Saturday, June 20, 2015

Nalilito Chapter 07

"CAAARL!!!"

Muli akong nasubsob sa pagtakbo nang mahuli ako ni Rodel sa isang higlap lang. Hindi ko alam kung saan siya dumaan, kung paano niya ako nahabol, at bakit parang ang bilis niyang tumakbo nang hindi ko namamalayan. Bigla niya akong niyakap na siyang dahilan ko ng pagkakatumba sa lupa, saka kami nagpagulong-gulong sa damuhan. Mahigpit ang pagkakayakap niya sa akin na parang ayaw niya akong mawala.

Huminto kami sa pag-ikot nang magkatapat ang aming mga mukha: nasa ibabaw niya ako na nakadapa, habang siya naman ay nakahiga habang nakapaibabaw ako. Parang sinasadya. Nagpantay ang paningin namin sa pagkakataong iyon, matagal, bago pa siya humiwalay sa akin.

Hingal na hingal akong umupo sa damuhan habang tumayo siya mula sa pagkakabagsak. Sandali kaming napahinga saka siya nagsalita.

"Carl... please..."

Umayos ako ng upo sa damuhan. Basang-basa ang buong katawan na dinagdagan pa ng pagpapawis ko.

"Carl, sabihin mo nga sa akin. Anong problema?" hingal na hingal niyang itinanong.

Hindi ako nagsalita.

"Yung sa bangka? Ginusto mo iyon. Ginusto ko. Ginusto nating dalawa. Natatakot ka ba dahil doon, Carl?!"

Pinagtaasan na niya ako ng boses. Wala akong maisagot.

Napapikit si Rodel kasabay ng pagtakip ng kanyang mukha gamit ang kamay saka nagpalakad-lakad. Nagulat na lang ako sa pagsigaw niya ng sobrang lakas, sobrang lakas na siyang dahilan ng paglipad ng mga ibon sa nagtataasang puno sa paligid. Mas lalo pa akong nasindak nang bigla niyang pinagsisipa ang isang malaking puno na malapit sa kanya.

"Carl, alam mo, ano..."

Napatingin ako sa kanya.

"A-ano kasi... kaya ko ginawa iyon dahil gusto kita. At hindi lang basta gusto iyon. Hindi ko alam kung bakit."

Dahan-dahan akong tumayo at tinignan siyang nakayuko. Kita ko sa kanyang kilos ang pagkalito tulad ng nararamdaman ko para sa kanya--litong-lito.

"Kung ano man ang narinig mo sa bangka kanina mula sa akin, totoo ang lahat ng iyon, Alam kong umaasa ka sa akin, at ganoon din ako sa iyo. Pareho tayo! Pero--"

"Tama na..." pagpipigil ko. "Huwag mo nang ituloy. Ayokong marinig mula sa iyo--"

"--na mahal kita... Carl." dugtong niya at ipinarinig na niya sa akin. "Masama ba iyon?"

Katahimikan.

"Kung nasa iisang isla lang tayong dalawa na walang ibang tao ang makakakita sa atin, mamahalin kita na walang ibang tao ang manghuhusga sa atin. At walang ibang tao ang magbabawal sa akin na mahalin ka."

Hindi ako umimik.

"Ano naman sa ngayon kung magmahal ako ng isang tulad mong lalake na higit pa sa pagkakaibigan? Iyon ang gusto ng puso ko kaya wala akong magagawa kundi sundin ito. Pero ikaw, Carl," tumingin siya sa akin. "Kung gusto mong maging malaya sa ano mang pangamba na siyang gumagambala at humaharang para hindi mo ako mahalin, pwes, sundin mo ang puso mo na mahalin mo ako, at magiging malaya ka sa pangamba ng dibdib mo."

Mata sa mata kaming nagtitigan.

"Ihatid mo na ako pauwi..." bulong ko.

"Carl--"

"Kung ano man ang namamagitan sa ating dalawa ngayon," tinignan ko siyang muli nang diretso, "Ihinto na natin."

Nakitaan siya ng pagkabigla sa narinig.

"Hindi ko ito gusto, at hindi ko ito gusto para sa iyo. Huwag nating hayaang sirain ng ating damdamin ang pagkatao ng isa't isa. Isa itong kalapastanganang pagkakataon sa paningin ng ibang tao. Bigyan mo ng awa at galang ang sarili mo para sa akin. At huwag mo nang hayaan pang muling mamayani ito sa puso mo."

Hindi siya makapagsalita.

"Mahal mo ako, mahal kita. Hanggang doon na lang iyon bilang magkaibigan..." pagtatapos ko.

Katahimikan. Ingay lang ng mga ibon at kulisap sa paligid ang maririnig.

Nahalata ko kay Rodel ang pagsara ng kanyang kamao, hindi ko alam kung dahil ito sa sama ng loob o galit. Meron pa, nakita ko ring sabay na nagluha ang kanyang mga mata.

Dali-dali siyang lumapit sa akin. Hinawakan niya ang leeg ko ng sobrang higpit saka niya ipinakita ang saradong kamao na ibubugbog sa akin. Dito na ako natakot nang matindi dahil napakatalas ng tingin siya. Hindi ko akalain na sa maamo niyang itsura ay magagawa niyang magpakita ng matinding galit na noon ko lang nakita sa kanya.

Napapikit ako. Ihinanda sa pagdapo ng malaki at nanggigigil na kamao ni Rodel hanggang sa pakawalan na nga niya ito ngunit ibinugbog niya ito sa isang katawan ng puno.

"S-sinira mo ang pinlano kong pangarap para sa iyo. Bakit mo 'to ginawa sa akin? Bakit mo sinira?! Ipinaglaban ko naman ang damdamin mo para sa akin, ah?! Bakit hindi ninyo ako kayang mahalin!!!"

Ninyo? Hindi lang ba ako ang una niyang ginanito? Wala rin ba siyang napala sa ibang tao na dumating sa buhay niya maliban sa akin?

Umiiyak siya, halata sa basagan niyang boses, habang nakapinta sa mukha ko ang pagkabigla. Totoo ngang mahal ako ni Rodel. Bakit ko nga naman nagawa sa kanya ang bagay na iyon? Oo, mahal ko naman talaga si Rodel pero hindi ako handa.

Napakatanga ko talaga. Kahit kailan!

May kasalanan ako na kailangan kong pagbayaran: ang damdamin ni Rodel para sa akin. Kailangan kong humingi ng tawad sa kanya at bawiin ulit ang lahat ng mga salitang bumasag ng mga pangarap niya.

Kakausapin ko na sana siya nang bigla siyang nagsalita na siyang nagpaguho lalo ng mundo ko.

"K-kung 'yan ang gusto mo, sige. Pagbibigyan kita..." tumalikod siya saka naglakad papalayo sa akin.

Natulala ako. Hindi ko alam kung iiyak ako o hindi. Paano ko pa babawiin ang oras?

Nasa malayo na siya nang muli niya akong tinawag.

"Iuuwi na kita sa inyo!"

Wala na akong nagawa.


(wakas...)

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^