Wednesday, November 9, 2016

RA 8285

Dumating noon si tatay sa bahay na halos bumagsak sa sahig sa sobrang lasing. Naabutan niya ako sa sala na nakikipaglaro sa aso kong si Medyas, isang Akita, na iniregalo sa akin ng isang kaibigan.

"Itali mo yung aso. Sumama kayo sa akin."

Ginawa ko kahit ayaw kong gawin. Iyon ay dahil ayaw kong ihampas na naman ni tatay sa akin ang kapaki-pakinabang niyang belt.

Hila-hila ko si Medyas na sumakay ng isang tricycle at nakarating sa isang colesium. Natuwa ako dahil napakarami kong nakitang magaganda at malalaking aso. Pero nakakatakot dahil matatapang at galit sila sa kapwa aso. Malalakas sila, malalaki ang pangil, at naglalaway. Palagay ko, ganoon ang uri ng mga asong ma-rabies.

Binigyan ni tatay si Medyas ng isang pirasong biskwit bago dinala sa likod. At pagpasok namin sa colesium, tumambad sa akin ang libo-libong mga kalalakihang naghihiyawan, nagpapasahan ng mga pera, at panay hithit-buga ng sigarilyo.

Hindi na ako nakapagsalita nang makita ko si Medyas sa entablado. Kasalukuyan na pala siyang nilalapa ng isang mas malaki pang aso kaysa sa kanya. Pinag-aaway. Pinagpupustahan ng lahat kung sino ang mananalo sa kanilang dalawa. Nakakulong silang dalawa. Walang takas. At walang kalaban-laban ang aso kong si Medyas na nagkalat ang dugo sa buong entablado. Nakiusap ako kay tatay na iligtas si Medyas pero malalakas na sampal lang ang ginawa niya sa akin.

Maya-maya, nagalit si tatay. Natalo daw ang aso kong si Medyas na hindi man lang daw lumaban. Panay pa ang hambalos ng kanyang belt sa sugatang katawan ni Medyas at sinisisi ang pagkawala ng pusta niyang galing pa sa kanyang sahod. Gusto ko siyang ipagtanggol pero takot ako sa nanggigigil na kamao ni tatay.

Nagmadali si tatay na itinali si Medyas sa likod ng tricycle. Pigil ang luha ko noon na pinagmamasdan si Medyas na walang lakas na humahabol sa likod namin. At kung alam ko lang na ganito ang sasapitin niya, malamang, mailalayo ko siya dito. Hindi pinakikinggan ni tatay ang pakiusap kong pahintuin ang tricycle at dalhin si Medyas sa pagamutan. Hindi na siya naawa sa duguan kong aso na halos mailampaso na sa lupa.

Maya-maya, huminto kami sa isang liblib. Nakakita ako ng dalawang malalaking lalake. Yung isa, nakasakay sa truck. At yung isa, hinila si Medyas at dinala sa isang maliit na kulungan sa likod ng truck. Selyado ito ng makakapal na yero na walang liwanag sa loob. Pero bago pa siya makapasok, nakatikim si Medyas ng malulupit na hampas sa lalake na nagpahiyaw kay Medyas na nagpupumiglas. Puwersahan siyang nilagyan ng lata sa nguso na nagsilbing busal para hindi mangagat na nagpahiyaw sa akin. Nakikiusap na huwag siyang saktan.

Pinatay nila doon si Medyas sa pamamagitan ng pagbubuga ng maitim na usok ng truck. Nakakapanlumo silang lahat. Lahat. Lahat sila. Hindi ko alam kung bakit nila ito ginawa sa amin. At hindi lang siya nag-iisa, marami sila!

Niyakap ko ng mahigpit ang walang buhay na katawan ni Medyas. Hinila ako ni tatay bago ihinagis ang katawan ni Medyas sa malaking kahon na bakal na magpipitpit sa ibang aso para maging isang buong karne.

Hindi ko na nakayanan pa ang mga sumunod na nangyari. Hindi ko na pinanood kung ano pa ang gagawin nila kay Medyas at sa ibang aso. Basta, ang alam ko, natulog ako kinagabihan habang nag-iinuman ang mga barkada ni tatay. Walang ibang pulutan kundi ang karne ni Medyas.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^