sa puso ko na magkasama, at sabay na tumatawa. Noon ko lang sila nakitang tumawa nang tunay... nakakainggit.

Sa totoo lang, ang ganda nilang pinapanood kahit na maraming tao sa paligid. Silang dalawa ang mas kapansin-pansin sa lahat. Nakahawak ako ng mga sandaling iyon sa nasasaktan kong dibdib nang makaramdam ako ng mainit na patak ng tubig. Dito ko na nakita ang sarili na lumuluha na pala.

Nagseselos ako...

Hindi ako nakapag-prom noong 3rd year kaya ngayong 4th year, ito na ang una at huli kong promenade sa buong high school life ko. Hindi ko makakalimutan ang gabing ito na nagkasama ang  dalawang taong nagpatibok ng puso kong nag-iisa, nagseselos, at nasasaktan.

- - - - -

Hindi ako nakasama sa cotillion.

Mag-isa lang ako sa mga upuan ng buong 4th year at nasa kabila naman ang area ng mga 3rd year. Nananahimik lang ako. Walang makausap at walang kasama. Naaawa ako sa sarili ko. Hindi ko alam kung ano ang maaaring gawin. Nakayuo lang ako sa inuupuan ko habang nakakatanggap ng mga tingin ng mga 4th year na dahan-dahang sumasayaw. At ang mas masakit pa sa akin, magkasama sila ni Eric at Sarah na sumasayaw.

Habang pinapanood sila, di ko maiwasang mag-isip na sana, ako na lang sana ang kasayaw ni Sarah at hindi si Eric. Pero iba ang sigaw ng puso ko. Mas gusto kong ako na lang ang sinasayawan ni Eric kaysa si Sarah habang napapalibutan ng makukulay na ilaw sa paligid pero hanggang pangarap lang iyon. Hanggang sa isip ko lang. Malabo iyon magkatotoo sa totoong buhay na tanggap ko naman.

Wala na akong ginawa. Yumuko na lang ako at hinintay na matapos ang cotillion habang tuloy-tuloy ang pagbagsak ng mga luha ko sa gitna ng dilim.

- - - - -

Napili si Eric at Sarah bilang may pinakamagandang suot sa lahat base sa botohan. Sa ngayon, pigil akong maglabas ng luha dahil nakapaligid na naman ang magugulo kong kaklase sa akin. Hindi ko na kaya ang pagseselos ko, gusto ko nang sumigaw... o umalis na lang.

"May pahabol pa raw?" narinig ko sa kabilang lamesa. "Sino?"

Paulit-ulit ko itong narinig hanggang sa makarating ang usapang ito sa lugar namin. Pare-pareho ang tanong ng lahat kung sino iyon at sa parehong sagot na puro 'ewan'

"Sino raw?"

"Ewan. Tignan na lang natin kung sino..."

Nagdilim ang buong paligid at nagsindi ang makukulay na ilaw sa gitna ng napakagandang stage na nasa ibabaw ng mga malalaking bato. Lumitaw rito ang isang napakagandang trono na parang upuan ng hari o reyna ng kagandahan. Nagsindi rin ang ilaw ng spot light at itinuturo ito sa mga estudyanteng may magagarang suot. Tumunog yung drumbells hanggang huminto ang spot light sa akin. Madilim noon nang bigla akong nasilaw saka nagpalakpakan ang lahat nang tawagin ako para tumayo. At dahil sa pagkabigla, nakitaan ako ng pagkalito, pagkasorpresa, at saya. Akala ko, biro lang ang lahat. Totoo pala. Totoo nga!

Lumapit sa akin si Eric upang pormal akong alalayan. Tumabi ako sa kanya saka kami umakyat sa itaas ng batuhan na may magandang trono saka ako roon ipinaupo. Ang ganda sa pakiramdam kasi nasa itaas ako na parte at kitang-kita ko ang buong reception na punung-puno ng kulay sa gitna ng kadiliman ng gubat. Medyo madulas lang ng kaunti dahil sa ilang mga natural na lumot malapit sa talon at ang daming mga magaganda at namumulaklak na halaman.

"Nagustuhan ko ang suot mo," pabulong at nakangiting sinabi sa akin ni Eric na nagpasaya lalo sa akin.

"Salamat!"

Tuloy-tuloy lang akong pinapalakpakan ng mga tao nang bigla pa itong lumakas dahil sa nagliwanag sa likuran ko. Nagsigawan silang lahat sa tuwa. Nang pumihit ako upang tignan kung ano ang liwanag ng nasa likuran ko, nakita ko ang isang napakalaki at napakagandang pakpak na liwanag. Sunod-sunod ang pag-ilaw ng mga kamera ng nasa ibaba at nang makita ko, para akong may totoong pakpak.

Wow...

Nakangiti akong nagpalitrato sa lahat. Hindi ko na namalayang nakaakbay na pala sa akin si Eric habang pinupunasan ng panyo niya ang tumutulong luha sa pisngi ko. Masaya ako dahil kinausap niya ako. Ang saya-saya ko!!!

- - - - -

Basta na lang akong hinila ni Eric papunta sa tabi ng ilog na karugtong ng talon. Malapit ito sa isang maliit pero napakagandang grotto nang kausapin niya ako.

"Pasensya na sa nagawa ko kanina. Ayoko naman talagang gawin yun sa iyo eh."

Nakangiti ako nang bigla itong nawala dahil sa sinabi niya, "Anong ibig mong sabihin?"

Nakatingin siya noon sa naiilawang tubig na umaagos sa mga bato nang tumingin siya sa akin. "Hindi mo alam?" tanong niya. "Di bale, kalimutan mo na," medyo mataray niyang sagot. "At kung maalala mo man ang nagawa ko sa iyo kanina, hindi ko pinagsisisihan yun dahil gusto ko," yumuko ako. "Pero bago yan, nagustuhan ko talaga yang suot mo," ngumiti siya sa akin saka niya ako iniwan nang mag-isa sa dilim.

Inisip kong mabuti kung ano talaga ang mga nangyari kanina. Bumaba lang naman kaming dalawa ni Eric sa stage, nakipaglitrato sa mga magugulo kong kaklase, at--teka, may mali! Napangiti na lang ako ng hindi ko namamalayan. Natuwa at kinilig nang maalala ko yung huli niyang ginawa sa akin. Hinawakan niya ako sa kamay at inalalayang umaba sa batuhang stage, nakipaglitrato sa akin nang kaming dalawa lang, magkatabi, hawak-kamay, saka niya ako hinakawan ng mahigpit at mainit na yakap, at--halik malapit sa labi ko. Dahil hindi pa siya nakakalayo sa akin, tumakbo ako papalapit sa kanya saka ko siya tinawag.

"Eric!" lumingon siya sa akin. At sa isang higlap, niyakap ko siya nang mahigpit. "Ayos lang," bulong ko. "Nagutuhan ko nang sobra. Salamat, Eric."

Nakababa ang mga kamay niya nang bigla itong umakyat sa likuran ko at tumugon sa mga yakap ko. Malamig ang gabing iyon nang mag-init ang katawan namin sa isa't isa bagamat may kaunti akong hiya na nararamdaman sa kanya, pinabayaan ko na lang.

Kumalas ako sa pagyakap ko sa kanya nang tinawag niya ang pangalan ko at humarap sa kanya. Kitang-kita ko mula sa liwanag na galing sa malayo ang maganda niyang mukha na unti-unting lumapit sa akin saka niya ginawa ang unang pagdampi sa akin. Nabigla ako at natuwa. Nagpalitan kami ng pagdampi, ninamnam ito at pinagsamantalahan habang may oras pa. Buong puso namin itong dinama na napakainit, napakatamis, at napakamapusok... habang tuloy-tuloy ang paglipad ng mga makukulay na paputok sa ere...

Wednesday, August 13, 2014

Love me

Para kay Jon A.

- - - - -

Lagi kong napapansin na lagi akong tinitignan ni Maverick at hindi ko alam kung bakit.

Nag-umpisa ito noong second year high school kami at dahil ako lang sa section 'A' ang napunta sa section 'B' naging malayo na ang mga original kong kaklase. Hindi ko inaaasahan na sa paglayo kong iyon sa mga kaklase ko e mapapalapit naman ako kay Maverick pero sobrang dalang namin kung mag-usap. Sobrang dalang na lang di tulad noong una, kung hindi lang niya ako tinitignan nang patago na siyang naging dahilan upang dumistansya ako sa kanya.

Hindi ko alam kung bakit naging ugali na niya ang ganoon.

Naging kaklase ko ang mga 'A' noong third year pero bumalik din ako ng section 'B' nang mag-fourth year ako. Syempre, kaklase ko na naman sila lalo na si Maverick. At dito na nag-umpisa ang lahat...

Tulad ng una kong nasabi, lagi akong tinitignan ni Maverick mula sa loob ng klase. Kapag tahimik siya sa isang sulok, nakatingin siya sa akin. Tuwing discussion, exam, free time, kapag may activity, sa tuwing nasa harapan siya ng klase para mag-recite, at kung saan-saan pa, lagi kong nakikitang nakatingin sa akin si Maverick.

Hindi. Nahuhuli ko pala siyang tumitingin sa akin at ibinabaling niya ang pagtitig kapag titignan ko siya pabalik. At kung paano siya tumingin sa akin? Napakalagkit. Parang yung tingin na ayaw na niyang ibaling pa kahit saan maliban sa akin, at yung tipo ng tingin na para na akong mawawala sa paningin niya. Ewan ko kung ano ang meron sa akin para titigan niya ako ng ganoon kalagkit. Binabalewala ko na lang.

- - - - -

"Uy, anong oras na?"

"Oras?" titingin siya sa kanyang relo. "Ang oras ngayon ay... alas y media."

Nabigla ako.

"Ay hindi! Quarterty na pala! At ang oras na iyan ay inihatid sa inyo ng 1,000 pesosesoses! Isang libog (libo) para sa'yo, pambili mo ng relo! Huwahahaha!!!!!....."

Nakatikim siya ng isang malakas na kutos sa ulo niya saka niya ako sinigawan pero wala akong pakialam. Nakita ko yung oras, alas sinko na pala.

"Hindi ka pa uuwi?" tanong ko sa kaklase. Hindi na siya sumagot pa sa akin saka ko siya iniwan. "Magkita tayo bukas..." pagpapaalam ko.

Nilakad ko yung fourth floor corridor habang ninanamnam ang malamig na ihip ng hangin. Tanaw mula sa kinalalagyan ko ang malawak na bukid sa harapan ng buong eskuwelahan nang makita ko ang sinag ng papalubog na araw. Napakagandang tinitignan lalo na walang nakakalat na ulap sa kalangitan. Pansamantala akong huminto at tumitig sa langit ng kawalan saka pumikit. Ang ganda sa pakiramdam. Pagod ako pero panandalian itong nawala dahil narerelax yung isip ko at katawan.

Sandaling naputol ang 'moment' ko nang makarinig ako ng ilang mga hakbang ng sapatos. Paakyat ito sa hagdan na limang hakbang lang ang layo sa akin. Sandali kong tinignan kung sino ang paakyat.

Si Maverick. Hindi niya alam na masasalubong niya ako.

Nakayuko siya ng mga sandaling iyon nang makita niya akong nakatayo pagtingin niya sa akin. Napahinto siya sandali saka siya naglakad papunta sa klase. Napakunot na lang ako ng noo nang maalala kong bago siya pumasok e nagawa niya pa akong tignan ulit at ngitian. Nginitian ko na lang siya pabalik pero may isang bagay akong naramdaman sa kanya pagkatapos. Hindi maganda 'to. Hindi ko 'to gusto...

Bakit ako kinilig?...

- - - - -

Gabi.

Hindi ko pa rin makalimutan yung ginawa niya lalo na ang naramdaman ko sa kanya. Bakit niya ginawa 'yun?! Ewan ko. Nakahiga na ako sa kama nang nagpagulong-gulong ako saka iwinagayway ang ulo mula kaliwa't kanan. Di effective na matanggal siya sa isip ko. Sumakit lang ang ulo ko. Gusto ko siyang matanggal sa isip pero bakit ayaw?! Punyeta siya... pampagulo siya ng isip samantalang examination na bukas! Paano na yan kung bigla kong maisulat yung pangalan niya sa test paper ko? Tanga pa naman ako! Nangyari na kasi ito ng maraming beses tulad ng crush ko noong first year ako tapos nang magchi-check na ng papel, eksakto, nakita ng crush ko yung pangalan niya sa papel ko na siya pang nag-check. Unforgettable. Kaya letche na Maverick yan! Kahit ganoon lang siya, nagtatago pa rin ang isang bagay dito sa puso ko na nagsasabing 'gusto/mahal ko siya'. Letche na isip, letche na... puso...

Hindi ako bading, hindi puwede ito...

Bigla akong bumangon. Kailangan ko kasing magbasa ng kahit kaunti lang sa lecture ko para mawala siya sa isip ko. Wala na naman kasi akong alam. Lagot ako nito... at lagot na talaga ako! Yung notebook ko, hindi ko makita! Wala sa desk, wala sa ilalim ng drawer, wala sa book shelves, nasa bag!

Ayun!

At--nabigla ako kasi hindi sa akin yung notebook na 'yon! Sa classmate ko pa. Sigurado kay Jency ito kasi ganito yung sulat niya. Pero paano naligaw yung notebook niya? Ang masaklap, diary pa?! Palibhasa, magkakulay yung notebook namin sa English at sa diary niya. Binasa ko na lang pang-aliwan. Tawa ako nang tawa kasi kakaiba siya kung paano magsalita sa notebook kesa sa personal. Mas madaldal pala siya sa tuwing hahawak ng papel at panulat. At ang mas umagaw pa ng atensyon ko ay yung isang page sa huli kung saan nakasulat ang mga katagang ito:

Hindi ko siya makalimutan. Nami-miss ko na siya. Naiisip niya rin kaya ako ngayon? Ewan ko. Mahal ko siya. Mahal ko siya at hindi ko alam kung bakit ako ganito sa kanya, na nagmamahal ng isang tulad niya. Alam kong hindi niya ako matatanggap dahil ganito ako at marami ang tututol. Pero anong magagawa ng puso ko kung siya talaga ang sigaw nito?

Matagal ko na siyang pinapangarap. Pinapangarap na sana, kahit kaunting minuto lang ang magtagal na makasama siya. Gusto ko siyang mayakap, gusto ko siyang halikan, gusto kong aangkinin yung puso niya, at gusto kong ibigay ang puso kong ito na tumitibok lang para sa kanya. Ayoko na siyang mawala. Kung naririnig niya lang sana ako, sana--

Hindi ko na nabasa yung katuloy dahil nakatulog na ako.

- - - - -

"... matanggap niya ako sa puso niya..."

Sa mga salitang ito nagsabog ang malakas na hiyawan ng mga kaklase ko habang nananahimik ako sa isang sulok, nakababa ang ulo at natutulog nang bigla akong bumangon. Hindi ko alam kung sino yung nagsalita pero narinig ko ang huli nitong sinabi. Tumayo ako saka lumapit kay Jency para ibigay yung diary na naligaw sa akin.

"Hindi sa akin ito."

"Kanino?" Hindi ko alam kung kanino ko ito ibibigay. Sinubukan ko ulit buksan ang nabasa ko kagabi kasabay nito ang pag-ugong ng malakas na bell ng buong eskuwelahan. Dismissal na.

"... sana, matanggap niya ako sa puso niya..." napahinto ako. Parang narinig ko na ito kanina lang sa mga kaklase ko pero di ko alam kung sino at kanino. At ang nakakapagtaka pa nito, bakit nakasulat yung pangalan ko sa huli? Kinabahan ko. May isa sa mga hinayupak kong kaklase ang pumapantasya sa akin at nagdedicate pa ng instrumental piano na may pamagat na 'Love me'. Kahit papano, may kilig ding pumitik sa dibdib ko at naintriga kung sino ito. Ang taas naman ng pagmamahal niya sa akin. Kung sino man siya, siguradong matitikman niya ang makamandag kong ganda. Si Maverick? Malabo! Puwede pa siguro yung crush ko talaga na partner ko sa Mr. and Ms. Intrams. Hindi ko talaga alam kung sino ang may-ari nito at nakalimutan ko na ring magtanong sa mga kaklaseng agad nakalabas ng classroom.

Pero bago yun, nakita ko si Maverick. Agad kong ibinigay sa kanya yung diary kahit hindi sa kanya at nag-bilin na ibigay ito sa kaklase pero nagtanong siya, "Sa akin ito ah. Paano napunta sa'yo?" nakakunot yung noo niya.

Naging tuyo yung lalamunan ko. Tinignan ko siya nang mata sa mata. Wala nang tao sa buong klase kaya nagsalita ako, "I-ikaw ang nagsulat ng entry sa likod ng notebook na yan? M-mahal mo ako, Maverick?"

Nakanunot ang noo niya nang mawala ito at nakitaan ng pagkabigla. Yumuko siya, "Kung ganoon, nabasa mo yung sinulat ko."

Katahimikan.

"Pero hindi ko babawiin yung mga nalaman mo dahil mahal mo rin ako, tama?"

Parang pinitik yung dibdib ko sa sinabi niya. "P-paano mo nasabi?"

"Sabi ng diary mo..." ibinigay niya sa akin yung diary ko. Grabe, nagkapalitan kami ng diary!

Katahimikan. Hindi namin alam kung ano ang gagawin at sasabihin. Isang upuan lang ang pumapagitan sa aming dalawa. Kinakabahan ako lalo na't tahimik at kaming dalawa lang sa buong classroom.

"Love me..." sabi niya.

Napatingin ako sa kanya. Nangungusap yung mata niyang makahulugan ang pag-tingin sa mata kong nangingilid ang luha sa tuwa. Pakiramdam ko, sumisikip yung paghinga ko gayon din ang katawan ko. Dito ko na nalamang nakayakap na pala siya ng sobrang init at higpit sa akin.

Para akong lumilipad sa alapaap, habang kasama siya...

Tuesday, August 12, 2014

Hayashi Park

Hapon. Katatapos lang ng malakas na ulan.

Mag-isa kong nilakad ang pathway hanggang makarating ako sa Hayashi Park. At dahil mainit ang singaw ng lupang nabasa ng ulan, pinili kong magpahangin rito at magsulat upang maghintay ng oras ng klase.

Ayos, nadatnan ko itong mahangin, basa ang ilang mga lamesa at upuan, at--nag-iisang lalakeng abalang-abala sa pagd-drawing habang nakasalpak sa tenga nito ang ginagamit na earphone. Napahinto ako nang bahagya at tumingin sa kanya. Muli akong naglakad nang lumingon siya sa pinaroroonan ko at naghanap ng mauupuan.

Walang ibang puwestong tuyo maliban sa isa pang lamesa't upuan na nasa likuran lang niya. Umupo ako roon at nag-umpisang magsulat. Habang nagsusulat, ninamnam ko ang malamig na hanging humahampas sa pawisan kong katawan. Napakapresko na para akong umiinom ng malamig na tubig sa gitna ng napakainit na panahon habang nakaupo sa isang lilim ng puno.

Kasabay nito ay ang pagtingin sa akin ng lalake na siya kong napansin sa tuwing lumilipas ang minuto at oras na naroon ako. Agad naman niyang ibinabaling ang pagtingin niya sa akin sa tuwing tititigan ko siya pabalik ngunit binabalewala ko na lang ito dahil abala ako sa pagsusulat.

Naulit ang lahat nang ito ng maraming beses, sa tuwing magsusulat ako sa Hayashi Park, sa tuwing nariyan siya, sa dating upuan, sa dating lugar, at hindi ko alam kung bakit. Hanggang sa isang hapon ng parehong oras, hindi ko na siya nakita maliban sa iniwan nitong limang lukot na papel sa ibabaw ng lamesa. Dalawa rito ay siyang ginamit niya sa pagpunas ngbasang lamesa't upuan at ang tatlo naman ay ang guhit-kamay nitong larawan. Nakita ko ito dahil sa naintriga ako sa kung ano man ang nilalaman noon.

Napahinto ako nang makita ko ang guhit-kamay niyang larawan sa lukot na papel. Nanatili akong nakatayo at nakiramdam. Ang puso ko, bakit tumitibok ng kakaiba? Hindi ko alam. Ang alam ko lang ay nabighani ako sa talento nitong gumuhit...

Hindi. Nagkakamali ako. Hindi lang ako basta nabighani sa talento at iginuhit niya. Nabighani na rin ako mismo... sa kanya... Parang tumigil ang ikot ng mundo ko dahil sa kanya. Bagamat hindi perpekto ang pagkakaguhit nito, ramdam ko sa pagpahid ng lapis nito sa papel ang pag-aalay niya ng buong puso sa pagguguhit. Hindi lang yan, ramdam kong parang nakahawak na ako sa kanyang mga pisngi habang nakaharap sa akin. Para na siyang nasa harapan ko habang nakatingin sa magaganda niyang mata, matangos na ilong, napakagandang pisngi, at--mapupulang labing nakangiti nang sobrang tamis na parang hindi pa nakakatikim ng matamis na halik. Idagdag pa rito ang napakalaki niyang balikat at katawan.

Ramdam kong hindi ako makakilos. Hindi ko magawang igalaw ang buo kong katawan at parang nalalaglag papunta sa kanya. Ramdam ko, para akong hinihigpitan ng kanyang mga bisig habang nakapalibot ito sa aking katawan. Napakainit, napakahigpit. Parang nararamdaman ko pa ang pagtibok ng kanyang puso hanggang sa mapapikit ako upang namnamin ang mga sandaling ito.

Ibinuklat ko ang aking mga mata saka muling pinagmasdan ang kanyang larawan sa papel. Kahanga-hanga, kahali-halina. Itinago ko na lang ito saka nagpatuloy sa pagsusulat.

Muli ko siyang nakita kinabukasan. Dating gawi, dating lagay na kami lang ang naroon. Pero ang laki ng ipinagbago ng eksena ngayon. Di tulad noong una na umiiwas siya ng tingin sa tuwing tititigan ko siya, ngayon ay diretso na siyang tumitingin sa akin, kalakip nito ay ang isang matamis at nakakalokong ngiti, gayon din ang magaganda niyang mata na tila nangungusap. Ibinabaling ko na lang ang tingin ko dahil akoyong masaktan. Oo aaminin ko, nahuhulog na ako sa kanya. Mahal ko na siya. Pero bawal dahil lalake din ako. Aapihin lang ako ng lipunan kapag nalaman ng lahat na iba ang pagkakakilala ko sa sekswalidad ko. Hahayaan ko na lang ang lahat. Mabuti nang manahimik. Hahayaan ko na lang siyang nag-iisa... hahayaan ko na lang siyang nag-iisa at masaya, kasama ang syota niya sa kanyang tabi habang gumuguhit. Ayokong masira ang maganda nilang relasyon dahil lang sa pag-extra ko sa buhay niya. Tama na ang nag-iisa na ako.

Nasasaktan ako, nagseselos. Ayoko ng ganito, ayoko ng ganito, ayoko ng ganito... Nagagalit ako sa sarili ko kung bakit ako ganito. Hindi ko makontrol ang sarili kong hindi lumuha habang nakikita ko silang naglalambingan. Pinipilit ko ang sarili kong hindi umiyak. Pinipilit ko ang sarili kong lalake pa rin ako. Yun lang.

Dahil sa sama ng loob, nailukot ko ng hindi oras ang notebook ko dahil sa sama ng loob. Nabigla ako at nataranta. Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari sa akin. Pinunit ko na ang sirang parte ng ilang papel saka nagsulat sa panibagong pahina. Sinabi ko lahat doon ang mga sama ng loob ko. Bahala na kung ano ang maaari kong masabi...

Napansin kong tumayo siya pero di ko siya tinignan. Pinakinggan ko ang bawat yapak ng kanyang sapatos na papalapit sa akin saka ko siya nakita sa aking harapan. Bigla akong kinabahan, nalito, at natuwa. Bakit siya lumapit sa akin? Ewan ko.

Tumingin ako sa kanyang mukha na may bahid ng pag-aalangan. Nakita ko ang kanyang mukha habang nakangiti sa akin. Mula naman sa kanyang likuran ay inilabas niya ang isang papel at ibinigay sa akin. Sa mga sandaling iyon, nakitaan ako ng pagkabigla na mukhang hindi niya nagustuhan.

Hawak ko ang papel na nakaguhit ang aking mukha at katabi niya habang nakaupo sa isang bench ng Hayashi Park. Nakangiti at magkatabi. Parang tunay na magkaibigan habang magkahawak-kamay kasama ang isang maliit na napakagandang pirma na siyang nagguhit para daw sa akin.

Hindi... parang isang tunay na magkaibigan... At napakaganda!

Nagustuhan ko.

Huminto siya sa paglakad papalayo sa akin nang tumayo ako habang hawak ang papel na may larawan naming dalawa. Nanatili akong nakatitig sa kanya, at hinihintay na lumingon muli sa akin. Napalunok ako ng laway saka siya pumihit nang dahan-dahan at tumingin sa akin. Bakas sa mukha niya ang pagsisisi at pagkahiya sa sarili dahil sa ginawa habang nakayuko at tinitignan ang sariling paa.

Katahimikan. Walang ibang tao sa Hayashi Park pero parang nagdilim ang buong paligid at sa amin nakatutok ang liwanag. Nginitian ko siya pagkakita niya sa akin saka siya lumapit at hinagkan ako ng sobrang higpit. Ramdam ko ang gusto niyang iparating sa akin na matagal ko nang alam sa pamamagitan ng mga yakap niya...

Mahal niya ako...

Pinalakpakan kami ng babaeng kasama niya na kaibigan niya pala, "Nice one, Jed!" sabi niya.

Nabigla ako. Kumalas ako mula sa pagkakayakap niya sa akin. May naaalala ako, siya ang kaklase ko noong second year high school na tingin nang tingin sa akin habang nasa klase!

Friday, August 1, 2014

Blue mind, first time

Isang panibagong araw na napakaganda.

Mula sa tahimik na klase, tumigil sa pagsasalita ang teacher namin nang tumunog ang malakas na bell ng buong eskuwelahan. Hindi na bago para sa amin na magsaya at maghanda ngayong dismissal. Uwian na, biyernes na!!!

04:43 p.m.
Hindi kaagad ako umuwi ng bahay dahil naiwan ako sa klase para maglinis. Nauna nang umuwi ang iba kong kaklase kaya ako na lang ang mag-isa sa buong eskuwelahan maliban sa guwardiya na nasa guard house... nang bigla akong napahinto sa pag-aayos ng upuan nang mapatingin ako sa bintana ng 4th floor classroom namin pababa sa bintana ng studio ng 1st floor sa katapat na gusali. May kaunting ingay na ang gandang pakinggan. At dahil madilim sa loob ng studio room, hindi ko makita kung sino ang nasa loob.

Inaninag ko nang mabuti, may tao. Nakatalikod siya sa bintana habang nakaupo. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa niya. Hinayaan ko na lang at nagpatuloy sa pag-aayos hanggang sa matapos. Minabuti ko na ring isara ang lahat ng bintana dahil walang pasok bukas.

05:13 p.m.
Nasa kalagitnaan na ako ng school ground area ng buong eskuwelahan nang napahinto ako at nakitang naroon pa rin ang isang lalake. Alam kong siya na lang ang tao sa buong eskuwelahan kaya naman sinabihan ko siya na umuwi na ng bahay. "Magsasara na yung eskuwehan. Kailangan mo nang umuwi," 'kako.

Huminto siya. Unti-unti siyang pumihit mula sa kanyang kinalalagyan hanggang sa tumingin siya sa akin. Sa mga sandaling iyon, kinabahan ako. Nakita ko siyang mag-isa, si Patrick. Nanatili kaming naroon, nakatingin sa mata ng isa't isa habang unti-unting umiihip ang mahina at malamig na hangin.

"Halika, samahan mo muna ako..." sabi niya, pigil ang ngiti pero napakaamo ng mukha.

05:16 p.m.
Dahan-dahan kong tinungo ang studio room kung nasaan si Patrick na nadatnan ko pang nakaupo sa harapan ng isang grand piano. Ngumiti siya sa akin nang napakatamis, tunay, at masasabi kong ngiti na galing sa puso niya.

Bakit ganoon? tanong ng isip ko. Bukod sa mga balasubas niyang kaibigan na nakapaligid sa kanya, ngayon ko lang siyang nakitang ngumiti ng ganoon. Natutuwa tuloy ako, hindi ko alam kung bakit.
Eksakto, pagkapasok ko, huminto ako nang tumugtog siya ng piano. Nabigla ako kaya pinanood ko na lang siya habang nasa malayo ako at unti-unting lumalapit sa kanya. Damang-dama ko mula sa bawat pagbaba ng kanyang mga daliri sa bawat piyesa ng piano ang dedikasyon at buong puso nito sa pagtugtog. Napakaganda, para akong lumilipad. Ramdam ko sa bawat himig nito ang kalungkutan at kapayapaan ng taong nag-iisa sa buhay niya dito sa mundong ibabaw.

Tumingin siya sa akin pagkatapos niyang tumugtog. Bakas sa mukha nito ang tuwa habang nakangiting nakatitig sa akin. "Ano, ayos ba?"

Hindi kaagad ako nakapagsalita. "A-akala ko ba, hindi ka marunong tumugtog ng piano?"

"Ha?" napataas siya ng kilay, "Hindi ko sinabing hindi ako marunong..."

Napatango ako. Pinagalitan kasi siya ng teacher namin sa music dahil hindi siya nakapagpatugtog ng piano. Marunong naman pala siya pero hindi niya lang alam kung ano ang tutugtugin. Dinepensahan ko na lang siya kanina sa klase na baguhang estudyante pa lang siya kaya hindi niya alam.

"Salamat pala kanina ha. Nahihiya ako sa'yo..."

"Ayos lang," sabi ko. "A-ang ganda ng pinatugtog mo. Nagustuhan ko, anong pamagat noon?"

"Blue mind ni Yamashita Kousuke," sagot niya. "Hindi mo ba alam, para talaga sa akin ang tinugtog ko," napatingin ako sa kanya. "Lagi akong tahimik, mag-isa, bilang ang kaibigan, at hindi gaano kasundo ng lahat--lalo na sa klase natin. Blue. Mapag-isa. Lonely blue. Blue mind. 'Yan ako."

Npayuko ako. Para kasing isa rin ako sa mga kaklase na nabanggit niya.

"Pero isa lang ang gusto kong ipagmalaki sa'yo," pareho kaming nakayuko ng mga sandaling iyon nang magsalita siya. "Ikaw pa lang ang unang taong tinugtugan ko ng ganito."

Napatingin ako sa kanya hanggang sa magtama ang aming paningin.

"Wow!"

Napatawa siya ng kaunti.
"Ang ibig kong sabihin, wow! Nagustuhan ko yung pinatugtog mo... sobra!" pagpuna ko. "Ako naman..." tumabi ako sa kanya at agad nagpatugtog ng piano. Hindi ko alam kung bakit ko ginawa yun samantalang ang hirap niyang diskartehan kung paano siya kakausapin. Siguro, kaya hindi ko siya nagagawang kausapin ay dahil sa maraming tao ang nakatingin sa amin. Oo, aaminin kong nahihiya ako sa kanya pero ng mga sandaling iyon, parang tumigil ang pag-ikot ng mundo para lang sa aming dalawa.

05:32 p.m.
Habang tumutugtog ako ng mga sandaling iyon, alam kong nakikisabay na rin siya sa pag-agos ng mga nota ng piano na tinutugtog ko. Pakiramdam ko, para na akong uni-unting umaangat sa alapaap, ngayon ay kasama at katabi siya... nakangiti at masaya. Pagod ako, pero nawala ito dahil sa pagtugtog ko. Oo, kinakabahan ako habang katabi siya pero unti-unti itong nawawala habang tumatagal... habang katabi siya, basta, iyon ang nararamdaman ko na pilit kong itinatago para sa kanya.

Bumulong ako sa isip; Maaari ko ba siyang pagkatiwalaan? Maaari ko bang ibigay sa kanya ang damdamin ng loob ko para sa kanya? Sana, sana lang...

Medyo nahihirapan na ako nang unti-unti kong nararamdaman ang pagtingin niya sa akin habang nagtutugtog sa piano. Naiilang ako sa kanya. Binalewala ko na lang ito hanggang sa matapos ang huling nota ng tinutugtog ko... humihiling na sana, sana lang, sana ay magustuhan rin niya ang tinugtog ko...

"Ano naman yung tinugtog mo?" nagtanong niya. Bakas sa maamo niyang mukha ang interes sa narinig.

"First time," sagot ko. "Matagal ko na sanang naipatugtog ito pero natatakot akong magkamali na... hindi naman talaga maiiwasan, hehehe..."

"Na-perfect mo nga eh... sa palagay ko. Nagustuhan ko yung tinugtog mo," saka siya tumingin sa akin para magbigay ng ngiti.

"Hindi rin. Pero nang dumating ang pagkakataong nagsama tayo sa iisang lugar tulad nito, nagkaroon ako ng lakas ng loob para ipakita sa iyo ang matagal ko nang gustong tugtugin."

"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya pagtingin ko sa kanya.

"Dahil ngayon ko lang tayo nagkausap nang malapitan, iniaalay ko ang tinugtog ko para sa'yo, para sa ating dalawa... na 'first time' lang nagkausap."

Napatango siya. Bakas sa mukha nito ang anino ng pagdududa.

"At sa buong buhay ko, tulad mo, ikaw pa lang ang unang nakarinig sa tinugtog ko... para sa'yo..."

Nagbanggaan muli ang aming mga paningin. Mata sa mata. At dahil hindi ko makita ang mga mata nito na nahaharangan ng maliwanag na salamin sa mata, dahan-dahan niya itong tinanggal. Nakita ko, sa wakas, ang ganda ng kanyang mga mata. Nakakahulog, nangungusap. Alam ko na ang mangyayaring salungat sa mata ng lipunan. Nabigla ako doon. At kahit salungat man sa paningin ng ibang tao sa lipunan ang pagdamping ginawa niya para sa akin, buong puso kong dinamhin iyon... at niya... naming dalawa. Matagal, mainit, matamis, at napakamapusok.

Unti-unti kong ninamnam ang kaunting lamig ng mahinang ihip ng hangin na galing sa labas ng bukas na bintana. Makikita rito ang mapayapang school ground area na nasisinagan ng mala-gintong papalubog na araw sa kanluran, kasama ng mga tunog ng mahihinang kuliglig sa paligid.

Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Ang araw at hapong iyon kasama si Patrick...