Tuesday, March 17, 2015

High blood

"High blood po ako," sabi ng isang trabahador pagpasok niya sa clinic.

Agad ko siyang kinuhanan ng blood pressure pero wala akong ma-detect. Malagkit lang ang tingin niya sa akin habang pigil ang hininga nito.

Ipinagpahinga ko siya nang sandali at muling kinuhanan ng blood pressure.

Wala pa rin.

Weird. Sa buong buhay ko, siya ang unang kaso na hindi ko makuhanan ng blood pressure.

Nakatingin lang siya sa akin. Malagkit. Hindi ako makakilos ng maayos lalo na't kaming dalawa lang sa buong kuwarto ang magkasama. Nagpatuloy muli ako sa pagkuha ng blood pressure niya pero wala talaga.

"Brad, usapang lalake lang. Kung bading ka at may gusto ka sa akin, pwes, maawa ka dahil may asawa't anak ako."

Wala siyang reaksyon. Makahulugan pa rin yung tingin niya. Parang walang pakiramdam.

"Isa pa, mukhang maayos na ang lagay mo. Magpahinga ka na lang muna bago magtrabaho."

Nagkataong bumukas ang pinto at pumasok si Carl. Lumabas naman si Paolo, ang kinukuhanan ko ng blood pressure, na hindi man lang nagpaalam.

"Good morning!" bati niya. "Ang aga mo yatang dumating."

"Syempre, sayang yung oras eh."

"Oo nga pala, alam mo na yung balita?" ibinaba ni Carl ang bitbit nitong bag at umupo sa harapan ng lamesa ko.

"Ano yun?" napakunot ako ng noo.

"Kung bakit hindi na pumapasok si Kupal?"

Nagtaka ako. Nalito ako. Kinabahan ako. "Bakit?"

"Isang linggo na siyang patay dahil sa high blood. Bukas na yung libing. Kupal talaga siya!"

Natahimik ako. Natulala, hanggang sa mapuna ako ni Carl. "Bakit? Napa'no ka?"

Hindi ako sumagot. Nakaramdam ako ng kaba at takot. Malamig ng mga sandaling iyon sa buong clinic na siyang dumagdag pa sa pagtaas ng balahibo ko. Nangingilabot ako sa nangyayaring hindi ko maintindihan.

"Nagpacheck-up ng blood pressure si Kupal na Paolo sa akin kanina lang."

Natahimik kaming dalawa ni Carl.

2 comments:

  1. Nyora, nangyari 'yan sa totoong buhay, dito sa IWS San Miguel! hehe, nakakatakot

    ReplyDelete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^