Monday, September 7, 2015

Mahal Pa Rin Kita

CASS Orientation day at TSU.

At dahil maaga akong nakarating, agad akong umakyat sa itaas ng bleacher upang umupo at mag-abang sa opening ng college orientation. Sakto, Psychology Department ang puwesto ko kaya ayos lang.

Lumipas ang oras na nanatili akong tahimik sa kabila ng ingay hanggang sa matulala.

Wala akong kausap. Magulo ang ibang kaklase isabay pa ang malalakas na sound system ng University Gym.

Maya-maya, dumating si ex. Hindi ko ito inaasahan, lalo na nang tumabi siya sa puwesto ko, sa may kaliwa.

Nanatili akong nakayuko, swipe left, swipe right, swipe up and swipe down ang ginawa ko sa phone. Surfing thru free data of Facebook. Nag-i-stalk kay crush.

"Hey!" tawag niya.

Nabigla ako. "K-kumusta ka na?"

"Ayos lang. Mabuti."

Iyon lang. Katahimikan. Hindi man lang ako makapag-open up ng paksa upang mag-usap. Awkward isn't? Ex is ex. Pero siyempre, naging parte pa rin siya ng buhay ko.

Dahil nakatabi siya sa akin, muling nagdikit ang aming mga braso. Ito ang hindi ko malilimutan kailan man dahil sa ganito kami unang nagkakilala.

Nasa kanya pa rin ang pabango na ibinigay ko sa kanya noong nakaraang pasko. Nakita kong inilabas niya ito sa kanyang bag at winisikan ang kanyang leeg. Iyon ang paborito niyang pabango.

Pero, bilang isang mahilig na magsulat, ang pag-ibig niya ay parang isang talata't pangungusap. Lahat ng aming matatamis na nakaraan at mga pangarap ay naisatitik sa isang nobela. Ngunit, tulad ng isang nobela ay winakasan niya ang aming pag-ibig ng isang tuldok. Walong buwan na kaming wala.

Tama nga ang isinisigaw ng puso ko: mayroon pa rin akong nararamdaman sa kanya.

Mahal ko pa rin siya, at ito ang paulit-ulit na isinisigaw ko sa aking isip.

Mahal pa rin kita... mahal pa rin kita... mahal pa rin kita... "Mahal pa rin kita..."

Nanlamig ako. Nadulas ako sa pagsabi noon na hindi ko agad namalayan.

Napatingin siya sa akin. Para siyang nagtatanong. Hindi ko alam kung magagalit siya sa sinabi ko o pareho ang nararamdaman tulad ng sa akin.

"Ako rin," mabilis niyang sagot.

"Puwede bang tayo ulit?" agad kong itinanong.

"Ano--"

Sandaling naputol ang sasabihin niya nang bigla siyang dumating. "Hoy! Nandito ka na pala?" pumagitan siyang umupo sa amin.

Oo nga pala, siya ang dahilan kung bakit kami naghiwalay, ang aking kaibigan.

Pasenyas niyang sinabing hindi na maaari.

Nasaktan ako.

Sayang, mahal pa rin niya ako.

2 comments:

  1. hengshekit shekit naman nyern. mesh mesheket pa sha pagkakakabit ng breyshesh. chars.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hay nako Nyora, wala tayong magagawa doon. Ganyan talaga ang buhay ng pumapag-ibig. Note: Hindi nagpapabebe! Ahahaha!!!

      Delete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^