Thursday, June 11, 2015

Nalilito Chapter 02

WALANG INGAY ANG NAMAGITAN SA AMIN NI RODEL. Pareho kaming magkaharap pero hirap akong gumawa ng paksa para kami'y magkausap. Ninanakawan ko siya ng tingin na siya ko ring nahuhuli sa kanya. Idinadaan na lang namin ito sa pag-inom ng alak.

Katahimikan.

Muling nagbanggaan ang aming paningin pero hindi siya umiwas ng tingin tulad ng ginawa ko.

"May syota ka na?" tanong niya sa akin.

Nangapa ako ng sagot, "W-wala pa... kahit kailan," sabay tikim sa alak saka siya tumango.

Tumingin lang ako sa kanya... na siya naman nitong sinalubong ng tingin.

"Kung magiging babae lang ako, liligawan kita," saka siya tumawa.

Natawa ako, "Tama ba ang narinig ko?"

"Oo."

"Bakit?"

"Sa ganda mong lalake, wala kang naging syota?" uminom siya ng alak saka natawa. "Imposible."

Balik sa katahimikan. Noon ko lang napansin ang ingay ng mga kulisap at kuliglig sa paligid.

"E ikaw?" ibinalik ko sa kanya ang tanong.

"Isang linggo na kaming wala. Iniwan niya ako para sa isang sundalo," napangiti siya ng hilaw. "Iyon ang pangarap niya sa akin pero hindi ko sinunod. Gusto niya kaming ikasal pero hindi naman daw ako sundalo. Palibhasa kasi, sundalo ang tatay niya."

Ngumiti lang siya ng may bahid ng sentimental. Uminom siya ng alak saka yumuko ng bahagya.

Lumipas pa ang ilang minutong hindi kami nagtatagal sa iisang paksa. Mabuti na lang at marunong makisama sa amin ang alak, at hindi kaagad ito nauubos upang ipangpawi sa nanunuyo kong lalamunan. Unti-unti na ring nawawala ang pagkailang ko kaya lagay-loob na ako sa kanya kahit kanina lang kami nagkakilala.

"Kung babae lang din ako, liligawan kita!"

Napahinto siya sa muling pag-inom ng alak saka napatingin sa akin. Napakunot siya ng noo, lagot! Nabigla ako sa nasabi ko dahil kahit pabiro kong sinabi iyon sa kanya ay may halo itong katotohanan. Oo, gusto ko siya at ayokong malaman niya ang bagay na iyon dahil lang sa iniwan siya ng kanyang minamahal at kailangan niya ng aking kalinga upang punan ang nawalang pag-ibig. At ayokong magkaroon ng lugar sa kanyang puso, kung kailan sariwa pa ang sakit ng kanyang buhay pag-ibig. Ang tingin ko tuloy sa sarili ay oportunista dahil umaasa nga akong mapasakanya kahit hindi naman talaga iyon mangyayari sa tunay na buhay.

"Ay, hindi! Ang ibig kong sabihin ay--"

"Carl..." sabi niya habang nakayuko. Sandali akong natigil saka siya tumingin sa akin. "May gusto akong ipakita sa iyo. Gusto mo bang sumama sa akin?" tanong niya. Kita ko sa kanyang mga mata ang pag-anyayang hindi ko kayang tanggihan.

Napatingin ako sa suot kong relo, malapit na palang mag-alas kuwatro ng umaga na noon ko na lang namalayan.

Tumango ako bilang tugon. Binalewala ang nasabi ko na narinig niya at agad na sumakay sa kotse ni Rodel saka umalis.


(itutuloy...)

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^