Friday, February 27, 2015

Dear diary

(Isang Prequel mula sa kwento ng parehong pamagat 'Dear diary')

- - - - -

Dear diary,

Hashtag of the day: #TSUxUST

We have just finished our seminar na dinaluhan namin sa isang hall sa TSU Lucinda Campus and the speakers are from UST. Then, I realize something after I noticed the same scenario way back one month ago pauwi: everything was all deja vu! All are the same situation, ang malamig na ihip na hangin na nanggagaling sa malawak na taniman ng tubo, malilim na hapon sa ilalim ng mayayabong na puno, ang mala-gintong kulay ng papalubog na araw, ang mga estudyanteng naglalakad palabas ng campus... lahat naulit!...

... pero sa iba nang katauhan...

Kay Patrick...

Ang ganda ng halakhakan ng mga kasama niya habang nananahimik siyang naglalakad. Magsasalita man ay ito yung sasagutin ang tanong ng kumakausap sa kanya. Tahimik talaga siya sa tuwing tititigan ko siya nang patago pero sabog din ang bunganga nito kapag naihalo na sa barkada. But he was different from the moment na tinitignan ko siya. Basta, kakaiba na magaan sa pakiramdam.

Patapos na ang second semester ngayong Pebrero. Kasalukuyan silang naghahanda para sa thesis defence. At ako? Wala pa akong thesis. Kaklase ko sila pero hindi ako makakasabay sa graduation nila. Nakakalugkot? Oo. Dahil hindi ko siya makakasabay sa pagkuha ng diploma sa iisang araw.

Kaya ako, habang maaga, iniiwasan ko na siya para hindi na ako mapamahal sa kanya. Ayokong mahirapan sa tuwing nakikita ko siya. Ang magaganda niyang mga matang napakatapang tignan, ang labi nitong ilang ulit nang nilaspag ng kanyang syota, at ang malaki nitong katawan na siyang kahinaan ko.

Umiwas ako ng daan. Nagpahuli ako, sinadya ko. Ayoko kasi siyang makasabay sa sasakyan palabas ng Lucinda Campus ng TSU. Sa taranta, nakita ko yung dalawang babae na kaklase saka humawak sa braso nito. Ayos lang naman na gawin ko sa kanya iyon dahil magkaibigan naman kami. Sa totoo nga, sila ang una kong hinanap kasi gusto kong sumabay sa kanila at hindi naman ako nabigo. Sabay kaming lumabas ng gate hanggang makasakay sa terminal. Sakto, wala na ang sinasakyan nila Patrick.

Gumulo ang linya ng bayaran sa jeepney. Mabilis akong nahiwalay sa dalawa kong kasama hanggang sa mauna na ako sa sakayan. Sumigaw pa yung gago na barker: "Lima pa ang kulang!"

At ako namang si tanga, pumunta agad ako roon. Akala ko kasi, nandoon na yung dalawa kong kaklase. Nalaman ko kasing wala sila doon nang makita ko silang sumakay sa kabilang jeepney. Pababa na sana ako pero hindi ko na napigilan kasi may sasakay din ng jeepney sa likuran ko. So, sumakay ako.

Napuno yung jeepney. Naroon yung iba ko pang kaklase. Grupo sila, at sila ang iniiwasan ko.

Pag-upo sa may dulo sa likuran ng driver's seat, nakarinig ako ng pamilyar na boses. Paglingon ko, nandoon si Patrick. Bigla siyang nanahimik pagkakita sa akin. Ito ang unang pagkakataong makakasabayan ko siya sa jeepney.

Napahinto ako.

Hindi makagalaw.

Ramdam kong parang nanahimik ang buong paligid pagkakita sa kanya... na nahuli ko pang nakatingin sa akin ng napakalagkit. Nag-init tuloy ako na parang namula. Nakita ko kasi sa salamin ang sarili, sa likod mismo ni Patrick na kaharap ko lang. Magkaharap kaming dalawa sa dulo. Magkaharap, magkaharap na magkaharap. Ang malaman niyang mga tingin sa akin ay daan-daan na ang ibig sabihin sa akin. Hindi ko madetalye dahil na-conscious ako sa sarili kung guwapo ba ang itsura ko habang nakatingin siya sa akin. Sigurado, malaking OO yan na sinagot ng ngiti niyang patagong ipinakita niya para sa akin.

Ngumiti ako sa kanya pabalik... nang pahapyaw... habang pinipigilan ang sumasabog kong kilig.

Mas lumalabas ang totoong siya kapag kaharap na siya kaysa sa loob ng klase na likod lang ang tanaw ko sa kanya. Paano naman kasi, nakaupo ako sa likuran ng klase habang nasa gitna siya.

Punyeta ka! sabi ko sa sarili. Huwag kang lukaret. Lalake ka! Lalake ka!!! LALAKE KA!!!

Hindi ko alam kung sinasadya ang pagkikita namin ng mga sandaling iyon. Destiny? Wala akong pakialam. Sigurado akong iyon na ang una't huli. Pero habang bumibyahe, panay ang pagnakaw ko ng tingin sa kanya. Tangina, kung guwapo ba naman ang kaharap mo, hindi ka makakapagpigil tulad ko. Shit lang... ang hirap pigilin eh.

Wala na. In-love na ako sa kanya... sa pangarap at panaginip lang.

Tama na, diary. Huwag mo nang ipagkakalat ang sinabi ko ha. pagod na akong magsulat.

-out

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^