Friday, December 2, 2016

Bagyo

Nagulantang ako nang makarinig ako ng sigawan sa kapit-bahay, na sinundan ng isa, at ng isa pa, at ng iba pa. Bigla akong kinabahan dahil nag-iiyakan yung iba. Hagulgol na parang namatayan. At yung iba naman, masaya't naglulundagan pa. Panay ang 'congratulations', 'ipinagmamalaki ka namin', 'binabati kita', at 'we are so proud of you' sa kung sino man.

Nawala ang intriga ko nang masagot ng isang kapit-bahay ang tanong ko: nailabas na pala ang resulta ng board exam!

Ginapangan ako ng kaba sa buong katawan. Maluha-luha't dali-dali akong pumasok ng bahay, umakyat sa kuwarto ko, isinindi ang modem, wi-fi, laptap, tablet, desktop, at hinanap sa google ang listahan ng mga pumasa. Nagkamali pa ako at naligaw sa isang listahan ng mga pumasa noong nakaraang taon. Nanginginig ang kamay ko sa pagpindot ng keyboard at mouse. Bigla akong naguluhan. Nag-panic na ako ng di oras hanggang sa lumagpas na ako sa pag-scroll ng roller. Nalagpasan ko na ang 'C' at nakarating na sa dulo ng 'N'.

Binalikan ko ang letrang 'C'. At--bigla na lang akong napatanga--nang malamang naroon nga ang apilyedo ko pero sa pangalan naman ng iba. Wala ang pangalan ko sa mga pumasa!

Hindi ako makagalaw. Hindi ako makapagsalita. Nanuyo ang lalamunan ko at natulala. Hindi ko namalayang nagsara ang mga kamao ko saka dali-daling nag-unahang pumatak ang mga luha kong gusto nang kumawala noong una pa lang. Napatanong ako sa sarili: "Ano. Ang. Nangyari?"

Napayuko ako. Humihikbi, hanggang humagulgol ng matinding iyak sa harap ng desktop. Ano na ang susunod na mangyayari? Paano na ako? Paano na ang mga magulang na sa akin lang umaasa? Paano na ang limang taong pinaghirapan ng mga magulang kong halos gumapang at maglupasay sa lupa para lang ipagtapos ako ng kolehiyo? Paano na ang mga buwis-buhay na sakripisyo't paghihirap ko, at ng mga magulang ko, para lang ibagsak ang 850 items na pagsusulit na iyon? Paano na ako?

Naguguluhan ako. Nasasakal ako. Napagtanto ko na mas masakit pala ang katotohanang ito kaysa noong iniwan ako ni Sarah at sumama sa iba. Mas masakit ito. Anong mukha ang ihaharap ko sa mga magulang kong naghihintay ng balita at umaasa sa akin? Nahihiya ako. At hiyang-hiya ako. Dapat ko pa bang iharap ang pagmumukha ko sa kanila? Tingin ko, hindi na... muna.

"Ayos lang iyan," sabi ng isang malapit na kaibigan sa telepono na mukhang hindi namomroblema ng mga sandaling iyon. "Kumbaga sa pag-ibig, may second chance pa naman para sa mga taong nasawi eh. May pagkakataon pang maging tayo," pagbibiro niya pero lalake din siya. "Sigurado, papasa na tayo sa susunod."

Sana nga totoo iyon. Pero pakiramdam ko, napakabobo ko na hindi na dapat pang magtatagal ngayon sa mundong ibabaw. Iyan ang tingin ko sa sarili. Hindi ko matanggap ang nangyari. Mahapdi. Ubod ng sakit. Lalo na nang marinig ko ang isang kapit-bahay kinabukasan na nagsasabing 'hindi daw kasi ako nagbigay ng lagay para pumasa.' Sila daw kasi, ganoon ang diskarte kaya hindi nahirapang pumasa. Kota na eh. Sa umpisa, alam mo nang pasado ka. Nagbayad eh. Wala nang pangamba kung babagsak o hindi. Bahagi na daw kasi iyon ng sistema na bagamat talamak, ay garapalan ang pandaraya. Masyado daw akong nagpakabanal.

Mahigit pitompu't pitong libo ang kumuha ng exam sa buong bansa pero mahigit dalawampu't tatlo lamang ang pumasa. Ang mga natira, bagsak. At kung totoo ngang marami nga DAW ang naglagay para pumasa, palagay ko, kaunti lang talaga ang pumasa. Kumusta naman kaya ang kanilang kredibilidad?

At ito namang mga magulang ko, hindi ko man lang nakitang nagalit sa akin. O sumbatan man lang ako. O murahin, ibigti, lasunin, lunurin sa batya, sunugin, o ipabaril agad-agad sa Luneta. Sa tingin ko, ako lang ang nagsakal sa sarili ko dahil sa totoo lang, masyado na akong nananamantala ng lakas ng mga magulang ko para sa akin. Masyado na akong nahihiya dahil matatanda na sila. Ang gusto ko lang naman ay ang mapasaya sila. Bigyan ng isang malaking pasabog na magandang sorpresa na ikasasaya nila pero ako naman itong nasorpresa sa hindi ko pagkasama sa mga pumasa. Lintik na sorpresa iyan.

Di bale, kahit salantain man ako ng bagyong ito, ayon naman sa isang kanta:

Pinahihina rin ang ulan
Pinahihina rin ang bagyo
Liliwanag din ang kalangitan
At ang araw ay sisikat na muli

Siguro, kailangan ko munang ipahinga ang sarili ngayon dahil sa nangyari. Malalagpasan ko rin ito... tulad ng masakit na pag-iwan sa akin noon ni Sarah.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^