Wednesday, February 4, 2015

The Jukebox's Hits

Magkikita na ulit kami ni Emmanuel ngayon. Tumawag siya sa akin nang sabihin niyang malungkot siya at kailangan niya ng presensya't pakikiramay ko.

Sa ngayon, nakaramdam ako ng kasiyahan at pananabik dahil paniguradong nag-away na naman siya ng kinakasama niya. Sigurado akong may pag-asa na naman ako para sa pagmamahal niya. Pagkakataon ko na ito para ako naman ang kumalinga at magbigay ng pagmamahal sa kanya para magbalik siya sa akin.

Kinakabahan ako, nasaan na kaya siya ng mga sandaling ito? At nang hindi na ako makatiis, naisip ko nang makipagkita sa kanya. Pero nang makarating ako sa lugar ng aming pagkikita, nakita kong dumating ang kinakasama niya saka sila nagyakapan.

Nasaktan ako ng mga sandaling iyon dahil umaasa akong magkakabalikan pa rin kami pero hindi na ako nagpatuloy pa sa kanya. Tama lang din naman na magkabalikan din sila dahil nagmamahalan sila... at ako'y isang hamak na kabit lang.

Dali-dali akong sumakay ng jeepney, luhaan, at sobrang nasasaktan sa nangyari.

"Bayad ko po, kuya," sabi ko sa isang pasahero.

Di ako nagpigil, humagulgol ako ng iyak... pero hindi ako nagpahalata sa mga pasaherong mukhang tinitignan ako. Wala na akong pakialam kung pinagtitinginan na ako pero--

"Miss, sukli mo."

Nabigla ako, dali-daling nagpunas ng mga luha, nag-ayos ng sarili, saka inabot ang sukling inaabot sa akin ng--

"Umiiyak ka?"

"H-hindi, pasensya ka na kung--" natigilan ako, kasabay nito ay ang pagtunog ng radyo ng jeepney na nakikinig sa 90.7 LOVE Radio.

It's a Sunday of a morning flashback of the hits you've sing along with. Listen and will live the memories, Love Radio, the Jukebox's Hits!

Tumugtog yung kanta ni Cristy Mendoza na "Kung liligaya ka" Ewan ko kung sinasadya ito, kung kailan pa dumating sa maling oras, sa maling lugar. Napaiyak na lang ako sa mga nilalaman ng kanta na pumapatama sa akin. Masaya na ako kung liligaya siya sa piling ng iba.

"Miss..." sabi ng isang lalake na nagbigay sa akin ng tissue sa tabi ko.

Tinanggap ko naman dahil ayaw ko itong mapahiya. Aksidente kong nahipo ang malalambot nitong kamay na sobrang lamig kaya medyo naiilang din ako nang patahanin niya ako samantalang hindi ko naman siya kaanu-ano. At ng mga sandaling iyon din ay parang tumigil ang ikot ng mundo ko pagkakita sa lalake.

Ngumiti ito nang tumingin ako sa kanya--mata sa mata--at ang ngiti nito na nakakahulog ng damdamin ay siyang nagbigay-pag-asa sa akin na muling magpausbong ng pag-ibig sa lalakeng ito.

Muling umeksena ang radyo pagkatapos ng kanta ni Cristy Mendoza. Sumunod kasi rito ang kanta ni Leslie Montes na "Hindi ko akalain." Mahaba pa ang binyahe ng jeepney nang bumaba ito nang hindi man lang nagpakilala. At pagkababa nito sa isang kilalang parke, sumalubong sa kanya ang isang magandang babae na yumakap sa kanya saka nagbigay ng isang matamis na halik sa isa't isa.

At sa mga sandali ding iyon, tumugtog ang kanta ni Imelda Papin na "Bawal". May mahal na siyang iba pero mahal ko siya. Ipaglalaban ko ba iyon? Wala akong karapatan dahil may sabit na siya. Natawa na lang ako nang patago: Bawal na ba akong magmahal muli?

Sumunod na tumugtog ang kanta ni Vernie Gonzales na "Guhit ng palad". Malamang, ito na ang kantang nararapat para sa akin na sawing-sawi sa pag-ibig.

Round Table Challenge

Postmodern Jukebox, February 2015

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Visit Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^