Friday, July 8, 2016

Ako at ang Gagamba

Ang maliit na gagamba,
Umakyat sa sanga.

Taimtim kong pinagmamasdan ang gagamba na gumagawa ng kanyang sapot sa bintana. Sa lagay kong iyon ay manghang-mangha ako sa paglabas ng kanyang sapot at sa paraan ng kanyang paghahabi. Idagdag pa rito ang nakakamanghang pag-alon ng buong bahagi ng sapot sa mahinahong ihip ng hangin.

Dumating ang ulan,
At naitapon siya.

Nang matapos ang gagamba at gumitna sa kanyang 'bahay' ay agad ko siyang kinuha saka isinilid sa hawak na posporo. Sinira ko ang sapot na ilang minutong pinaghirapan ng gagamba hanggang malinisan ang bintana.

Kinabukasan, nawala ang gagamba. Umulan ng malakas kinahapunan. Humangin, nagbaha, at nasira ang lahat ng bahay dahil sa mapanirang puwersa ng bagyo. Walang natira tulad ng pagsira ko sa sapot ng gagamba sa bintana kahapon.

Sumikat ang araw,
Natuyo ang sanga.

Kinaumagahan, mag-isa akong humahagulgol sa ilalim ng nasirang puno habang nakatambak sa paanan ng puno ang bangkay nila mommy at daddy, ate at kuya. Ganoon din ang ibang kapit-bahay na hindi pa rin makita ang mga nawawalang mahal sa buhay dahil naitangay ng rumaragasang baha.

Sumikat ang araw. Naliliman ako ng mga sanga ng puno na kahapon lang ay luntian at puno ng dahon. Nakita ko sa isang maliit na sanga ang isang gagamba. Abalang-abala sa paghahabi ng kanyang sapot. Palagay ko, iyon ang hinuli kong gagamba noong isang araw.

Kung siya nga ang nahuli ko kahapon ay mabuti pa siya, nakaligtas at nagawang ibangon ang sarili matapos kong huliin at sirain ang kanyang sapot. Pero ako, hindi nakatakas at hindi magawang ibangon ang sarili nang salantain ng bagyo.

At ang maliit na gagamba,
Ay nakaakyat na sa sanga.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^