Tuesday, December 27, 2016

Cottage

Maangas na bilin ni C.O. (command officer), duty daw ako ng 6 ng gabi hanggang 6 ng umaga saka siya umalis. Napakunot pa ako ng noo dahil umasta pa siya sa harap ng ibang officer na parang ka-buddy ko lang samantalang siya ang kagalang-galang sa headquarters. Hindi ko naman maintindihan ang huli niyang sinabi na huwag daw akong matakot sa isang rosas.

Alam ko na ang destinasyon ko: doon ako sa cottage. Tatlong minuto lang ang layo kung lalakarin sa likuran ng headquarters. Liblib, maraming puno, at ubod ng dilim tuwing gabi. Magbabantay lang ako doon dahil baka may ibang sibilyan o sino mang outsider na makapasok sa bomb area. Delikado.

Karamihan sa mga kasamahan, ayaw doon mag-duty. Ewan ko kung bakit pero gustong-gusto ko doon dahil malamig, mapuno, at tahimik. Himala nga dahil ngayon lang nila napagbigyan ang kagustuhan kong doon ako mag-duty. Sabi ko nga, tatanggapin ko kahit gabi.

Siguro, alam ko na din ang dahilan kung bakit ayaw ng iba na dito mag-duty: ayaw nila dito dahil walang linya ng kuryente. Walang linya ng telepono. Walang TV o radyo. At higit sa lahat, walang signal. Wala ding ilaw. Paano naman kasi, cottage LANG naman daw ito kaya bakit nila bibigyan ng pansin para pagandahin? Pero mas gusto ko dito kahit ayaw ng iba. Ang problema ko lang ngayon, kaunti na lang ang reserbang gaas na mayroon ako ngayong gabi para sa gasera.

Nagtyaga ako sa liwanag ng mumunting gasera. Inaliw ang sarili sa pakikinig ng ingay ng mga puno na hinihihip ng hangin. Naglaro ng Snake, Space Impact, Bantumi, at Pair II sa cellphone kong Nokia 3310. Inubos ang ringtone playlist ng Type 1 to 35. At nag-compose ng ringtone hanggang hindi ko na ring namalayang na-battery low. Nakakabagot din pala.

Maya't maya ang pagtayo at paglakad-lakad sa paligid ng cottage. Hindi ko makita ang hangganan ng kadilimang wala man lang ibang liwanag maliban sa pagtutok ko ng flashlight sa paligid. At pagbalik ko sa entrance, nadatnan kong wala nang apoy ang gasera.

Muli kong isinindi ang isinarang flashlight saka nabigla matapos makita ang isang rosas na nakapatong sa tabi ng gasera matapos kong ilawan. Sa tindi ng dilim, sino naman kaya ang maglalapag noon ng walang ilaw?

Saglit akong napahinto. Pilit kong pinakikiramdaman ang paligid. Wala akong naramdamang kakaiba maliban sa malamig na pag-ihip ng hangin na parang may bumubulong. Isang bulong na parang malapit lang sa akin. Hindi lang basta bulong. Binibigkas niya ang pangalan ko sa pamilyar na boses. Palapit nang palapit. Palakas nang palakas. At parang... nasa likod ko lang.

Nabitiwan ko ang flashlight at natumba sa sahig. Tumapat sa mata ko ang liwanag matapos gumulong. Kasabay ng pagkawala ng malay ko ay ang pagkawala ng isang nilalang na nahagip ng paningin ko bago nawala sa ere. Kulay itim. Nanlilisik ang mga malalaking mata na pumantay sa paningin ko. At may hawak na isa pang rosas.

Mukhang alam ko na talaga ngayon kung bakit ayaw ng iba dito sa cottage.

1 comment:

  1. ano ang tawag sa creature na yun? at bakit may rosas?
    literal ko bang inintindi ang kwento? meron bang ibang kahulugan?
    hahaha :)

    happy holidays!

    ReplyDelete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^