Thursday, June 18, 2015

Nalilito Chapter 06

"S-SANDALI!" pagpipigil ko sa gagawing pagpasok ni Rodel sa akin.

Pareho kaming natigil. Napabangon kaming dalawa ng di oras saka ako nagbihis na hindi nagsasalita.

"Bakit? Tayong dalawa lang ang nandito..."

"Mali ito, Rodel. Mali!"

Nagpantalon si Rodel. "Bakit?..."

"Mahal kita Rodel, pero bawal itong ginagawa natin. Isa pa, natatakot ako. Pasensya na kung nagawa ko 'to sa'yo. N-nalilito ako..."

Nakitaan siya ng matinding pagkabigla. Walang anu-ano'y agad akong nagsagwan, kahit hindi pa ganoon natuto, at gusto nang bumalik ulit sa lupa. Pinipigilan ako ni Rodel ngunit hindi ko na siya pinapansin pa. Paulit-ulit niyang binibigkas sa harapan ko ang 'Mahal kita' at dahil nagpanic na ako ay dali-dali akong nalaglag sa tubig at lumangoy pabalik sa lupa.

"Carl. Saan ka pupunta?"

"Lalayo sa'yo."

Pagdating sa tabing lawa ay agad akong tumakbo sa kung saan. Nakayapak, kinakabahan, nawawala, at nalilito. Sa sobrang lawak ng lupaing nasasakupan ng mansyon nila Rodel ay hindi ko magawang matunton ang daanang pabalik sa kabila ng mga punong may makukulay na bulaklak. Ang daanang pabalik para muling masilayan ang tunay kong mundo bilang lalake. Ang lalake na tulad kong may tapang na itama ang nagawang pagkakamali ngunit may pagkalito sa sekswalidad na nararamdaman. At ang lalake na tulad ko na tumatakas sa baluktot at tinatahak ang tamang landas, ngunit nasasaktan ang talampakan ng aking damdamin ng mga matatalim na kahoy at bato ng realidad na ako'y may kahinaan at may alinlangan sa nakakatulirong damdamin. Isang damdamin na bawal at mali sa paningin ng ibang tao at lalo na sa aking sarili.

Patuloy akong tumatakbo sa kakahuyan. Wala akong ibang makita kundi walang hanggang mga luntian at nagtataasang puno't mga baging, at talahib sa buong paligid. Sa mga sandali ring iyon ko narinig ang sigaw ni Rodel na hinahanap ako.

"CAAARL!!!" sigaw niya mula sa malayo.

Kinabahan ako. Patuloy ito sa pagtatawag ng pangalan ko na parang papalapit na nang papalapit sa akin. Gusto ko nang lumayo, lalo na kay Rodel. Hindi ko kayang humarap sa kanya sa kabila ng pagkakaibigan nila ni kuya. Nahihiya ako sa eksenang may muntik mangyari sa aming dalawa ni Rodel sa bangka. Nakakahiya!

Patuloy akong tumatakbo hanggang sa ako'y mapatid sa mga damong may baging at nadapa sa lupa. Kasunod noon ay ang sunod-sunod na yapak sa damo ang maririnig na tila papalapit na sa akin mula sa malayo... Isang bagay na siyang nagpatibok ng puso ko sa sobrang kaba sa dibdib.

At ang isang bagay pa ang siyang nagbigay sa akin ng problema ay hindi ko na talaga mahanap ang daanang pabalik. Tuluyan na nga akong nawala.

Nakaramdam ako ng takot, nadagdagan ang kaba ko sa dibdib.

Agad akong tumakbo nang mabilis. Nagpakalayo-layo...


(itutuloy...)

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^