Hindi Kilala

Nagkakilala kami ng hindi sinasadya. Nagkamabutihan, naging magkaibigan, hanggang humantong sa pag-iibigan. Sa isa't isa namin unang natikman ang lahat: kasiyahan, pagmamahal, kiss, at sex. Masasabi kong napamahal na kami sa isa't isa na wala ninuman ang makakapaghadlang. Masayang masaya kaming nagsasama at pinangarap na sana ay wala nang wakas.

Pero, bigla siyang nawala at iniwan akong nag-iisa. Wala na akong balita sa kanya kaya hindi ko na siya inasahan pa. Ang malala, hindi ko alam ang tunay niyang pangalan at kung saan siya nakatira. Ang tanging tawag niya lang sa akin ay 'Pusa,' at 'Aso' naman ang tawag ko para sa kanya. Gusto kong alamin pero ang sabi niya sa akin ay saka na lang daw namin aalamin ang tunay na pangalan ng isa't isa kung kami talaga ang magsasama habambuhay. Dagdag niya, magugustuhan ko raw ang pangalan niyang ayaw naman niyang sabihin. Nakakadismaya!

"Ikinagagalak kong hindi kita nakilala," ito ang huli naming bati sa isa't isa bago kami naghiwalay.

Oo, masakit din ang pagkawala niya sa akin pero wala akong magagawa. Kailangan kong magpatuloy sa buhay at huminto sa pag-asa na magbabalik siya sa akin.

At kung kailan ko siya lubusan nang nakalimutan, doon naman siya muling nagpakita... pagkatapos ng sampung taon.

Napakalaki ng kanyang ipinagbago. Mas lalo siyang gumwapo at nagkaroon ng magandang hugis ng katawan. Lubos akong nasorpresa at natuwa, at doon ko napagtantong na-miss ko siya ng sobra dahil mahal ko pa rin siya.

Nagkumustahan kami at nagkuwentuhan. Hindi kami naubusan ng kuwento sa isa't isa. Hanggang sa nagtanong na siya sa akin na sinagot ko ng walang patumpik-tumpik, "Pusa, ano ba talaga ang tunay mong pangalan?"

"Ako si Jane."

"Hello Jane. Nice to meet you!" sagot ni aso.

"E ikaw. Ano ba ang tunay mong pangalan?"

"Sasabihin ko na ba?"

"Sige na, please. Alam mo na nga ang pangalan ko pero hindi ko pa alam ang sa iyo."

Hinintay ko siyang magsalita. Sa mga sandaling iyon, muli kong pinagmasdan ang guwapo niyang mukha. Ang magaganda niyang mata, matangos na ilong, at ang labi niyang mamula-mula na parang mas masarap yatang halikan ngayon kaysa noon. Grabe, sabik din pala ako sa kanya.

At sa wakas, dumating din ang tamang panahon na malalaman ko ang kanyang pangalan. Excited ako!

"Jane, ako nga pala si--" sandali siyang tumigil upang sagutin ang tawag sa telepono saka siya nagpaalam.

Muli na naman niya ako iniwan. At hindi ko na nalaman ang kanyang pangalan.

Comments

  1. Boom! :) Nakaka thrill hha

    ReplyDelete
  2. sus, nangyari na lahat lahat sa kanila, ni hindi man lang sya nagpakilala..

    ReplyDelete
    Replies
    1. e hayaan mo na. at least, masaya sila hahaha!!!
      Welcome to my blog! :D

      Delete

Post a Comment