Friday, July 3, 2015

Adobo

A guest post by Princesa.

- - - - -

"Lumolobo na talaga ang populasyon! Mantakin mo, labindalawa na ang anak natin, buntis ka pa ulit! Saan pa tayo makahahanap ng ipakakain sa mga anak natin?" sunod-sunod na tanong ni Mang Ambo sa asawa niyang nakapangalumbaba sa tapat ng bintana.

"Sandali," wika ng babae. "Diyan lamang muna kayo, at susubukan kong kumuha ng labada kay Nanay Marta."

Tahimik na nakaupo ang kanilang mga anak habang titig na titig sa papalayong likuran ng kanilang ina. Matapos noo'y malaya nilang ibinaling ang tingin sa kanilang ama. Tingin na animo'y nangungusap. Naghahangad na makatikim man lang kahit isang piraso ng tinapay.

Buong pagmamahal din niyang hinagod ng tingin ang mga ito. Bakas sa mukha ni Mang Ambo ang labis na pagkaawa sa mga anak. Hindi nagluwat, huminga siya ng malalim, nanggigilid ang mga luha, tila may malalim na iniisip.

Pamaya-maya pa'y tumayo si Mang Ambo mula sa matagal niyang pagkakaupo.

Tutal marami naman kayo, ang katagang paulit-ulit na umuukilkil sa kaniyang isip.

Hinasa niya ang kanyang gulok. Panay naman ang pagtatanong ng kanilang mga anak kung may makakain na ba sila sapagkat halos lumuwa na ang kanilang mga mata dahil sa matinding gutom.

Lumipas ang isang oras, at sa wakas, bumalik si Mang Ambo. Nakapagluto na siya ng kanilang kakainin.

Adobo.

"Mga anak, halina kayo. Kakain na tayo!" garalgal niyang tawag sa mga ito.

Ang bango ng amoy ng adobo subalit parang hindi nagagalak ang ilan na ito'y tikman. Wala silang mapagpipilian nang mga sandaling iyon kundi pikit-mata na lang nilang isinubo ang karne habang tumutulo ang kanilang mga luha.

Hindi rin nagtagal, dumating na ang pinakamamahal niyang asawa. Malungkot na nagtungo sa hapag at ibinalitang hindi siya nakakuha ng labada. Sa kabilang banda, laking tuwa naman ang gumuhit sa kaniyang mga mata, tila nagniningning ang mga ito sa kaniyang nakita.

"Wow, ang sarap ng ulam natin ah, adobo! Saan kumuha ng pambili ang ama ninyo?"

Walang sumasagot kahit isa sa kanila. Hindi makabasag pinggan ang namamayaning katahimihan ng mga sandaling iyon.

Sa tindi ng gutom ng kanilang ina ay hindi na niya pinansin ang naturang katahimikan. Masaya siyang kumuha ng karne. Halos mamuwalan sa bilis ng pagsubo. Halatang gutom.

Gutom na gutom.

Lumuluha ang kaniyang  mga anak habang nakatitig sa kaniya habang siya'y kumakain. Dahil sa labis na pagtataka, huminto siya sa kaniyang pagsubo. Buong pagmamahal na pinagmasdan ang lumuluhang mga anak, binilang ang mga ito.

"Nasaan si Junior?" tanong niya.

Hindi makaimik ang lahat. Umiling-iling, habang lumuluhang binitawan ang karneng hawak-hawak.


-Princesa

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^