Maliligo Ako sa Ulan

Tanghaling tapat. Tirik ang araw. Mainit. At maya-maya, napansin kong unti-unting kumulimlim ang langit. Pawisan ako mula sa tanghaliang sabaw na niluto ni mommy at naginhawaan nang umihip ang malamig na hangin sa labas ng bahay. Saglit akong sumulyap sa labas para alamin kung uulan, saka ko napansing umaambon na pala.

"Magpahinga ka," si mommy. "Maligo ka na mamaya," sabi niya sa akin.

Bumuhos ang malakas na...

"... sa ulan?" masaya kong itinanong. "Maliligo ako sa ulan?"

"Hindi," kasabay nito ang malakas na kidlat na sinundan ng dagundong ng kulog at agad niyang nilinaw na hindi raw ako maliligo sa ulan. Galit. "Gusto mong magkasakit?!" dugtong niya.

"Hindi ako magkakasakit. Malakas ako ngayon, diba? Daddy?"

Ganito ang diskarte ko: kung ayaw ni mommy, aba, nariyan si daddy na ibinibigay ang lahat ng gusto ko... sa isang salita ko lang!

"Oo naman. Sige, puwede kang maligo sa ulan," sagot niya na una ko nang inasahan.

Nagtagumpay ako. Nawala ang talim ng tingin ni mommy sa akin. Nakita kong ngumiti naman si daddy. Siguro, tulad niya ay payag na rin si mommy na makaligo ako sa malakas na ulan.

Agad kong hinubad ang pang-itaas pero pinigilan ako ni daddy. Hintayin ko raw munang lumakas ang ulan kahit para sa akin, malakas na ang ulan.

Sige. Naghintay ako. Napansin ko nga na mas lalong lumalakas ang ulan. Ayos!

Mula sa bintana, nakita ko ang mga kaibigang masayang naliligo sa malakas na ulan. Tinanong ko kay daddy kung puwede na akong maligo sa ulan pero hindi pa rin daw puwede. Hintayin ko pa raw itong lumakas.

Naghintay ako. Sa halip na lumakas, napansin kong unti-unti nang humihina ang ulan. Nag-alala nga ako na kung maliligo na ako ay baka hindi na ako matuwa kapag hindi na malakas ang ulan.

Ilang sandali pa ang lumipas, narinig ko ang mga kanta ni Dire Straits sa cassette tape na paborito ni daddy. Ito na rin kasi ang oras ng kanyang music trip. At habang nagra-rock n' roll na siya sa sala, doon ko na siya nilapitan at nagtanong kung puwede na ako maligo (pakipansing hindi ko sinabing sa ulan dahil alam niya na).

Pumayag siya. At doon ko tinanggal ang pang-itaas saka dali-daling lumabas ng bahay.

Pero... nadismaya ako. Umaambon na lang, wala na ang ibang kalarong masayang naliligo kanina sa ulan, at baha na lang sa kalsada ang natira. Pansin kong mayroon na ring araw. At naisip ko, sa baha na lang ako maglulublob.

Maya-maya, natakot ako nang marinig ko ng mga bulyaw ni daddy. Bakit daw ako naglulublob sa baha? Napagalitan ako at pinaliguan para tanggalin ang mga putik sa katawan habang umiiyak sa maya-mayang pagpalo ni mommy sa akin.

Comments

  1. Hahaha, pasaway na bata! Hinayaan na sa isang bagay pero sumobra naman.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ako kaya iyan noon. Ahahaha!!! Sarreh

      Delete
    2. Hahah, bakit nag-a-apologize? Keri lang yan. Mga pasaway na bata tayo eh.

      Delete

Post a Comment