Narra

Hindi ko na nagawa pang ilagay ang mga libro ko sa bag. Yakap ko ang mga ito habang tumatakbo. At sa pagmamadali, napahinto ako nang di sinasadyang mabunggo siya sa gilid ng kalsada. Inis ako dahil kumalat ang mga libro ko sa lapag.

"Uy, sorry!" sabi niya.

Natigilan ako. Hindi ba dapat ako ang hihingi ng sorry dahil nabunggo ko siya?

"Hindi, ayos lang," sagot ko, kahit mga libro ko pa ang sumambulat sa lapag.

"Sorry talaga, heto, o..." inabot niya sa akin ang librong malapit sa kanya.

"Ayos lang. Salamat..." saka ako napahinto.

Ewan ko, pero parang umatras ang mga sasabihin ko pagkakita ko sa kanya. Nang magpantay ang paningin namin, doon siya ngumiti. Halos hindi ako makagalaw dahil parang humahaplos sa akin ang bawat tingin niya.

Parang biglang bumagal ang lahat ng mga sandaling iyon. Mararamdaman ko ang tibok ng puso ko. Maya-maya, hindi ko na namalayang nakangiti na rin ako habang nakatitig sa mga mata niya.

Mainit ang panahong iyon pero malamig ang hihip ng hangin. Sumayaw ang mga sanga at dahon ng mga puno, at dahan-dahang naglaglagan ang mga bulaklak.

"M-may bulaklak ka ng Narra sa buhok mo."

Nabigla ako. Lumapit siya sa akin saka niya tinanggal ang bulaklak ng Narra sa ulo ko.

"Ikaw rin," ibinigay ko rin sa kanya ang nahulog na bulaklak mula sa itaas ng punong naglililim sa amin.

Nagpalitan kami ng bulaklak saka gumuhit sa mga labi namin ang matatamis na ngiti.

Napayuko ako. Umiwas ako ng tingin.

Patuloy ang paglaglag ng mga bulaklak ng Narra sa paligid namin.

Comments