Tuesday, August 11, 2015

Ang Guro sa Gubat

Isa kaming larawan ng masayang mag-aaral sa isang magandang hardin sa kasukalan ng isang gubat. Nagbabasa, nagsusulat, kumakanta, at sumasayaw kasama ang alaga ng matandang lalake na siyang guro namin, ang kanyang aso, pusa, manok, pato, itik, at gansa.

Masayang-masaya kaming lahat. Lalo na sa akin. Dahil doon ko lang naranasan ang isang kakaibang saya na hindi ko pa natikman sa buong buhay kong puno ng lungkot at pasakit. Halos ayoko nang humiwalay pa sa mga kalaro at guro kong hawak-kamay na umiikot-ikot upang maglaro.

At napagpasyahan ko na ngang hindi na umalis dito kahit kailan.

Ngunit, ang kasiyahang iyon ay biglang nahinto sa pagngiti ng aming guro. Binigkas niya ang mga salitang tatapos sa panandalian naming kasiyahan, "Uwian na!"

Nagtilian ang ibang bata sa sobrang saya pero hindi ako masaya. Papalubog na ang araw ng mga oras na iyon mula sa malungkot na tanawin ng kanluran. Nagsimula namang maglakad ang ibang bata papalayo sa guro naming matanda.

"Ayoko pong umalis!" pagpipilit ko. "Masaya po ako dito!"

"Hindi ka maaaring manatili dito, bata," ang sinabi sa akin ng matanda. Katabi niya ang kanyang mga alagang hayop na kasama naming naglaro. "Sige na, kailangan mo nang umuwi."

Nalungkot ako sa sinabing ito ng matanda.

Oo, masaya ako dito pero babalik na naman ako sa mundo, sa tunay kong mundo, na puno ng lungkot at pasakit na parang walang hanggan. Hindi ko na mapigilan ang paa ko na maglakad papalayo sa matandang guro.

"Diretso lang, bata. Masaya na akong malaman na napasaya ko kayong lahat sa aking hardin dito sa gubat. Pero kailangan mo nang umuwi sa tunay mong mundo, kung saan ka talaga nararapat."

Muli kong nilingon ang matandang lalake, katabi niya ang kanyang mga alagang hayop, at pinapanood akong lumalayo sa kanila.

"Umalis ka na dito na may baong ngiti at saya. Iyan lang ang bagay na magpapasaya sa akin..."

Nakita ko, nagpahid siya ng luha nang muli ko siyang sinulyapan.

Napaluha na rin ako, sa lungkot at sama ng loob.

"B-bakit po?!"

"Dahil walang kasiyahan ang nagtatagal sa mundong iyong ginagalawan. Tulad ng ibang mga bata, malungkot din sila na aking pinasaya at binigyan ng ngiti kahit sandali."

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Nakita ko sa ibang mga bata ang kanilang kasiyahan at tawanan habang naglalakad pauwi. Baon nila ang masayang araw na kasama ang aming guro sa gubat.

Ngunit hindi ako... na malungkot, at muli na namang nag-iisa sa totoong mundo.

Sa isa pang pagkakataon ay muli kong sinulyapan ang aming guro. Naroon pa rin siya, nakatayo, habang katabi ang mga alaga nitong hayop. Masaya siyang kumakaway sa akin ngunit halata sa kanyang pustura ang lungkot na kanyang dinadamdam.

"Hanggang sa muli!" malungkot kong paalam.

"Hanggang sa muli, bata," bulong niya sa hangin.

Malungkot akong umalis nang bigla silang naglaho na parang bula.

2 comments:

  1. May mga pagkakataon na pilit mong ikinulong ang iyong sarili sa isang mundo ng pantasya at talaga namang nakakalungkot kapag kailangan mo nang bumalik sa realidad.

    ReplyDelete
  2. Ms Beki, panaginip ko 'yan. Napanaginipan ko 'to ng gabi bago ko ito isinulat dito. Akala ko nga, totoo pero hindi pala. Panaginip nga naman oo. Parang dreams!

    ReplyDelete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^