Monday, April 13, 2015

Japanese Particle

Japanese Particle (Basic)
May Tagalog particle din naman tayo na tinatawag nating Tagalog Enclitic at hindi ko alam kung anong tawag ng mga Hapon sa ginagamit nilang particle. But, anyway, heto na sila:


Topic marker.
Wa (は)
Watashi no namae wa Kenji desu.
My name is Kenji.
Note: は (ha) ang ginagamit at binibigkas na 'wa' hindi わ (wa)


Subject marker.
Ga (が)
Watashi wa chokoreto ga suki desu.
I like chocolates.


Direct object marker.
Wo (を)
Note: Ito ay binibigkas na 'o' as in 'o' sa 'dog' hindi 'wo' as in 'wolf'
Kenji wa denwa o mite imasu.
Kenji is looking at the telephone.


Possesion, apposition, noun modification.
No (の)
Tomodachi no namae wa nan desu ka.
What’s your friend’s name?


Indirect object, location, direction, specific time.
Ni (に)
Kenji san wa Tokyo ni imasu.
Kenji is ni Tokyo.

Ginagamit din ito sa oras:
Gogo juji ni.
At 10 p.m.


Place of action, means, total, material.
De (で)
Watashi wa honya de hon o sansatsu kaimashita.
I brought three books at the bookstore.


Direction.
E (へ)
Note: Ang へ sa Japanese Kana (pareho sa Hiragana at Katakana) ay 'he' pero binibigkas ito bilang 'e'
Nihon e ikimasu ka.
Are you going to Japan?


Target time.
Made (まで)
Honya wa juji made desu.
The bookstore closes at 10 o’clock.


Confirmation.
Ne (ね)
Sachie san desu ne.
Your name is Ms. Sachie, aren’t you?


Also, both... and, neither... nor
Mo (も)
Kora mo wain mo nomimasu.
I drink both cola and wine.


Emphasis.
Yo (よ)
Gakusei desu yo.
So you’re a student!


Simultaneous action.
Nagara (ながら)
Aruki naraga, modai ni tsuite kangaemashita.


Listing, involvement.
To (と)
Sono gakusei wa pen to enpitsu o motte imasu.
That student has a pen and pencil.


Partial listing (and)
Ya (や)
Watashi-tachi wa Kyoto ya Osaka e ikimashita.
We went to Kyoto, Osaka, etc.


But...
Ga (が)
Suzuki san wa kimasu ga, Murakami san wa kimasen.
Mr. Suzuki is coming, but Mr. Murakami isn’t.


Enumeration.
Ka (か)
Sake ka kora ikaga desu ka.
How about sake or cola?


Question marker.
Ka (か)
O namae wa nan to iimasu ka.
What is your name?


Reason.
Kara (から)
Isogashii kara, eiga ni ikimasen deshita.
Because I was busy, I didn’t go to the movie.



Bakit ko sinasabi ang mga ito? Wala lang. Na-miss ko lang mag-aral ulit ng Japanese Language. Anyway, thank you pala kay kuya Kaito sa pagbigay sa akin ng class note lesson para matuto ^_^

Saturday, April 11, 2015

Ikasampung pangako

Hapon.

"Nandito na ako!" masigla kong isinigaw sa buong bahay. Ang inaasahan ko sa lagay kong iyon, habang hawak ang tatlong libro at suot ang backpack ay babati sila mama, ate, o si kuya na 'Nandito ka na' pero nadatnan ko silang tahimik.

Walang ingay.

Nabigla ako. "Anong nangyari?" tanong ko.

Tumingin sa akin si mama, "Kuya, wala na si Ishi," basagan ang boses niya habang binabanggit ang mga salitang ito na siyang kusang nagpalaglag ng mga libro ko sa aking paanan, saka siya napahagulgol ng iyak.

Natulala ako, at hindi makapagsalita. Matagal bago magproseso sa utak ko ang sinabi sa akin ni mama. Uhaw na uhaw ako ng mga oras na iyon dahil sa pagod pero nawala ang ito dahil sa balitang narinig.

"A-ano?" tanong ko kay mama saka tinignan si kuya na nakatingin sa akin. "K-kuya? Anong nangyari? Yung totoo..."

Nakatingin sa akin si kuya pero agad itong yumuko. Kitang-kita ko siya sa isang sulok kung saan sunod-sunod na bumagsak ang mga luha niya. Patuloy siyang humihikbi.

Nagtungo ako sa likuran para silipin si Ishi pero napahinto ako nang makita ko ang kawawang asong wala nang buhay na payapang nakahiga sa maganda niyang higaan. Ang asong itinuring na kapatid at kapamilya. Ang asong nakasama sa loob ng sampung taon habang pinagsasaluhan ang hirap at ginhawa. At ang asong siyang nagbigay sa amin ng kakaibang saya at kulay sa buhay namin. Naroon sa paborito nitong higaan na wala nang buhay.

Napaupo ako sa kinatatayuan ko. Tinitignan ang katawan ng asong wala nang buhay. Ang asong minahal ko at itinuring na tunay na kaibigan sa kabila ng pagtanggi sa akin ng buong mundo. Ang asong kahit hindi ako kinakausap ay ramdam ko ang pakikiramay niya sa tuwing mag-isa akong nalulungkot. Ang asong naging kalaro ko sa tuwing inaaway ako ng ibang kalaro. Dali-daling dumaloy ang mga luha ko na umagos sa aking pisngi. Ang luhang noo'y kanyang nakikita pa sa akin pero hindi na ngayon. Wala na. Wala na akong aso, nawala na ang itinuring naming miyembro ng aming pamilya, wala na akong kalaro, at nawalan na ako ng isang kapatid.

Walang salita kong hinaplos ang katawan niya, ang ulo, at ang mukha nito. Ang katawan niyang ramdam ko noon ang pagtibok ng puso ay hindi ko na muling mararamdaman pang tumibok ngayon. Ang bunganga niyang maingay na sasalubong sa akin tuwing umuuwi ng bahay galing sa eskuwelahan, at ang mga magaganda niyang mata na hindi ko na makikita pa kahit kailan. Wala na. Wala.

Iginala ko ang aking paningin sa kanyang kabuuan. Dito na ako napahagulgol nang mahina habang hinahaplos ang makinis nitong balahibo. Masakit sa loob ko ang nangyari pero kailangan ko nang tanggapin kahit na hindi ako nakapaghanda sa isang kapalarang tulad nito na mawala siya sa buhay namin, sa buhay ko.

"I-ishi... b-bakit mo'ko iniwan?" niyakap ko ang katawan niyang wala nang buhay. "L-lagi naman ako sa tabi mo, ah."

Alam kong may magandang dahilan.

"M-may pakiramdam din ako kung hindi mo nalalaman," lumapit na sa akin sila mama, ate at kuya. "Ikaw na nga lang ang meron sa akin, nawala ka pa..."

"Kuya, tama na. Huwag ka nang umiyak," pakiusap ni kuya sa akin pero hindi ko kayang magpigil.

Bahagya akong humiwalay sa pagkakayakap kay Ishi saka nagpunas ng mga luha. Ipinakalma ko ang sarili habang hawak ni mama ang likuran ko.

"Tama nga naman ang sinabi nila. Sampung taon lang ang tagal ng buhay ninyong mga aso," napangiti ako nang hilaw. "Pero hayaan mong sabihin ko sa iyo na tutuparin ko ang lahat ng ipinangako ko sa iyo. Lagi kong sasariwain ang mga masasaya nating pagsasama, at ang pagmamahal ko sa iyo."

Yumuko ako noon. Niyakap ni mama at nanahimik. Huminto sa pag-iyak habang umiihip ang malamig na hanging humahampas sa pawisan kong katawan.

- - - - -

Inilibing namin si Ishi sa bakuran, sa ilalim ng puno ng Narra kung saan matingkad ang kulay nitong dilaw. At habang gumagawa ng malaking hukay para sa kanya, hindi tumigil ang pagluha ko sa pagkawala niya.

At nang matapos ang hukay, nilatagan ko ng tuyong dahon ng Narra ang paglilibingan nito saka siya inilagay sa hukay. Bigla ko tuloy napagtanto na napakasakit palang gumawa ng libingan para sa mahal mo. Oo, ordinaryong aso lang si Ishi sa paningin ng ibang tao pero kapatid at kapamilya ang turing ko sa kanya. Nakagawa siya ng isang masayang alaala sa piling namin na kahit kailan ay hinding-hindi ko malilimutan hanggang sa huling hininga ng buhay ko.

Muli naming tinignan ang itsura niya sa hukay. Tinandaan ko ang bawat anggulo ng kanyang puwesto; kung saan nakaturo ang kanyang nguso at kung ano ang posisyon ng kanyang katawan. Sa ginawa ko, sinadya ko siyang iharap sa buong bahay namin para kahit na naroon na siya sa hukay, pakiramdam ko, nakaharap siya sa aming lahat at pinapanood kami.

Ibinigay ko sa kanya ang ninakaw niyang bola noong high school ako. Ibinigay ko ang bola ng tennis na siyang nagpanalo sa akin kahapon sa tournament at ginawa niyang laruan noong unang dating niya sa bahay. Itinabi ko ito, malapit sa kanyang kamay, na parang hawak na niya.

Umalis na sila mama at ate maliban kay kuya na nanonood sa akin nang unti-unti kong tinabunan muli ng tuyong dahon ng Narra ang ibabaw na siyang poprotekta sa pagtabunan ko ng lupa. At bago ko takpan ang kanyang mukha, muli ko siyang kinausap.

"Ishi, pasensya na kung naging malupit ako sa iyo noon. Sana, sa huli kong paninilbihan sa iyo ay mapatawad mo ako at maraming salamat sa lahat," umupo ako saka binitawan ang pala sa tabi. "Natupad ko na ang pangako ko sa iyo. Alam mo ba kung ano iyon?"

Katahimikan. Sa muling pag-ihip ng malamig na hangin ay naramdaman ko ang isang patak ng ambon... na sinundan pa ng isa... at ng isa pa.

Bumulong ako, "Ang ikasampung pangako: Huwag nating kalimutan ang masasaya nating pagsasama. At kapag dumating na ang panahon na lilisan ako sa buhay mo, sana... nandito ka lang sa tabi ko. Samahan mo ako sa aking pagpanaw sa mundong ito, hanggang ang hininga ko'y tuluyan nang mawala at hindi ka na masilayan pa."

Doon ko na tinakpan ng tuyong dahon ng Narra ang mukha niya hanggang sa hindi ko na siya nakita. Tinulungan ako ni kuya na tabunan siya ng lupa habang pareho kaming umiiyak hanggang sa matapos kami. Sa huling lupa na ipinaibabaw namin sa kanya, doon na bumuhos ang malakas na ulan. Nanatili kaming nakatayo doon habang dinadama ang lamig ng tubig ulan na humahampas sa aming katawan. Pati ba naman ang langit, nakikiramay. Pero ayos na iyan dahil ang alam ko sa lagay na ito, nasa mabuti na siyang kamay ng Panginoon. Nabuhay muli, nakakatakbo, nakakapaglaro, at masayang kumakahol habang sinasabayan ang paglipad ng mga Anghel sa kanyang paligid.

Inakbayan ako ni kuya saka ako napangiti. Muling sinabi ang masakit na salitang hindi ko kayang sabihin: "Paalam, Ishi..."

Friday, April 10, 2015

Monday, April 8, 2013

04:57 am
Habang nagtatrabaho ako rito kanina ng mga alas dos, ramdam ko na parang may nakatingin sa may likuran ko pero di ko nakikita. Kinikilabutan ako hindi ko alam kung bakit. Wala naman siyang ibang ginagawa kundi nandoon lang. Hindi gumagalaw at nasa akin pa rin yung tingin. Ayoko namang lingunin patalikod, nakakatakot, baka mapasigaw ako ng di oras at mapagalitan pa ako nito. Para siyang nakahawak sa batok ko. Ang lamig. Parang may kamay na kakahawak lang ng malamig na baso. Itinuloy ko na lang ang pag-type...

Type... type... type... tigil. Kindat ang cursor, kindat ang cursor, kindat ang cursor, tigil...

Di ko na namalayang ala sinko na pala ng umaga, wala pa 'kong tulog!!! Palibhasa kasi, nakatulog ako kahapon ng matagal na matagal. Ang dami kong nagawa na wala naman daw kwenta pagdating sa paningin ng mga tao rito sa bahay na maya-maya lamang e magigising na. Oo nga pala, magiging abala na naman ako nito ngayong araw. Bakit kasi ganito, ang daming ginagawa! Ayoko na, umpisa pa lang pagod na'ko. Ganito na ba talaga ang pakiramdam ng walang tulog?

E basta! pag-uwi ko mismo ng bahay, magis-sleeping marathon ako. Wala akong pakialam kung umabot pa'ko ng dalawang araw. Tutal naman nasubukan ko nang matulog ng ganoon pero ang pangit pakinggan! Ang sa akin lang, sana makasurvive ako.

1. Iaasist ko yung kapatid ko para sa entrance examination ng Don Bosco. Sana makapasok siya...

2. Kung matatapos ng umaga o kaya kung kasama niya si ate, ihahatid ko na lang sila doon, at siya na lang ang magbantay para makapunta ako ng school (Hauummm!!! You know what I mean...)

3. Tulog... (kasi nga wala pa akong tulog sa ngayon at kailangan kong matulog mamayang hapon... kung aabutan ko nga ang hapon na walang gagawin, puwede!)

4. Sulat na naman...

5. JP-KR Lesson. Kailangan na kailangan na talaga!!! (kahit sandali lang) Uver na uver stress 'to pero kaya yan!!!

Naku, unang blog, sakit sa ulo na kaagad ang nasabi. Hagrrrhhh...


10:00 a.m.
Kakagaling ko lang sa Don Bosco matapos kong samahan sila mama para mag-assess...
Okay... marami palang tao sa TSU...
Sandali lang, break muna...

Hindi ko alam kung paano ko 'to ikukwento. Bahala na kung ano na yung masasabi ko...

... nakita ko na yung grade ko at halos lahat bagsak. Nalaman kong hindi lang pala ako kundi pati yung ibang kaklase. Di ko na alam kung paano ko sasabihin kila mama yun dahil sigurado, manggagalaiti sila sa galit. Sa ngayon, alam ko na yung mangyayari. Natatakot ako, di ko alam kung ano nang gagawin...

Isa lang yung INC ko, pero bakit hindi pa nila nilahat...

Ang daya. Uuwi na ako 'kako, di na'ko magsa-summer class... wala nang subject na available.

Umuwi ako kaagad ng bahay. Mabilis magpatakbo ng sasakyan yung tsuper kaya nakita ko na lang na nasa bahay na pala ako na di namamalayan. Tinitignan ko silang lahat: ang ganda ng mood nila. Handa na sana ako sa mga sasabihin ko pero ayokong masira yung araw na'to para sa kanila. Ayokong malunes-lunesan na masermunan buong linggo, mahirap na.

Agad akong umakyat sa kuwarto kung saan doon na ako napaiyak ng todo. Hindi ako iiyak... pero naunahan na ako ng mga luha ko.

Pulang-pula yung mga mata kong bumaba ng kuwarto. Buti na lang di nahalata yung maga ng mata ko kasi medyo maliit 'tong mata ko. Hinayaan ko na lang muna sila. Mananahimik na lang muna ako sa isang tabi.

Nakakawala ng ganang magsulat kapag ganito yung nararamdaman ko. Ang hirap. Maghihintay na lang ako ng panahon at pagkakataon. Kung ganito lang, ayoko nang mag-aral. Nahihirapan ako. Dapat kasi pinatulan ko na yung alok nilang mag-air force ako. Mas payag na siguro ako ngayon...


03:46 p.m.
Tahimik pa rin.

Nagyayaya sila na mag-jogging. Sabi ko, gusto ko. Gusto ko namang maglibot-libot. Sa ngayon, tulog-tulog na lang muna. Wala pa kasi akong tulog simula kaninang 1:00 ng hatinggabi.

Inaantok na'ko, tulog na... oyasumi minna!


09:52 p.m.
Kakagising lang...

Ang sabi, hapon ng ala seis kami magj-jogging pero di naman nila ako ginising. Maghapon lang yatang naglaro ng computer yung kapatid ko at kung di pa yata ako bumaba ngayon, di niya pa isasara yung computer. Nanood na lang kami ng TV pagkasara niya ng computer kaya lang nang makilala yung pelikulang ipinapalabas sa TV5, huli na nang malamang paboritong pelikula pa pala yung ipinalabas nila.

... and I will be The One.

Palabas yan ni Jet Li, my idol. Sayang tapos na nang makita namin. Argh!

Miss ko na si Jet Li. Paano ba naman kasi nakaharang yung JK-Pop kaya wala na akong balita kay parekoy!

Oo nga pala, manunundo pa pala kami ni mama. Ayos lang, anong oras pa lang naman...9:55 na ng gabi eksakto. Matagal pa yung alas dose. Sigurado, alas dose y media na naman darating si ate. Hintay-hintay na lang muna...

- - - - -

*Unang entry ng Jay's black diary.

Monday, April 6, 2015

Ingay

Ingay ng mga tao,
Ingay ng mga sasakyan,
Ingay ng mga ibon,
Ingay ng mga dahong iniihip ng hangin,

Huminto ka't gisingin ang sensibilidad!
Pakinggan ang ingay sa iyong paligid.
Masakit man sa pandinig o hindi,
Isa itong biyaya ng Panginoon.

Biyaya ng Panginoon,
Na sa iyo'y umiibig at bumubulong
Ng pagpapala.
Pakinggan mo ang ingay...

... ng iyong pusong
Walang sawang tumitibok.
At nananatiling buhay
Upang ang ingay sa paligid,

Ay patuloy mong mapakinggan.