Saturday, December 24, 2016

Murder

Lumuwag ang pakiramdam ko nang malamang namatay na si Rhaman. Siya lang naman ang walang awang gumahasa at pumatay sa nobya ko dahil hindi daw niya matanggap ang kanilang paghihiwalay.

Hindi siya kinasuhan dahil kulang ang mga ebidensya na magdidiin sa kanya sa kaso. Hindi namin ito nagustuhan. Nagalit ako ng matindi dahil hindi namin nakamit ang nararapat na hustisya sa pagpaslang niya sa nobya ko. At ang suspek na si Rhaman, malayang-malaya kong nakakasalubong sa kalsada na parang hindi nakagawa ng karumal-dumal na krimen.

Nagalit ako na halos pinangingilagan na ng lahat. Hindi ako nakakatulog tuwing gabi. Mag-isa akong bumubulong na hindi tumitigil habang isinusumpa siya araw man o gabi, at paulit-ulit ko siyang pinapatay sa isip sa lahat ng paraan na kaya kong gawin. Na sana, mapasok ko ang mundo ng kanyang panaginip at doon siya pahirapan hanggang mamatay.

Bumalik ako sa dati nang malaman kong namatay na siya. Isa itong sagot sa nagtatanong naming hustisya. Isa itong tagumpay.

Bangungot ang ikinamatay ni Rhaman. Hindi daw siya magising ng kanyang nanay. Sigaw daw ito ng sigaw at nakikiusap sa akin na huwag ko daw siyang papatayin dahil nagsisisi na daw siya sa kasalanan niya. At pagkatapos noon, wala na. Hindi na siya nagising.

Kinabukasan, kinasuhan naman ako ng kanyang nanay ng murder at dahil walang ebidensya na pinaslang ko nga ang hayop na Rhaman na iyon, hindi ako pinarusahan ng batas.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^