Tuesday, January 19, 2016

Pula

Hindi ako mahilig makikapit-bahay pero may panis na chismis pala akong nasagap sa limang magkukumare na kanina ko lang narinig matapos bumili ng mumurahing pasador sa isang tindahan. At dahil bagong lipat lang kami dito, isang kapit-bahay daw ang halos magpakamatay sa tindi ng inggit sa amin.

Nabigla ako.

Tinanong ko kung ano ito at ako ay lalo pang nabigla matapos itong malaman.

"Simpleng bagay lang," sagot ng isang palengkerang kapit-bahay. "Inggit siya sa oner ninyong sasakyan!"

Sumabog ang tawanan ng mga nagkukumpulang magkukumare. Yung tipo ng tawa na ubod ng lutong tapos parang nanggagaling sa ilalim ng lupa yung bawat halakhak pero magpapatuloy ako.

"Ay naku! Ingat ka, bagong kumare!" pagbabala sa akin ng isang ginang na kasalukuyang nagpapapedicure sa tapat ng tindahan. "Dahil magagawa kang sirain ng isang tao na may matinding inggit!"

Ngumiti na lang ako at napatango. Mahirap magtiwala't maniwala sa isang kuro-kurong sa kanto lang nasasagap. Ano pa bang malay ko kung isa itong kasiraan? At ayoko namang basta na lang umayon kung wala namang kasiguraduhan.

Tawa naman ng tawa ang asawa ko matapos itong marinig sa akin.

Isa ring sira ulo.

- - - - -

Tamang-tama ang ganda ng umaga.

Magkasama kaming dalawa ng asawa ko habang nagkakape sa veranda. Masaya kaming nag-uusap na siya naming nakaugalian nang mapansin namin ang isang kapit-bahay sa kabilang bakuran. Naroon siya sa tapat ng kanilang bahay habang pawalis-walis at maya't maya ang tingin sa aming dalawa ni mister.

Naalala ko, siya pala ang isang misis na pinnpulutan ng chismis kahapon.

"Magandang umaga po!" biglang binati ni mister ang pawalis-walis na misis sa kabilang bakod.

"Ay, ahehehe... magandang umaga rin sa inyong dalawa!" pagbati niya, pangiti-ngiti. "Nariyan pala kayo!"

"Kape po tayo!" paanyaya ko.

"Sige, salamat. Katatapos lang."

Ngiti, ngiti.

Bigla siyang nawala. Hindi ko alam kung pumasok na sa loob ng bahay nila.

Pero... mukhang hindi naman. Mabait naman ang kapit-bahay namin na inaakala ng lahat e dakilang inggit.

Sige, tuloy lang ang buhay...

- - - - -

Dahil malayo ang eskuwelahan sa bahay, ang asawa ko ang naghahatid sa anak namin hanggang eskuwelahan gamit ang oner. At dahil marami ring bakante ang loob ng oner e tama lang ang espasyo nito para magsakay ng mga batang naglalakad.

Nagkataong natiyempuhan namin ni mister ang kapit-bahay namin na tinagurian ng iba na 'dakilang inggitera' at pinasakay sa oner. Pansin ko, tuwang-tuwa siyang umupo sa passenger's seat (katabi ni mister ko sa driver seat) kung saan ako lang na asawa ang dapat na naroon sa halip na nasa likuran kasama ang anak ko.

Marami siyang kuwento noong una, tapos umuulit yung mga paksa, hanggang sa yung mga sinasabi niya e wala nang katuturan hanggang sa mabanggit niya ang tungkol sa pagkakaroon nila ng sasakyan.

"Aba! Mabuti naman kung ganoon!" pagbati ko. "Ayos 'yan para naman may service na ang anak niyo at ng hindi na mahirapang maglakad papuntang eskuwelahan!" masaya kong pagbati.

"Oo naman," sabi niya saka hinaplos-haplos ang buhok ng nakakandong na anak. "Mas maganda pa kaysa dito sa oner."

Nagtama ang mga mata namin ni mister sa rear mirror; nananahimik, nangungusap, at makahalugan. Sa loob-loob ko lang, malamang, sabay kaming magsasabi ng 'confirmed!' Iyon na!

Naging araw-araw na ang pagsakay niya sa oner namin tuwing umaga. Pareho din ang mga sinasabi at parang hindi siya nagsasawa sa iisang paksa kahit na sumingit ako para ibahin ito.

Hanggang sa makalipas ang ilang buwan e bigla siyang nawala sa araw-araw na pagsakay sa amin. Simula noon, wala na akong naalala ng mga panahon na iyon. Hindi na namin siya inaalala.

- - - - -

Bagong taon.

Sabi nga ng nakararami, suwerte daw ang kulay pula. Pero... dumating ang isang pagkakataong nagkaroon ako ng dalaw.

Buwisit!

Medyo delayed yata ako ng ilang linggo kaya nakakairita yung paglabas nito. Nakakainis at nakakairita yung buo-buong dugo! Ito yung tipo na parang jelly ace na naka-stuck sa intimate area ng isang babae at napakahirap kumilos!

Muli akong nagpunta sa suking tindahan at muli ko na namang nadatnan ang limang magkukumare. Ganoon din ang set-up. Walang pagbabago, gayon din sa binili ko pero bago na ang balita. Deja vu.

"May bago na siyang sasakyan!"

Sabog ulit ng tawanan. Tulad ng lagi.

"Sigurado, hindi iyon sa kanila," sabad ng isa.

Iniwan ko na sila matapos makipagtawanan.

- - - - -

Lunes ng umaga.

"Good morning!" biglang siyang bumati sa aming dalawa ni mister.

"Good morning din!" bati naming mag-asawa.

"Kumusta kayo? Pasukan na naman!"

Sumang-ayon kami.

"Sige, aalis na kami!"

Nagkatinginan kaming dalawa ni mister saka sinundan ng tingin ang kapit-bahay.

"Aba! May bago pala kayong kotse. Napakaganda naman!" pagpuna ni mister ko nang makita ang puting Toyota Corolla.

"Ay, oo! Binili ni mister!" sagot nito bago buksan ang pinto. "Mas maganda pa kaysa sa oner!"

Napailing na lang kaming dalawa.

Tinanaw namin ang plate number ng kotse. Rehistrado! Nagtawanan na lang kami nang makitang pula ang pagkakagawa ng vehicle plate.

Government property. Kanila daw ang puting kotse.

Totoo nga ang chismis, hindi nila iyon pag-aari.

Nakakahiya.

6 comments:

  1. I nominated you for the Versatile Blogger Award. Excited ako sa mai-ishare mo sa amin :)

    ReplyDelete
  2. ***Padaan :)

    Nakakatuwa naman at white na ang background ng iyong blog :)
    Di talaga kaya ng mata ko ang black background, ngayon makakapagbasa na ako ng hindi sumasakit ang aking mata :)

    At oo, excited na kami sa isi-share mo dahil ni-nominate ka ni AB! :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thanks! Naisip ko kasi ang plain and simple :D haha
      and about that, pakaabangan na lang, medyo busy ngayon eh, hehe

      Delete
  3. Nakakatuwa din magbasa dito sa lawak ng isip ng Jay Squirky World mo! hahahaha. More power sayo.

    - OPM Songs

    ReplyDelete
    Replies
    1. Oh, hello po! Maligayang pagdating sa bakuran ko. Salamat! Salamat! More power din sa iyo ^_^

      Delete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^