Saturday, July 4, 2015

Ang Pag-ibig

Mahal ko,

Larawan tayo ng isang masayang pamilya. Binubuo ng tatlong supling na babae at ikaw na siyang ama nila na nariyan lagi sa kanilang tabi.

At syempre, hindi nawawala ang pagmamahalan. Isang pagmamahalan na siyang nagbubuklod sa ating lahat upang tayo ay mabuo bilang "tahanan." Tahanan ng masayang pamilya, nagmamahalan, at walang nino man ang makapagwawasak.

Ngunit, sadyang mapaglaro ang tadhana. Kinuha ka ng Panginoon sa amin at ang lahat ng katangian ng ating pamilya ay nawala ng isang kisap-mata. Wala na ang larawan ng masayang pamilya na maihahalintulad sa isang nabasag na salamin: watak-watak na.

Punung-puno ako ng hinagpis, hindi lang ako kundi ang ating mga anak na nalungkot ng lubos sa iyong paglisan. Wala akong sapat na salita upang ipaliwanag sa kanila ang iyong pagkawala. Ang alam lang nila ay ika'y matutulog na ng mahabang panahon at hindi na muling magigising upang kami'y iyong masilayan muli.

Naghiwa-hiwalay kami ng mga anak natin. Ang panganay ay kinuha sa akin ng isang matandang guro sa isang unibersidad. Ang pangalawa ay dinala ng isang negosyante sa Singapore. At ang huli ay inampon ng isang mag-asawang hindi magkaanak ng babae na ngayo'y tumira na sa London. Wala akong nagawa nang puwersahang ipinamigay ito ng aking mga magulang nang ako ay makauwi galing sa pagtuturo. Ni hindi ko man lang naipaglaban ang ating mga anak, o ni hindi ko man sila nakausap bago kami nagkawalay.

Malaking-malaki ang pagsisisi't kalungkutan ang muling namayani sa aking dibdib. Nawala ka na nga, nawala din sa tabi ko pati ang ating mga anak. Sa tingin ko, ito na ang pinakamasaklap na sitwasyon ang aking natamasa. Hindi ko alam kung bakit ito nangyayari sa akin pero patuloy akong nagpapakatatag dahil alam kong ayaw mong makita mo akong nalulungkot ng ganito.

Nagpakalayo-layo ako sa aking mga magulang. Nagalit ako sa kanila. Ayoko silang makita. Ang dahilan ng paglayo ko ay hindi sapat upang kalimutan kayo ng aking mga anak, at ikaw, mahal ko.

Nagpatuloy akong nabuhay ng may lungkot sa dibdib. Araw at gabi ay lagi kong iniisip ang ating mga anak at ang itsura mong halos makalimutan ko na. Lagi akong umiiyak dahil sa unti-unti kong nakakalimutan ang iyong itsura, ang iyong tindig, at ang init ng iyong pagmamahal. Wala na rin ang imahe ng aking mga anak sa aking alaala: kung ano ang itsura nila, at kung paano sila magsalita. Mabubura na nga talaga kayo sa aking alaala ngunit kahit kailan, ang pagmamahal ko sa ating pamilya ay hinding-hindi mawawala sa kaibuturan ng puso ko, magpakailan man.

Dahil... naniniwala ako na magbubuklod tayong muli ng ating mga anak, sa pamamagitan ng pag-ibig ko sa inyo, saan mang dako paroon. Alam ko, ramdam ko, ano mang pagsubok ang humarang at ipasan sa atin ng May Kapal, kahit na tayo ay paglayuin ng mga tadhana, ay muli tayong pagtatagpuin ng pag-ibig.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^