Saturday, December 5, 2015

Tanyag

"Hindi ka maaaring sumama sa akin. Delikado sa tanghalan para sa iyo."

Katahimikan.

Nakita niya ang pagyuko ng anak niyang lalake na kalauna'y nakangiti. Namataan naman ng ama ang tumulong luha mula sa pisngi ng anak.

"Babalik ako pagkatapos kong magtanghal."

Nagsuot ang ama ng isang itim na sumbrero at binitbit ang malaking kahon. Nasa kanyang kaliwa naman ang hawak nitong baston saka namaalam sa anak, "Ala seis na ng gabi, matulog ka na pagkatapos mong kumain."

Iniwan ng ama ang kanyang anak matapos lumabas sa isang silid pagkasara ng pinto.

"Papa, yung panyo mo..."

Katahimikan.

Naiwan ang anak sa isang silid kung saan kasama nito ang dalawang kuwagong nasa hawla at limang pares ng love birds. Hawak niya ng mga sandaling iyon ang panyo ng kanyang ama at sampung pisong salapi na sa kanya ibinigay upang ipambili ng hapunan at iba pa. Masuwerte nga siya dahil sa kanilang lugar, siya lamang ang kaisa-isang bata na nakakahawak ng ganito kalaking halaga na bigay ng kanyang amang mahikero.

Malapit nang magdilim. Pero para sa kanya, hangga't mayroon pang liwanag ng araw sa kanluran ay maaga pa upang lumabas ito at magmuni-muni.

Isang tanyag na mahikero ang kanyang ama sa kanilang bayan. Nakilala ang kanyang ama sa mga pambihira, delikado, nakakatakot, subalit nakamamanghang pagtatanghal na siyang nagbigay rito ng iba't ibang pagkilala at parangal ng mga masugid na manonood. At dahil sa katanyagan, lumago ang mga tagatangkilik nito na nagmumula pa sa iba't ibang bayan. Ang mga ito ang siyang ipinagmamalaki ng batang ito sa kanyang mga kaibigang nakasaksi na sa pagtatanghal ng kanyang ama. Subalit, kahit isang pagtatanghal ng kanyang ama ay wala pa siyang nasasaksihan kahit isa... kahit kailan... hanggang ngayon.

Gusto niyang masaksihan ang pagtatanghal ng kanyang ama dahil ito na ang huli nitong palabas. Buo na kasi ang desisyon ng kanyang ama na magreretiro na ito bilang isang mahikero at lilipad na patungong ibang bayan upang bumuo ng panibagong negosyo.

Sinalubong siya ng mainit na pagbati ng mga kapit-bahay paglabas nito sa inuupahang tirahan sa isang malaki at lumang gusali. Ang lahat ay nakangiti maliban sa kanya na nagpalakad-lakad lamang hanggang makarating sa isang bench ng parke. Nasa likuran nito ang isang malilim na puno habang nasa kaliwa nito ang isang tungkod ng ilawang kuryente.

Lumalamig na ang gabi nang naisipan ng bata ang maglakad sa mga kalye ng bayan. At nang magutom, bumili ito ng isang mangkok ng lugaw sa halagang piso at isang mangkok na mainit na sopas sa halagang piso upang mapawi ang gutom at lamig ng gabi.

At pagkatapos kumain, nakita niya sa katabing lugawan ang tindahan ng mga laruan. Nakita nito sa harapan ang isang maganda at makulay na maskara na siyang gusto nitong ipabili sa kanyang ama. At sa halagang piso, nabili nito ang maskara at muling naglakad ng masaya patungo sa kung saan habang suot ito.

Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay namataan nito ang larawan ng kanyang ama sa isang teyatro. Naisip niyang ito na ang pagkakataon upang mapanood ng bata ang pagtatanghal ng kanyang ama kaya dali-dali itong pumasok upang bumili ng ticket subalit nadismaya ang bata nang sabihing sampung piso ang halaga ng ticket.

Pitong piso na lang ang kanyang pera. Sayang!

Tinanggal nito ang suot na maskara at walang anu-ano'y nakilala ito ng kahera bilang anak ng tanyag na mahikero ng kanilang bayan. Aba, masuwerte siya! Masuwerte siya dahil pinapasok ang bata sa teyatro na walang bayad!

Muli nitong isinuot ang maskara at nang matapos dumaan sa madilim na silid ay sumalubong sa kanya ang matitinding sigawan ng mga manonood, gayon din ang kanilang mga masigabong palakpakan. Isa itong sigawan ng mga manonood na marahil sa takot, mangha, at tuwa.

Dali-dali siyang nagtungo sa harap upang masaksihan nang malapitan ang pagtatanghal ng ama. Siya ay manghang-mangha at mabuti na lang ay nakabili ito ng laruang maskara ng sa gayon ay hindi siya napapansin ng ama.

"Nangangailangan ako ng isang bata," deklara ng mahikero sa ibabaw ng entablado. Nakatutok sa kanya ang tutok-ilawan nang tumuro ito sa isang batang naka-maskara.

"Halika, bata. Huwag kang matakot, isa akong propesyunal."

Lumapit ang bata sa mahikero at bago ito isinilid sa loob ng malaking kahon sa entablado ay nagawa pa nitong yakapin ang ama ng mahigpit. At pagkaraang maisara, dinampot ng mahikero ang kanyang baston na isa palang samurai na mataas ang kalidad.

Walang anu-ano'y agad nitong itinusok sa gitna ng kahon na siyang nagpasigaw ng mga manonood. Ginawa niya ang katulad sa kaliwa at sa kanang bahagi ng kahon hanggang sa magdeklara ang mahikero ng 'tapos na!'

Natahimik ang mga manonood.

"Sa maniwala kayo o hindi, ang batang ito ay buhay at nasa mabuting kalagayan. Maaari bang pumarito sa entablado ang kanyang mga magulang?"

Isa itong magandang pagkakataon upang malapitan ng magulang ng bata ang isang tanyag na mahikero subalit wala ni isa ang tumayo o lumapit. Sa halip ay ipinabukas ito ng mahikero sa kanyang alalay.

Nagbilang ito ng hanggang tatlo saka bumukas ang kahon. Nakita ng lahat ang dahan-dahang paglabas ng bata hanggang huminto ito sa gitna ng entablado at bumagsak. Lahat ay nagtaka sa nangyari dahil hindi gumagalaw ang bata.

"Maaari ka nang bumalik sa iyong upuan, bata."

Walang sumagot pero nakita nito ang unti-unting pagdaloy ng dugo ng bata sa sahig. Dito na siya kinabahan lalo na nang makita nito ang panyo ng mahikero sa bulsa ng bata.

Lumantad sa kanyang paningin ang ang mukha ng kanyang anak nang tanggalin nito ang laruang maskara. Napasigaw ito ng 'Anak ko!' at humagulgol ito ng iyak.

Nagsitayuan ang mga manonood at pinalakpakan ang mahikerong humahagulgol habang hawak nito ang patay na katawan ng kanyang anak. Doon nagsara ang malaki at pulang kurtina, at doon natapos ang tanghalan.

Sa kanyang pagtatanghal ay aksidente nitong napaslang ang sarili niyang anak.

2 comments:

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^