Tuesday, February 16, 2016

Panukli

"Org shirt, 250 pesos. Bukas na ng umaga ang deadline ng bayad," sabi ni Kim na medyo pa-bossy habang nasa harap ng klase.

Umangal ang iba na kesyo wala daw silang pambayad bukas pero wala daw magagawa si Kim kung iyon ang inutos sa kanya ng president.

Kinabukasan.

"Bayad mo, 250 pesos."

Umeksena si Kim habang tahimik akong nagsusulat sa isang sulok, kung saan ako nakaupo sa classroom, saka niya hinanap ang pangalan ko sa listahan para markahan na nakuha ko na nga ang org shirt.

"Wala akong barya. Puwede ba akong magbayad sa iyo mamaya? Ipapabarya ko lang itong limang daan," paukiusap ko.

"Ayos lang 'yan! May panukli ako," sabi ni Kim.

Ibinigay ko ang limang daang piso. Ibinigay niya sa akin yung org shirt. Ayos, kumportable at medyo maluwag. Ipinapirma niya ako sa tabi ng pangalan ko saka niya ibinigay ang sukli.

Ayos na sana e, pero nadismaya ako matapos ibigay ang sukli kong 250 na tigpipiso-piso na nakalagay pa sa plastik ng yelo. Nakita ito ng ibang kaklase saka nila ako tinawanan.

Punyeta.

Sunday, February 14, 2016

Hindi Kilala

Una sa lahat, maligayang araw ng puso!

Mabuhay tayong mga single!

Iyon lang.

-jay

- - - - -

Nagkakilala kami ng hindi sinasadya. Nagkamabutihan, naging magkaibigan, hanggang humantong sa pag-iibigan. Sa isa't isa namin unang natikman ang lahat: kasiyahan, pagmamahal, kiss, at sex. Masasabi kong napamahal na kami sa isa't isa na wala nino man ang makakapaghadlang. Masayang masaya kaming nagsasama na sana ay wala nang wakas.

Pero, bigla siyang nawala at iniwan akong nag-iisa. Wala na akong balita sa kanya kaya hindi ko na siya inasahan pa. Ang malala, hindi ko alam ang tunay niyang pangalan at kung saan siya nakatira. Ang tanging tawag niya lang sa akin ay 'Pusa,' at 'Aso' naman ang tawag ko para sa kanya. Gusto kong alamin pero ang sabi niya sa akin ay saka na lang daw namin aalamin ang tunay na pangalan ng isa't isa kung kami talaga ang magsasama habambuhay. Dagdag niya, magugustuhan ko daw ang pangalan niyang ayaw naman niyang sabihin. Nakakadismaya!

"Ikinagagalak kong hindi kita nakilala," ito ang huli naming bati sa isa't isa bago kami naghiwalay.

Oo, masakit din ang pagkawala niya sa akin pero wala akong magagawa. Kailangan kong magpatuloy sa buhay at huminto sa pag-asa na magbabalik siya sa akin.

At kung kailan ko siya lubusan nang nakalimutan, doon naman siya muling nagpakita... pagkatapos ng sampung taon.

Napakalaki ng kanyang ipinagbago. Mas lalo siyang gumwapo at nagkaroon ng magandang hugis ng katawan. Lubos akong nasorpresa at natuwa, at doon ko napagtantong na-miss ko siya ng sobra dahil mahal ko pa rin siya.

Nagkumustahan kami at nagkuwentuhan. Hindi kami naubusan ng kuwento sa isa't isa. Hanggang sa nagtanong na siya sa akin na sinagot ko ng walang patumpik-tumpik, "Pusa, ano ba talaga ang tunay mong pangalan?"

"Ako si Jane."

"Hello Jane. Nice to meet you!" sagot ni aso.

"E ikaw. Ano ba ang tunay mong pangalan?"

"Sasabihin ko na ba?"

"Sige na, please. Alam mo na nga ang pangalan ko pero hindi ko pa alam ang sa iyo."

Hinintay ko siyang magsalita. Sa mga sandaling iyon, muli kong pinagmasdan ang guwapo niyang mukha. Ang magaganda niyang mata, matangos na ilong, at ang labi niyang mamula-mula na parang mas masarap yatang halikan ngayon kaysa noon. Grabe, sabik din pala ako sa kanya.

At sa wakas, dumating din ang tamang panahon na malalaman ko ang kanyang pangalan. Excited ako!

"Jane, ako nga pala si--" sandali siyang tumigil upang sagutin ang tawag sa telepono saka siya nagpaalam.

Muli na naman niya ako iniwan.

At hindi ko na nalaman ang kanyang pangalan.

Thursday, February 11, 2016

Sariwang Dinuguan

Gabi.

"Puwedeng pumasok muna sa bahay niyo?" tanong ng babae kay lalake.

"Hindi puwede kung mahal mo pa ang buhay mo."

Sandali silang tumigil sa pagdaan ng isang matandang lalake. "Uy! Pahingi akong dinuguan mo mamayang gabi ha."

"Sige po. Makakaasa po kayo."

Tumatawang umalis ang matanda at biglang nawala.

"Cold ka lately'" pagpapatuloy ni babae. "Maaari naman nating ituloy ito sa loob ng bahay mo di'ba? Sige na..." pang-aakit ni babae saka hinimas-himas nito ang makisig at matipunong katawan ng lalake pababa sa nakabukol roon.

Agad natukso ang lalake. Mahina siya. Hindi niya kayang lumaban.

Natuloy silang dalawa sa kama saka nagniig hanggang maabot ang rurok ng kaligayahan.

Nagbihis si babae. Nanatiling hubo't hubad itong si lalake na tumayo mula sa kama at nagtungo sa lamesang sulatan upang magbasa ng nobela.

"Ramdam ko, parang may nakatingin sa atin dito kanina pa. Sigurado ka bang tayong dalawa lang dito sa bahay mo?"

"Oo. Huwag ka nang maingay! Malapit na akong matapos sa binabasa ko."

"Hindi mo ba ako ihahatid sa labas?"

Katahimikan.

"Hoy! Sige na naman! Pangako, hindi ko na sasabihin ito sa syota mo."

Nagbuntong hininga itong si lalake, Nagtupis ito para takpan ang ipinagmamalaki saka sinamahang lumabas ng kuwarto ang babae. Hindi pa man nila nararating ang pinto ng madilim na sala ay biglang nawala ang babae sa tabi ng lalake. May kumuha sa kanya ng isang kisap mata mula sa isang madilim na sulok na gawa ng kung sino man.

Kalmadong nilingon ng lalake ang madilim na parte. Wala siyang makita, tahimik. Mukhang sinadya niyang hindi magsindi ng ilaw. Nanatili lamang siyang naroon hanggang sa marinig niya ang sigaw ng babae na humihingi ng tulong. Siguro, nagmamakaawa.

Nanatiling tahimik ang lalake. Nakatayo, nakangiti, at parang wala siya sa sarili.

"Diba, ang sabi ko sa iyo noong una, hindi ka na makakalabas ng buhay dito sa bahay?"

Walang sumagot pero maliwanag na maingay: ingay ng nagmamakaawang babae at ingay ng dalawang malalaking aso na ubod ng bangis sa madilim na sala.

Nagtungo siya sa kanyang kuwarto at nagpatuloy sa pagbabasa hanggang matapos. Doon niya isinara ang libro at nagtungo sa sala, saka isinindi ang maliwanag na ilaw.

"Wow!"

Nakita niya si babae na naliligo sa sariling dugo. Katabi nito ang dalawang malalaking Doberman.

Isinawsaw ni lalake ang kanyang daliri sa nagbahang dugo saka ninamnam. Nasarapan siya't humalakhak habang hinihila ang paa ng bangkay ng babae patungo sa kusina.

Dumating ang kanyang ama makalipas ang ilang oras. Saglit pa itong napahinto sa pinto upang langhapin ang mabango at nilulutong sabaw na kanyang paborito.

"Anong ulam natin?" tanong ng ama.

"Sariwang dinuguan. Malaman, madugo, masarap. Salamat sa dalawang bantay!"

Nagtawanan silang mag-ama at sabay na nagsalo.

Tuesday, February 9, 2016

Discharge

Biyernes ng gabi.

Happy hour... na ang commanding officer (CO) ninyo ang may pakana dahil na-promote ka mula staff sergeant hanggang sa technical sergeant. Uy, tumaas ang ranko, good news! Marami ang nabigla pero ayos lang dahil deserve mo naman. Pero marami ang lihim na nainggit. Nagkaroon ng bulung-bulungan na sumisipsip ka sa CO ninyo na patago kang binibigyan ng pera. Ang hindi nila alam e iyon ang mga panahon kung kailan ka gipit sa pinansyal.

Oo nga pala, nasa misis mo yung ATM card mo para ipangtustos sa anak ninyong lalake na kasalukuyang nag-aaral sa isang bigating technical institution. Pero may chismis eh. Ang sabi, pinapatos mo daw yung CO ninyo at nag-oovernight sa bahay nila sa tuwing wala ang misis nito. Syempre, nagagawa mo daw iyon kasi gipit ka. Ang paraan mo upang mabuhay ka e nakikisiping ka sa CO ninyong bading (daw) pero ikaw na lang pala ang hindi nakakaalam ng chismis na bading ang CO ninyo. Kapit ka daw sa patalim. Oo, chismis lang pero masakit... at nakakadiri!

Syempre, kapag technical sergeant ka na e hindi lang ranko mo ang tataas kundi level up din pati ang sahod! Lumalaki ang pera sa ATM na karapat-dapat lang talaga sa mga naghihirap mong pamilya at hindi sa mga kamag-anak mo na parang riles ng matarik na hagdan ang turing sa iyo na mahigpit kung makakapit upang marating ang mataas na kaginhawaang hindi dapat sa kanila. Syempre, ibang eksena na iyon. Isa na naman kasiraan. Inggit nga sa iyo di'ba?

At ngayong happy hour ng mga (nagtotorotot, petiks, kinakalawang, pawalis-walis, patamud-tamod, pakatis-katis, pakangkang, nagkakalong at nagpapalaki lang ng titi't bayag, mga putangina't mga gago't tarantado, at mga dakilang plastik at inggit na) kapwa mo sundalo para i-celebrate 'kuno' ang pagka-promote mo e sagot ni Sir CO ang karaoke, beer, at masasarap na Hors D' Oeuvres na nakahain sa lamesa. Pare-pareho kayong nagpakalasing, nagpakasaya, hangang bumagsak.

Heto pa ang matindi. Kumpiyansa ka na negative ang resulta mo pero nag-positive ka sa random drug test sa headquarters ninyo makalipas ang isang araw.

Marijuana.

Marami ang lihim na nagbunyi. Alam ba ng asawa't anak mong naghihintay sa iyo? Hindi ka naman tumitikim ng ano mang bawal na gamot pero paano ka nag-positive? Naset-up ka no?

Alam kong umapela ka. Umulit kang nagpa-test habang nakasubaybay ka pero positive talaga hanggang sa maalala mo ang happy hour noong isang gabi. Isa pala sa mga putaragis mong kapwa sundalo ang naglagay niyong sa kinakain mo ng hindi mo alam.

Ipinagkanulo ka nga nila.

Pansamantala kang dinala sa Military Police Precinct para umapela at ikinulong habang alam mong ginigisa lang ng paikot-ikot ang kaso mo sa itaas. Hindi rin pumayag ang JAGO na kumuha ka ng isang abogadong hindi militar o outsider dahil alam nilang sila ay babaligtad. Ang dahilan, unconstitutional naman daw ang ganoon. Ang kaso ng mga sundalo ay para lamang sa mga sundalo, hindi kasama ang mga sibilyan.

Nagdaan ang araw at gabi, linggo at buwan, pero wala na yatang pumapansin sa iyo habang nakakulong ka maliban sa pamilya mong naghihinagpis sa sitwasyon mo. Kung sabagay, sa larangan ng kasundaluhan, bakit nga ba kasi pakikialamanan ng nakatataas ang kaso mo kung sa umpisa pa lang e dapat discharge agad sa serbisyo, ginusto mo man ang nangyari o hindi. Isa pa, ang masakit pa nito e wala ka naman sa field. Wala kang pakinabang sa kanila kaya kahit mawala ka sa serbisyo, ayos lang sa kanila. Hindi iiyak ang Camp Aguinaldo sa Manila kung mawawala ka.. pero hindi sa iyo dahil kailangan ka ng anak mo.

Tama nga naman kasi ang sinasabi sa iyo ng iba na huwag ka nang umasa pang maitutuwid ang kaso mo kung may kinalaman ito sa droga. Alam mo naman iyan kasi sundalo ka. Marami ka nang nilapitan at hiningian ng tulong pero wala talaga eh. Bad shot ka agad sa isang krimeng hindi mo naman talaga ginawa pero walang magagawa ang iba sa iyo dahil batas mismo ang binangga mo ng hindi sinasadya.

Sa ngayon, ramdam mong para kang binuntis saka hindi pinanagutan. Minsan, naisip mo na lang na sana, hindi ka na lang na-promote sa ranko na siyang naglaglag naman sa kinalalagyan mo ngayon.

Pero heto ha, happily ever after naman pala ang ending ng kuwento mo... para sa mga kapwa mo sundalong matindi ang inggit sa iyo. Ang ending e idiniin na sa iyo ang kaso sa paggamit ng droga saka ka tinanggal sa serbisyo. Malas mo kasi wala kang matatanggap na benepisyo gayon din ang asawa't anak mong nag-aaral pa ng elementarya. Meron pa, hindi ka lang kinasuhan, tinanggal sa serbisyo, kundi may instant criminal records  ka pa.

Engrande di'ba?

Napakasarap mong pagtawanan.

Sayang. Nasira din ako sa iyo dahil guwapo ka pa naman at kapangalan pa naman kita.

Well, ganyan talaga ang buhay, parang life...

Sunday, February 7, 2016

Tour Guide

"Good morning ma'am, good morning sir. Welcome to Aquino Mental Ward and my name is Nini, at your service!"

Pare-pareho kaming napanganga sa isang magandang babae na sumalubong sa entrance ng gusali. Fluent ang English communication skills niya (note: American Accent!) habang suot ang isang ordinaryong pink t-shirt na may kuwelyo na una kong pinagtatakahan. Medyo weird pero ayos lang. Huwag na rin pansinin ang gulo ng buhok na halatang nagmadali sa pag-aayos.

Nagsilbi siyang tour guide namin sa buong gusali. Napakaganda ng buong lugar. Idinetalye niya ang lahat ng sulok ng Mental Ward, note: in English! Ang kanilang opisina, ang veranda, ang kusina, ang CR, ang mga kuwarto, maski guest room e hindi niya pinatawad. Dapat pala, sumama na ako sa kabilang grupo dahil mas madaling natapos ang pagtu-tour nila pero ayos lang. Sayang naman yung effort ng babae kung hindi namin siya pakikinggan. Pero sulit ha. Napakarami niyang trivia na lubos naming ikinatuwa.

At ang huli naming destinasyon ay sa entrance. Doon na siya nagsabi-sabi ng kung anu-ano habang tinatawanan siya ng mga empleyado hanggang sa...

"That's all, thank you very much!" sabi nito saka siya naglabas ng kutsara't tinidor. Tumalon-talon siya, sumigaw-sigaw, nagbali-baligtad sa sahig at gumugulong-gulong saka tumakbo nang tumakbo habang hinahabol ng isang empleyadong nag-aalaga sa kanya.

"Kanina pa kita hinahanap, nandito ka lang pala! Halika na, paliliguan na kita!"

Bago niya kami iniwan ay sumigaw pa siya ng 'congratulations!' na parang nagbibigay ng pera sa Wowowie matapos siyang mahuli ng kanyang taga-alaga saka nawala. Dinig na dinig pa namin sa buong hall ang mga sigaw nitong "Hallelujah! Hallelujah! Praise the Lord! Hallelujah!"

Tama nga naman ang paalala sa amin ni chairperson na huwag basta maniwala sa mga tulad niyang inakala naming Tour Guide.

Friday, February 5, 2016

Panyo

"P-panyo..." alok ko.

Nadatnan kong umiiyak si Roger sa madilim na sulok ng library. Tinanggap niya ang panyo na hindi nagsalita.

"Anong problema?" tanong ko.

"Nabuntis ni June si Sarah."

Aray.

Alam ko kung gaano niya kamahal si Sarah. Mahal na mahal. Nakakaya niyang ipaglaban si Sarah sa kabila ng pagtutol ng mga magulang niya. Ang mas masaklap nga lang sa parte nito e ang mismong kaibigan niya pa ang ama ng dinadala si Sarah.

"Akala ko, akin ang dinadala niya," nagsalita siya. "Akala ko, kami na habambuhay... akala ko, sa kanya ko matutupad ang mga pangarap ko... akala ko, para kami sa isa't isa..."

Aray.

"Nakakatawa. Kami talaga ang nagpatunay na walang forever."

Maski ako, masasaktan sa lagay na iyon. Sa katunayan, nasasaktan din ako sa tuwing nakikita ko siyang malungkot at nasasaktan.

Bakit?

"Nagawa ko naman siyang ipaglaban eh," dugtong niya.

Kasi... mahal ko na si Roger. Pero ayokong ipaalam sa kanya at wala akong balak.

"Pasensya na. At salamat na rin," nagsalita siya. "Salamat kasi lagi kang nariyan kapag malungkot ako, Jay."

"Wala sa akin iyon. Lagi lang akong nandito."

Iniwan niya ako sa library. Kahit gusto ko man siyang habulin, hindi ko na nakuha pa sa kanya ang panyo ko.

Hinayaan ko na lang.

Napabahin na naman ako dahil sa alikabok ng mga libro.

- - - - -

Isang araw, nabigla ako. Move-on na daw si Roger. Oo, alam ko dahil ako pa mismo ang unang nakakita sa Facebook na pinagpipiyestahan ng lahat.

Mayroon siyang litrato na bagong ligo. Fresh na fresh. Nakaupo siya sa sulok ng kuwarto, sa may sahig, katabi ng pinto. Nakaangat ang kanyang kanang paa habang tinatakpan ng kanan niyang kamay ang mukha. Nakasampay sa kaliwang balikat ang tuwalya at nakapahaba ang kaliwang paa.

PanyoAng tanging nakatakip lang sa kanyang katawan gamit ang isang pamilyar at pulang panyo ay ang nakabukol roon habang litaw ng limang pursyento ang kanyang bulbol. Para siyang nag-iimbita sa kung sino man na tanggalin ito upang makita ng buo.

"Pagmamayari na ito ng taong may-ari ng panyong nakatakip sa akin. Siya lang ang may karapatang magtanggal ng panyong ito sa akin at wala nang iba," heto ang kanyang photo description.

Nakita ko, panyo ko ang nakatakip sa kanyang ipinagmamalaki.

Loko-loko rin pala siya.

Natuwa ako.

Monday, February 1, 2016

Award

Simple lang ako. Palakaibigan, mabait, matalino, at tahimik. Sabi nila, university crush daw ako pero hinahayaan ko lang ang mga iyon. Di lang iyan, ipinagmamalaki pa ako ng mga magulang ko, lalo na ang tatay kong PMA (heneral na sundalo), na nagkaroon sila ng anak na tulad kong matipuno, makisig, at guwapo. Papuri iyon ng iba sa akin na talaga nga namang aking pinasasalamatan. Pangarap ni tatay na maging isang PMA graduate ako na tulad niya na kanya namang inaasahan sa darating na  panahon. Ewan ko pero gusto na rin niyang magkaroon ng apong lalake hangga't maaari.

At dahil guwapo nga ako, hindi ko rin ipinapalampas ang mga contest na palihim kong sinasalihan na kahit kailan ay hindi ako binigo sa mga nangungunang parangal. Gusto kong ipagmalaki ang mga ito sa mga magulang ko pero mahigpit na ipinagbabawal ni tatay na sumali ako sa mga ganitong uri ng okasyong palihim kong sinasalihan. Nakakabawas daw kasi ng pagkalalake. Ang tanging nagagawa ko lamang ay ipatago ang lahat na nakukuhang trophy sa kaibigan kong varsity player ng university slash hearttrob prince ng university.

Problema ko 'to. Hindi ko alam kung hanggang kalian ako magtatago ng ganito sa lahat lalo na sa mga magulang ko: nananalo ako sa mga Ms. Gay Contest at ang mga award ko ay nasa boyfriend kong varsity player ng basketball slash hearttrob prince ng university.

Muli na naman akong nakoronahan sa mga sandaling ito. Niyakap ako ng mga kapwa ko bakla pagsuot ko ng korona habang sinasabitan ako ng pink na ribbon saka tinaggap ang makukulay na bulaklak.

Pinalakpakan ako ng boyfriend kong malakas ang suporta sa akin at maligayang-maligaya sa pagkapanalo ko, habang kumakaway ako sa madla at umiiyak. Umiiyak, hindi sa kadahilanang masaya ako dahil ako ang nagwagi't nakoronahan kundi, hindi ko na naman maipagmamalaki ang tagumpay na ito kay nanay, at sa tatay kong PMA'er na matindi ang galit sa mga tulad kong bakla.