Saturday, April 11, 2015

Ikasampung pangako

Hapon.

"Nandito na ako!" masigla kong isinigaw sa buong bahay. Ang inaasahan ko sa lagay kong iyon, habang hawak ang tatlong libro at suot ang backpack ay babati sila mama, ate, o si kuya na 'Nandito ka na' pero nadatnan ko silang tahimik.

Walang ingay.

Nabigla ako. "Anong nangyari?" tanong ko.

Tumingin sa akin si mama, "Kuya, wala na si Ishi," basagan ang boses niya habang binabanggit ang mga salitang ito na siyang kusang nagpalaglag ng mga libro ko sa aking paanan, saka siya napahagulgol ng iyak.

Natulala ako, at hindi makapagsalita. Matagal bago magproseso sa utak ko ang sinabi sa akin ni mama. Uhaw na uhaw ako ng mga oras na iyon dahil sa pagod pero nawala ang ito dahil sa balitang narinig.

"A-ano?" tanong ko kay mama saka tinignan si kuya na nakatingin sa akin. "K-kuya? Anong nangyari? Yung totoo..."

Nakatingin sa akin si kuya pero agad itong yumuko. Kitang-kita ko siya sa isang sulok kung saan sunod-sunod na bumagsak ang mga luha niya. Patuloy siyang humihikbi.

Nagtungo ako sa likuran para silipin si Ishi pero napahinto ako nang makita ko ang kawawang asong wala nang buhay na payapang nakahiga sa maganda niyang higaan. Ang asong itinuring na kapatid at kapamilya. Ang asong nakasama sa loob ng sampung taon habang pinagsasaluhan ang hirap at ginhawa. At ang asong siyang nagbigay sa amin ng kakaibang saya at kulay sa buhay namin. Naroon sa paborito nitong higaan na wala nang buhay.

Napaupo ako sa kinatatayuan ko. Tinitignan ang katawan ng asong wala nang buhay. Ang asong minahal ko at itinuring na tunay na kaibigan sa kabila ng pagtanggi sa akin ng buong mundo. Ang asong kahit hindi ako kinakausap ay ramdam ko ang pakikiramay niya sa tuwing mag-isa akong nalulungkot. Ang asong naging kalaro ko sa tuwing inaaway ako ng ibang kalaro. Dali-daling dumaloy ang mga luha ko na umagos sa aking pisngi. Ang luhang noo'y kanyang nakikita pa sa akin pero hindi na ngayon. Wala na. Wala na akong aso, nawala na ang itinuring naming miyembro ng aming pamilya, wala na akong kalaro, at nawalan na ako ng isang kapatid.

Walang salita kong hinaplos ang katawan niya, ang ulo, at ang mukha nito. Ang katawan niyang ramdam ko noon ang pagtibok ng puso ay hindi ko na muling mararamdaman pang tumibok ngayon. Ang bunganga niyang maingay na sasalubong sa akin tuwing umuuwi ng bahay galing sa eskuwelahan, at ang mga magaganda niyang mata na hindi ko na makikita pa kahit kailan. Wala na. Wala.

Iginala ko ang aking paningin sa kanyang kabuuan. Dito na ako napahagulgol nang mahina habang hinahaplos ang makinis nitong balahibo. Masakit sa loob ko ang nangyari pero kailangan ko nang tanggapin kahit na hindi ako nakapaghanda sa isang kapalarang tulad nito na mawala siya sa buhay namin, sa buhay ko.

"I-ishi... b-bakit mo'ko iniwan?" niyakap ko ang katawan niyang wala nang buhay. "L-lagi naman ako sa tabi mo, ah."

Alam kong may magandang dahilan.

"M-may pakiramdam din ako kung hindi mo nalalaman," lumapit na sa akin sila mama, ate at kuya. "Ikaw na nga lang ang meron sa akin, nawala ka pa..."

"Kuya, tama na. Huwag ka nang umiyak," pakiusap ni kuya sa akin pero hindi ko kayang magpigil.

Bahagya akong humiwalay sa pagkakayakap kay Ishi saka nagpunas ng mga luha. Ipinakalma ko ang sarili habang hawak ni mama ang likuran ko.

"Tama nga naman ang sinabi nila. Sampung taon lang ang tagal ng buhay ninyong mga aso," napangiti ako nang hilaw. "Pero hayaan mong sabihin ko sa iyo na tutuparin ko ang lahat ng ipinangako ko sa iyo. Lagi kong sasariwain ang mga masasaya nating pagsasama, at ang pagmamahal ko sa iyo."

Yumuko ako noon. Niyakap ni mama at nanahimik. Huminto sa pag-iyak habang umiihip ang malamig na hanging humahampas sa pawisan kong katawan.

- - - - -

Inilibing namin si Ishi sa bakuran, sa ilalim ng puno ng Narra kung saan matingkad ang kulay nitong dilaw. At habang gumagawa ng malaking hukay para sa kanya, hindi tumigil ang pagluha ko sa pagkawala niya.

At nang matapos ang hukay, nilatagan ko ng tuyong dahon ng Narra ang paglilibingan nito saka siya inilagay sa hukay. Bigla ko tuloy napagtanto na napakasakit palang gumawa ng libingan para sa mahal mo. Oo, ordinaryong aso lang si Ishi sa paningin ng ibang tao pero kapatid at kapamilya ang turing ko sa kanya. Nakagawa siya ng isang masayang alaala sa piling namin na kahit kailan ay hinding-hindi ko malilimutan hanggang sa huling hininga ng buhay ko.

Muli naming tinignan ang itsura niya sa hukay. Tinandaan ko ang bawat anggulo ng kanyang puwesto; kung saan nakaturo ang kanyang nguso at kung ano ang posisyon ng kanyang katawan. Sa ginawa ko, sinadya ko siyang iharap sa buong bahay namin para kahit na naroon na siya sa hukay, pakiramdam ko, nakaharap siya sa aming lahat at pinapanood kami.

Ibinigay ko sa kanya ang ninakaw niyang bola noong high school ako. Ibinigay ko ang bola ng tennis na siyang nagpanalo sa akin kahapon sa tournament at ginawa niyang laruan noong unang dating niya sa bahay. Itinabi ko ito, malapit sa kanyang kamay, na parang hawak na niya.

Umalis na sila mama at ate maliban kay kuya na nanonood sa akin nang unti-unti kong tinabunan muli ng tuyong dahon ng Narra ang ibabaw na siyang poprotekta sa pagtabunan ko ng lupa. At bago ko takpan ang kanyang mukha, muli ko siyang kinausap.

"Ishi, pasensya na kung naging malupit ako sa iyo noon. Sana, sa huli kong paninilbihan sa iyo ay mapatawad mo ako at maraming salamat sa lahat," umupo ako saka binitawan ang pala sa tabi. "Natupad ko na ang pangako ko sa iyo. Alam mo ba kung ano iyon?"

Katahimikan. Sa muling pag-ihip ng malamig na hangin ay naramdaman ko ang isang patak ng ambon... na sinundan pa ng isa... at ng isa pa.

Bumulong ako, "Ang ikasampung pangako: Huwag nating kalimutan ang masasaya nating pagsasama. At kapag dumating na ang panahon na lilisan ako sa buhay mo, sana... nandito ka lang sa tabi ko. Samahan mo ako sa aking pagpanaw sa mundong ito, hanggang ang hininga ko'y tuluyan nang mawala at hindi ka na masilayan pa."

Doon ko na tinakpan ng tuyong dahon ng Narra ang mukha niya hanggang sa hindi ko na siya nakita. Tinulungan ako ni kuya na tabunan siya ng lupa habang pareho kaming umiiyak hanggang sa matapos kami. Sa huling lupa na ipinaibabaw namin sa kanya, doon na bumuhos ang malakas na ulan. Nanatili kaming nakatayo doon habang dinadama ang lamig ng tubig ulan na humahampas sa aming katawan. Pati ba naman ang langit, nakikiramay. Pero ayos na iyan dahil ang alam ko sa lagay na ito, nasa mabuti na siyang kamay ng Panginoon. Nabuhay muli, nakakatakbo, nakakapaglaro, at masayang kumakahol habang sinasabayan ang paglipad ng mga Anghel sa kanyang paligid.

Inakbayan ako ni kuya saka ako napangiti. Muling sinabi ang masakit na salitang hindi ko kayang sabihin: "Paalam, Ishi..."

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^