Saturday, April 30, 2016

Pabebe Wave

Stalker ako ng syota mo. At habang pinagmamasdan ko ang mga magaganda niyang litrato sa account niya, nakita ko sa isang album ang litrato ng paborito mong aso na nasa tabi ng computer monitor sa opisina niya.

Uploaded. 1 minute. May caption pa ng 'My One and Only Love.'

Online siya na sinundan mo naman ng like. Online ka di pala na siyang ikinagulat ko. Akala ko, mahuhuli mo ako pero naalala kong hindi ko pala kayo friend. Hindi mo ako makikitang online. Gusto ko nga sana pero binura mo naman ang request ko para sa iyo. Magkaklase tayo. Maganda naman ang pakikitungo natin sa isa't isa pero sa Facebook, hindi?!

Plastik ka pala, pre. Sayang. Hindi mo ba alam na muntik na akong maging bakla dahil sa kaguwapuhan at kamachohan mo? Nakita ko kasi ang cover mong naka-wild pose sa isang batuhan. Naisip ko, type na kita. Oo, aaminin ko. Pero mas type ko ang syota mo. Maganda eh. Aaminin kong nagseselos ako dahil perfect match kayong dalawa.

Pero, aware ka ba na naghihintay ako ng friend confirmation ng syota mo? Medyo nangangamba lang ako sa bagay na iyon at sa mga oras na ito, dahil bigla kang nag-comment. Sabi mo, bakit hindi ang litrato mo ang nakalagay sa tabi ng computer monitor niya? Ang sabi naman niya, mas love daw niya ang aso mo kaysa sa iyo.

Natawa ako sa sumunod mong sinabi dahil mas matigas ka pa kaysa sa masel mo. Doon ko nalamang pati aso mo, maliban sa mga lalakeng nakapaligid sa syota mo, pinagseselosan mo din pala.

Heto ang ikinatuwa ko: Hinamon ka niya na magbigay ng litrato mo mula sa pagmomodelo. Dapat, naka-pabebe wave!

Syempre, ayon sa sarili mong paninindigan, nakakabawas daw ito ng pagkalalake kapag ginawa mo iyon. Medyo nanghinayang ako sa sagot mong iyon dahil hindi ko makikita ang maganda mong katawan na pinapangarap kong makita muli. Ayos na din pala dahil baka hindi ko makayanan, at baka bumigay na nga ang pagkalalake ko dahil sa iyo.

Umabot ang inyong conversation ng hanggang 57 comments habang parami naman nang parami ang like ng litrato. Habang isa-isang binabasa, ako tuloy ang nahihiya para sa inyong dalawa dahil sa not-so-mature ninyong awayan. Di bale, basa-basa lang naman ang ginagawa ko hanggang sa nabigla ako sa sinabi mong gusto mo nang makipaghiwalay.

Aray.

Kilala kita, pre, may iisa kang salita at wala kang pinangsisisihan. Ma-pride ka eh.

At makalipas ang isang linggo, ako naman ang inaway mo dahil sa litrato kong nakapa-bebe wave na nakalagay sa tabi ng monitor ng syota mo.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^