Tuesday, February 17, 2015

Narra 2

(Isang Prequel mula sa kwentong 'Narra')

- - - - -

Basta na lang akong nagising, isang araw ng umaga, sa isang kakaibang amoy na humahalimuyak na pumapasok sa loob ng kuwarto ko sa nakabukas na bintana. Isang bango na naamoy ko noon, isang taon na ang nakalipas sa harapan ng eskuwelahan mula ngayon.

Tumayo ako sa kama. At--nakita sa bintana mula sa malayo, ang full bloom na Narra sa may mataas na burol bago ang kakahuyan. Halos hindi na makita yung mga dahon nito habang unti-unting iniihipan ng kalmadong hangin. Ang mas lalo pang nagpatingkad ng kulay nito ay ang makapal na hamog na nagbabalot sa paligid nito habang makulimlim.

Lumabas ako ng bahay na nakasuot ng jacket at pajama. Suot ang manipis na tsinelas, nilakad ko ang madamong daan habang kulay puti na ang ibinubuga ng hininga ko. Ramdam ko ng mga sandaling iyon ay para na akong naglalakad sa ulap sa kapal ng hamog. Kitang-kita ko ang bawat foot print ko sa damo na para bang nasa lugar ako na may naipong nyebe. Nakakatuwang tinitignan.

Pagdating sa itaas ng burol, unti-unting naaninag ng mata ko ang puno ng Narra sa kabila ng nagkakapalang hamog sa paligid. Sa kaunting pagihip ng mahinang hangin, dahan-dahang bumababa mula sa itaas nito ang dilaw nitong bulalaklak. Ang ganda sa pakiramdam ko ang amuyin ang bango nito hanggang sa maramdaman ko na lang ang isang bulaklak nito na dumapo sa mahaba at makintab kong buhok.

Gamit ang malamig kong kamay, kinuha ko ito saka pinagmasdan sa aking palad. Nakabuka ang maliit nitong bulaklak na siyang nagbibigay bango at nagpapaalala sa akin ng isang bagay na nangyari makalipas ang isang taon.

Muling umihip ang malamig na hangin sa paligid. Binalot ng lamig ang katawan ko nang muling malaglag sa buhok ko ang isa pang bulaklak. Kukunin ko na sana ito nang may isang kamay ang umeksena at kinuha nito ang bulaklak sa buhok ko.

"M-may narra sa buhok mo," sabi niya.

Bahagya akong kinabahan pero nawala rin ito nang makita ang isang lalake na siya ring nagtanggal sa akin ng narra sa buhok ko isang taon na ang nakalipas.

"S-salamat" ngumiti ako sa kanya.

Sa tagal ng hindi namin pagkikita, noon ko lang nalapitan ang napakaganda niyang mukha na napakaamo. Para akong na--

"A-akala ko, nananaginip lang ako na hindi na kita makikita pang muli."

"Ako rin."

May nilabas siyang isang maliit na notebook. Luma na yung itsura saka nito binuksan. Pagbukas, nakita ko ang isang tuyong bulaklak ng narra.

"Naaalala mo ba ito? Itinago ko yung ibinigay mo sa akin."

Natawa ako. Mula sa dibdib ko, hinila ko ang tali ng kwintas ko na maliit na bote. Dito ko ipinakita sa kanya ang tuyong bulaklak ng narra.

"Ako rin naman eh."

Nagtawanan kaming dalawa habang magkatabi sa ilalim ng puno ng narra. Hinayaan naming dalawa na magpaulan sa mga nalalagas na bulaklak na nagmistulang nyebeng unti-unting bumababa mula sa itaas. Nang minuto ang lumipas, unti-unti na ring nawala ang makapal na hamog sa paligid at sa ami'y tumama ang isang sinag ng magandang araw.

Pinagmasdan namin itong magkasama, magkatabi, habang nauulanan kami ng bulaklak ng narra.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^