Thursday, December 3, 2015

Final Set

Nakita ko silang nagtatakbuhan patungo sa kung saan. Masayang-masaya sila na parang noon lang sila nakatikim ng kasiyahan. Isang saya na parang walang kapantay na siyang nagpa-intriga sa akin kaya sinundan ko sila.

Tanaw ko sa unahan ng mga tumatakbo ang apat na lalake. Mayroon silang mga hawak na pantugtog na karaniwang ginagamit sa mga banda. May nakapagsabing sila ay isang sikat na rock band na may libre at kakaibang concert para sa lahat.

Natuwa ako dahil hilig ko ang rock music! Pero sino sila? Walang nakapagsabi.

Masayang-masaya akong sumama sa kanila. Pinilit kong magtungo sa harap para masaya. Walang ibang maririnig sa lahat kundi mga matitinding hiyawan ng mga tagahanga. Mayroon silang hawak na mga pailaw na pilit iwinawagayway sa ere pagkatunog ng unang tunog ng gitara.

Unti-unting nagdilim ang paligid. At sa biglaang pagkakataon ay nagliyab ng liwanag ang buong entablado kung saan naroon na ang apat na miyembro ng isang banda.

Napangiti ako, at napahiyaw sa saya pagkakita nito.

Kumanta ng pagkaganda-ganda ang kanilang bokalista. Sumabay na rin ang mga tagahanga. At nang marating ng liriko ng kanta ang koro nito ay nag-angatan ang lahat ng mga manonood kasunod ang apat na banda.

Masdan mo ang aking mata,
'Di mo ba nakikita?
Ako ngayo'y lumilipad at nasa langit na,
Gusto mo bang sumama?

Walang anu-ano'y nagliparan ang lahat mula sa lupa hanggang sa langit habang sila ay tumutugtog dala ang mga gamit pang-musika. Ang ingay ng mga hiyawan noong una ay mas dumoble ngayon, at isa na ako sa kanila.

Pataas kami nang pataas. Lumilipad na walang pakpak. Naabot namin ang mga nagkakapalang ulap habang humahampas ang malamig na hangin. Napakaganda ng tanawin sa itaas ng himpapawid habang nakikita naming lahat ang tanawin sa ibaba. Nalagpasan namin ang mga nagtataasang bahay at puno, gusali at bundok, hanggang makarating sa pinakatuktok ng himpapawid ng buong mundo. Napakasaya! Nagko-concert habang lumilipad? Astig 'to!

Masayang-masaya ako dahil pangarap ko talagang makalipad simula noong bata pa ako. Ang pangarap kong lumipad ng ubod ng taas ay natupad sa panonood ng bandang ito. Sandali pa akong napaluha sa sobrang saya. Saya, na noon ko lang unang naranasan.

Kalimutan lang muna,
Ang lahat ng problema.
Huminga ka nang malalim at tayo'y lalarga na,
Handa ka na bang gumala?

Umikot-ikot kaming lahat sa ere habang lumilipad. Bahagya pa nga akong natakot kasi nakakalula na ang taas ng aming kinalalagyan. Natatakot ako dahil baka malaglagkami ano mang oras pero ayos lang daw ito. Hindi kami mamamatay sa ganito.

Tanaw na namin ang dulo ng himpapawid ng mundo hanggang marating namin ang kalawakan na ubod ng ganda. Tanaw namin mula roon ang napakagandang tanawin ng buong mundo. Kahanga-hanga ang lahat. Naisip ko, parang nananaginip ako pero totoo ang lahat, lalo na ang nagkikislapang bituin sa likod ng mga banda. Nakalimutan ko na ngang nanonood kami ng isang concert sa sobrang pagkamangha.

Masdan mo ang aking mata
'Di mo ba nakikita?
Ako'y lumilipad at nasa alapaap na
Gusto mo bang sumama?

Nakisabay na ang lahat sa pagkanta, gayon din ako. At nang matapos ang buong kanta ay nagkaroon ng meteor shower sa kalawakan. Napakaganda! Iyon ang una kong pagkakataong makasaksi ng isang kakaibang concert kung saan ang lahat ng manonood ay lumilipad kasama ang mga banda. Dagdag na rin ang pagdating ng meteor shower na parang sinadya. Astig talaga! Astig!

Isa sa mga miyembro nito ang bokalista na nagpasalamat sa pagdalo ng kanilang concert. Ito ay iniregalo nila para sa aming mga taga-tangkilik ng kanilang grupo. Masaya pero malungkot nilang ipinahatid sa aming lahat na iyon na ang kanilang final set. Magkakanya-kanya na silang buhay at tatalikuran na ang pagtugtog.

Nakita kong nag-iyakan ang mga manonood sa lungkot, at isa na rin ako doon. Nagsalita na sila sa kanilang huling pamamaalam sa aming mga manonood gayon din sa kanilang grupo.

"Tapos na ang concert! Maaari na kayong bumalik sa inyong mga tahanan!" sigaw ng bokalista.

Walang anu-ano'y nabigla kaming lahat sa biglaang pagbagsak namin sa ere. Nalaglag kami mula sa kalawakan hanggang sa kalangitan ng mundo na puno ng nagkakapalang ulap. Nakakatakot ang biglaang pagbagsak ng lahat, pakiramdam na para kang hawak ng isang malaking kamay na bigla ka na lang bibitawan sa ere saka kami naghiwa-hiwalay. Wala na rin ang apat na miyembro ng banda. Hindi ko na sila nakita at ako ay takot na takot na mag-isang bumababa sa himpapawid. Parang babaligtad ang sikmura ko, nakakasuka!

Nagpaikot-ikot ako sa ere hanggang sa makita ko ang bahay namin sa ibaba. Nakita ko, babagsak ako sa bubong ng sobrang bilis. Mabilis na mabilis na halos hindi ko mapigilan. Sumisigaw ako para humingi ng tulong pero gabi na kaya walang ibang tao ang makakakita sa aking pagbagsak. Kinakabahan na ako at alam kong ilang segundo na lang ang itatagal ng buhay ko.

Nang lumapit na ang babagsakan ko sa ibaba ay napapikit na lamang ako at nagdasal. At nang bumagsak na ako sa bubong ng aming bahay ay kamangha-manghang tumagos ang katawan ko sa kongtretong bubungan saka bumagsak sa malambot kong kama. At ng dahil sa matinding takot kung bakit ako tumagos sa bubong ay dali-dali akong nagbuklat ng mata at natanaw ang magandang pagsikat ng araw sa nakabukas na bintana.

Wow! Panaginip lang pala ang lahat, astig!

- - - - -

P.S. Happy birthday pala kay Kuya!
I love you, bro! Haha!!.,
Be wild! :D Push!

2 comments:

  1. Parang maganda nga ang manood ng concert sa kalawakan with matching meteor showers.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Yes, masarap lumipad ng sobrang taas! Sana nga, may ganito sa reality :D

      Delete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^