Wednesday, June 8, 2016

Apat

"Invite kita sa graduation ko, ha."

"Aba! Ikaw? Gagraduate?! Joke iyon???"

Tatango ang lahat saka sasabog ang mga nangunguntyang tawanan.

(--Isang linya ng joke. Mula ba ito sa radyo ng 101.1 YES! FM o sa 90.7 LOVE Radio?)

- - - - -

Apat na taon lang sana ako sa kolehiyo kung hindi lang ako naaksidente at huminto sa pag-aaral. Ito ang dahilan kung bakit umabot pa ako ng anim na taon sa kolehiyo bago magtapos. Nadismaya noon ang mga umasa. Nagdidiwang naman ang mga 'againts' sa akin dahil hindi daw ako nagtapos ng mga panahon na iyon. At ito ako, matindi ang pressure para sa mga naghihintay.

Nagpatuloy ako kahit nahihirapan. Kahit pilit. At kahit ayaw ko na. Suko ako. Hindi ko kaya. Wala na akong tiwala sa sarili lalo na't napag-iwanan na ako ng dalawang batch. Pero mapilit sila kaya nagpatuloy ako dahil gusto nilang magtapos ako. Nagtiwala silang muli. At dahil dito, naisip kong ayaw kong biguin ang kanilang pangarap na ipagtapos nila ako ng pag-aaral. Sa una pa nga lang ay iyon din naman ang gusto ko. Sa Iloco, 'agraraman' eh!

- - - - -

Ngayong araw ko lang napansing sabay pala ang graduation ko at sa apat na taong anibersaryo ng Jay's Quirky World. Marami nang nangyari na hindi ko na naisulat agad sa diary (oo, may diary ako) dahil sa tindi ng abala ko sa kung anu-ano, matinding pagod, at kadalasan, tinatamad magsulat.

Pero heto tayo ngayon, naitaon ang araw ng graduation ko sa araw ng ikaapat na taong anibersaryo ng Jay's Quirky World. Hanep sa paksyit, ne. Double celebration!

Masaya ang lahat. Nagdidiwang. Pero ako, hindi. Ewan ko kung bakit. Basta ang alam ko, hindi ako masaya... hindi ko naramdaman na nagtapos ako ng kolehiyo. At mas lalong hindi ko ramdam ang ikaapat na anibersaryo ng kamukha blog. Sa madaling salita, waaalaaa laaaannnggg!!!

Matibay ang mukha ko dahil nagtagal ako ng anim na taon sa kolehiyo. At mas lalong matibay ang pagmumukha ng Jay's Quirky World. Akalain mong aabot pa ito ng apat na taon sa bakuran ng internet, isn't amazing? Magaling! Congratulations naman sa mga pagmumukha ng mga tao sa paligid! Mabuhay ang kagandahan at kaguwapuhan sa ating mga pagmumukha!

And yes, congratulations din dahil graduate na ang mukha ko. For real. Biro lang pero totoo.

- - - - -

Sinusubaybayan ko na siya simula noong nagwagi siya ng unang parangal sa pagsulat ng tula. Makalipas lang ang ilang semestre ay napabilang din siya sa miyembro ng publikasyon ng pangpamantasan. Magaling siyang magsulat na lubos kong hinahangaan simula pa lang. Hanggang sa natuwa ako dahil siya na ngayon ang nailuklok bilang punong patnugot.

Hindi ko akalain na sa araw ng pagtatapos ko ng kolehiyo ay makakasabayan ko ang isa sa mga iniidolo ko sa pagsusulat. Nang makita ko siyang maglakad sa entablado upang kunin ang diploma ay bahagya pa akong nalito, natuwa, at nasorpresa.

Agad ko siyang hinanap nang matapos ang kalahating araw ng martsa at nagpalitrato kasama siya. At nang dahil sa labis na tuwa, basta na lang kumawala sa akin ang katagang "Bon, ikaw ang idol ko sa pagsusulat! Pa-picture naman!"

Pagkatapos noon, napagtanto kong sumaya naman din pala ako sa pagtatapos kahit hindi dumating ang mahalagang minamahal sa buhay--si daddy--na kasalukyang nasa Mindanao. Pagbati ko ng matamis na "Happy Father's Day" para sa kanya.

1 comment:

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^